Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pagsesentro ng Buhay Mo sa Pakikipagtagpo sa DiyosHalimbawa

Centering Your Life Around Meeting With God

ARAW 5 NG 7

Si Jesus ang Nasa Sentro

Ang buong kawalang hanggan ay nakasentro sa buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. Siya ang pinakamahalaga, nagbago sa kawalang-hanggan, at tumubos sa sangkatauhan na Anak ng buhay na Diyos. Sinasabi sa atin ng Mga Taga-Colosas 1:15,Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha.”

Sinasabi sa Mga Hebreo 1:3 na,“Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y umupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos doon sa langit.”

At sa oras ng kanyang pagbabalik, sinabi ng Pahayag 19:16 na, < em>“Nakasulat sa kanyang kasuotan at sa kanyang hita ang ganitong pangalan: “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”

Ang isentro ang ating buhay sa pakikipagtagpo sa Diyos ay ang pagtatayo ng ating pundasyon sa hindi matitinag na sentro ng buong kawalang-hanggan. Ang pagbuo ng ating buhay sa pakikipagtagpo kay Jesus ay ang paglalagay ng angkla ng ating pag-asa sa Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Si Jesus lamang ang tapat sa Kanyang salita. Si Jesus lamang ang makakatupad sa Kanyang ipinangako sa atin.

Ang sabi sa 1 Juan 2:17, “Mawawala ang sanlibutan at ang lahat ng kinahuhumalingan nito, ngunit ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.” Ang kalooban ng Diyos ay isentro ang ating buhay sa Kanyang mapagmahal na presensya. Ang pinakadakilang utos ng Diyos ay ang mahalin natin siya sa lahat ng ating ginagawa. Ang mamuhay nang iba kaysa sa mundo sa paligid mo sa pamamagitan ng pagsesentro ng iyong buhay sa pakikipagtagpo kay Jesus ay ang gumawa ng bagong landas tungo sa kapuspusan ng buhay.

Maaaring mukhang kahangalan sa mundo na ilagay ang iyong pag-asa sa katauhan ni Jesus lamang, ngunit wala nang mas mahalaga pa rito. Maaaring kakaiba kung isasantabi ang mga hangarin ng lipunan tulad ng kaginhawahan, katayuan, at pagbubunyi, ngunit wala ka nang mas malaking desisyon pang maaaring gawin. Naglilingkod ka sa isang Diyos na noon, ngayon, at sa darating na panahon. Nabibilang ka sa isang Hari na nagbuwis ng Kanyang buhay upang tunay kang mabuhay. Wala kang makikitang higit na kagalakan, kapayapaan, o layunin kaysa sa paglilingkod kay Jesus. Wala nang hihigit pa sa buhay na nabuhay nang may buong debosyon sa Hari ng buong sangkalupaan.

Maglaan ng oras ngayon upang muling italaga ang iyong sarili sa Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Lumayo sa limitadong pananaw at isipin ang banal at walang hanggang kaharian ng Diyos. Hayaang magkaroon ka ng kalakasan ng loob sa pamamagitan ng katotohanan ng salita at pag-ibig ng Diyos upang piliin ang pagmamahal sa Kanya kaysa sa paglilingkod sa iyong sarili at sa mundo sa paligid mo. Nawa'y mapuno ang iyong araw ngayon ng nananatiling presensya ni Haring Jesus.

Panalangin

1. Pagnilayan ang Banal na Kasulatan tungkol sa katauhan ni Jesus. Alalahanin na si Jesus ay buhay at malapit. Siya ang buhay na Diyos, at sinasabi ng Kasulatan na ang iyong buhay ay nakabalot sa Kanya.

“Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin." Mga Taga-Galacia 2:20

"Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin. Ibibigay sa kanya ang pamamahala; at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan." Isaias 9:6

"Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmumulan at kabuuan ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos." Mga Hebreo 12:2

2. Sa anong mga paraan hindi nakasentro ang iyong buhay kay Jesus? Sa anong mga paraan ka nabubuhay para sa mundo kaysa sa kawalang-hanggan?

3. Hilingin sa Banal na Espiritu na tulungang isentro ang iyong buhay sa kung sino si Jesus noon at ngayon. Hingin sa Kanya na punan ka ng kaalaman ng Kanyang pagiging malapit at ng pagmamahal Niya sa iyo. Buksan ang iyong puso at tanggapin ang presensya ni Jesus. Hilingin sa Kanya na ipakita sa iyo ang mga paraan upang maisentro mo ang iyong buhay sa Kanya ngayon.

“Binuhay kayong muli na kasama ni Cristo, kaya't ang pagtuunan ninyo ng isip ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos.” Mga Taga-Colosas 3:1

Banal na Kasulatan

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Centering Your Life Around Meeting With God

Ang buhay na ito ay minarkahan ng nag-iisang pagpili: kanino o saan natin isesentro ang ating buhay? Ang pagpiling ito ay nagdadala sa bawat isa sa atin sa landas ng mga desisyon na humuhubog sa kung sino tayo, kung ano ang nararamdaman natin, kung sino o ano ang ating pinahahalagahan, at kung ano ang ating magagawa sa pagtatapos ng ating mga araw. Ang pagsesentro ng ating buhay sa ating sarili o sa mga bagay ng mundong ito ay humahantong lamang sa pagkawasak.

More

Nais naming pasalamatan ang First15 sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://www.first15.org/