Pagsesentro ng Buhay Mo sa Pakikipagtagpo sa DiyosHalimbawa
Pamumuhay mula sa Pakikipag-isa
Isa sa pinakadakilang di-maunawaang konsepto ng pananampalatayang Cristiano ay ang Diyos, sa Kanyang kabanalan at pag-ibig, ay mananahan sa puso ng tao. Ikaw at ako ay dinala sa pakikipag-isa sa Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. Wala nang makapaghihiwalay pa sa atin sa Kanya. Mas malapit pa Siya sa hininga natin. Siya ay higit na totoo kaysa sa mismong lupa na tinatapakan natin.
Ang Bagong Tipan ay puno ng katotohanan tungkol sa ating pakikipag-isa sa Diyos. Sinasabi ng Mga Taga-Galacia 2:20 na, “Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin.” Sinasabi ng 1 Mga Taga-Corinto 6:19-20 na, “Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi na ninyo pag-aari ang inyong katawan; sapagkat binili niya kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos."
Sinasabi ng Mga Taga-Roma 6:4 na,"Samakatuwid, tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay."
At sa Mga Taga-Colosas 1:27 ay sinasabi,"Niloob ng Diyos na ihayag sa lahat ng mga Hentil ang dakila at kamangha-manghang hiwagang ito na walang iba kundi si Cristo na nasa inyo. Siya ang ating pag-asa na tayo'y makakabahagi sa kaluwalhatian ng Diyos."
Walang kahit isang sandali na ikaw ay hiwalay sa Diyos. Ang Diyos ay nasa iyo at kasama mo sa bawat pagsubok, tagumpay, pagwawagi, at pagkatalo. Siya ay para sa iyo at naririyan para sa 'yo sa buong araw, araw-araw. Kahit sa ating mga kasalanan, nananatili ang Diyos. Kahit na sa ating paghihimagsik, ang Diyos ay nananahan sa loob natin. Ang kailangan lang natin ay matutunan kung paano pahihintulutan ang pakikipag-isang ito na tumagos sa bawat bahagi ng ating buhay. Ang maunawaan ang ating kaligtasan ay ang matutong iwaksi ang pag-aari ng ating dating sarili at mamuhay sa ating bagong pagkakakilanlan bilang kaisa ni Cristo mismo.
Kung talagang isesentro natin ang ating buhay sa pakikipagtagpo sa Diyos, dapat nating matutunang kilalanin ang katotohanang kasama natin Siya. Siya ay hindi isang malayong Diyos na kailangang bumaba mula sa Kanyang trono sa langit sa tuwing naglalaan tayo ng oras para sa Kanya. Hindi Siya isang Diyos na naninirahan lamang sa mga simbahan, pagsasama-sama, ministeryo, o sa mga saserdote. Siya ang Diyos na nananahan sa loob mo, nagmamahal sa iyo, ginugusto ka, at nagnanais na makasama ka sa patuloy na pakikipag-isa.
Maglaan ng oras ngayon upang baguhin ang iyong isip sa katotohanan ng iyong pakikipag-isa sa Diyos. Hilingin sa Kanya na ihayag ang Kanyang pagiging malapit upang ikaw ay“lumakad sa panibagong buhay” ngayon (Mga Taga-Roma 6:4). Gumawa ng puwang sa iyong puso at isipan upang hayaan ang presensya ng Diyos na tumagos sa bawat bahagi ng iyong buhay. Nawa'y magkaroon ka ngayon ng isang radikal na pagbabago sa iyong buhay habang ang Diyos mismo ay nagsisimulang kumilos, magtrabaho, magpala, at mangusap sa lahat ng iyong ginagawa.
Panalangin
1. Pagnilayan ang iyong pakikipag-isa sa Diyos. Baguhin ang iyong isip sa pamamagitan ng paglalagay ng iyong tiwala sa Banal na Kasulatan kaysa sa iyong mga damdamin o mga nakaraang karanasan.
“Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin.” Mga Taga-Galacia 2:20
“Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.” 2 Mga Taga-Corinto 5:17
“Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi na ninyo pag-aari ang inyong katawan; sapagkat binili niya kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos." 1 Mga Taga- Corinto 6:19-20
2. Anong mga bahagi ng iyong buhay ang hindi pa kinakikitaan ng pakikipag-isa mo sa Banal na Espiritu? Saang parte ng buhay mo ang tila hindi mo kasama ang Diyos? Saan ka nagsusumikap at gumagawa para sa kung ano ang nasa iyo na kay Cristo Jesus?
3. Hilingin sa Banal na Espiritu na ihayag ang Kanyang pagiging malapit sa 'yo. Hingin sa Kanya na tulungan kang maging isang taong tumatanggap sa halip na nagsusumikap at nagpapahinga kaysa gumagawa.
“Manahimik kayo, at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.” Mga Awit 46:10
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang buhay na ito ay minarkahan ng nag-iisang pagpili: kanino o saan natin isesentro ang ating buhay? Ang pagpiling ito ay nagdadala sa bawat isa sa atin sa landas ng mga desisyon na humuhubog sa kung sino tayo, kung ano ang nararamdaman natin, kung sino o ano ang ating pinahahalagahan, at kung ano ang ating magagawa sa pagtatapos ng ating mga araw. Ang pagsesentro ng ating buhay sa ating sarili o sa mga bagay ng mundong ito ay humahantong lamang sa pagkawasak.
More