Mas Mabuting DaanHalimbawa
Walang Tinag na Pagsunod
Mahaba-haba na ang usapan nating patungkol sa mas mabuting daan, ngunit ang pinagbabatayan ng lahat ng ito ay ang ating kahandaang isuko ang ating sariling pamamaraan upang sundin ang sa Kanya. Sa madaling sabi—pagsunod.
Malinaw itong inilalatag ni Jesus nang sabihin Niya ang:
… “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin, ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.” Mateo 16:24-25 RTPV05
Ang pagsunod sa daan ni Jesus ay ang pagsuko ng ating mga plano para sa Kanyang mga layunin. At ang layunin Niya ay laging labis na mas malawak kaysa ating perspektibo.
Ang totoo nito, ilang sandali bago Niya nabanggit ang pagtakwil ng ating sariling daan, pinuna Siya ni Pedro para sa paghula ng Kanyang sariling kamatayan. Ngunit ang tugon ni Jesus ay:
… “Umalis ka sa harapan ko, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao.” Mateo 16:23 RTPV05
Maaaring akalain nating alam natin ang pinakamabuti, ngunit maliit na bahagi lang ng kuwento ang alam natin. Kaya't, ano kaya kung ang pinakadakilang kaaway ng buhay na hinahangad mo ay ang kasalukuyang buhay mo? Ano kaya kung ang buhay na kinakapitan mo ngayon ang humahadlang sa'yong talagang matamasa ito?
Pinaaalalahanan tayo ng Banal na Kasulatan na may daang matuwid sa tingin natin, ngunit kamatayan ang dulo nito. (Mga Kawikaan 14:12).
Salamat, dumating si Jesus na nag-aalok ng mas mabuting daan. At ang daang ito ay nag-aakay tungo sa buhay.
Ngunit ang daang ito ay napalolooban ng pagsuko kay Jesus.
Ang pagsunod na iyan ay hindi laging magiging madali. Mismong si Jesus ay kinailangang sumunod sa Kanyang Ama hanggang sa kamatayan sa krus. Humiling Siya ng daang maiwasan ito. Naghinagpis Siya sa panalangin bago Siya arestuhin. Ngunit isinuko pa rin Niya ang mga nais Niya para sa kalooban ng Diyos, na naghatid ng kaligtasan sa lahat ng tatanggap sa Kanya.
Kaya't, sa pagsusuri ng iyong buhay, kamusta ka sa pagsunod sa daan ni Jesus? Tinatangka mo bang gumawa para kay Jesus, o nararanasan mo ba ang paggawa ni Jesus sa'yo?
Oras nang bitawan ang sarili nating daan para makasunod sa daan Niya, alam na sa sandaling gawin natin ito, tunay nating mararanasan ang mas mabuting daan.
Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo, kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko. Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo, kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo. Mga Awit 84:10 RTPV05
Manalangin: O Diyos, salamat sa pagbibigay sa amin ng mas mabuting daan sa pamamagitan ni Jesus. Tulungan akong lubos na isuko ang aking daan para sa Iyong daan, batid na labis itong mas mabuti kaysa anumang kaya kong isipin. Gabayan ako habang sinisikap kong maging masunurin sa Iyo, at ipakita sa aking kung paanong makapamuhay nang tulad Mo. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Gawin: Mag-ukol ng panahong tanungin ang Diyos kung may mga pamamaraang mas lubos mo Siyang masusunod. Tapos gawin mo na!
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Nararamdaman mo ba paminsan na ginagawa mo naman ang lahat ng alam mong tama ngunit panay masama ang kinalalabasan? Maaaring sinusubukan mong kumonekta sa Diyos, ngunit pakiramdam mo'y napakalayo mo sa Kanya. Kung malapit ka nang maupos, ang 7-araw na Gabay sa Biblia na ito, na kasama ng serye ng mga mensahe ni Pastor Craig Groeschel, ay para sa'yo. Oras nang tigilang magtrabaho para kay Jesus at simulang maglakad sa daan ni Jesus.
More