Mas Mabuting DaanHalimbawa
Walang Patid na Pakikipagkaisa sa Ama
Tinalakay natin kahapon kung paanong maaari nating ipagpalit ang ating kaabalahan para sa banayad na kumpas ng buhay, ngunit heto pa ang pinakamahalagang bahagi: Ang tunay na kapayapaan ay masusumpungan lang sa presensya ng Diyos.
Hindi tayo maaring nagrerelaks lang at umasang may darating na dakilang tagumpay. Bagkus, kailangan nating hanapin ang Diyos, nagtitiwalang Siya lang ang makapagbibigay ng kapahingahang kailangan natin.
Minodelo ni Jesus ito sa malimit na pag-iisa sa mga ilang na lugar upang manalangin. At tinatawagan tayong gawin ang natutulad. Ipinaliliwanag sa Juan 15:
“Ako nga ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin.” Juan 15:5 RTPV05
Wala tayong magagawa kung tayo'y hiwalay kay Jesus. Kaya nga't ang pinakamahalagang bagay na magagawa natin ay ang kumonekta sa ating Manlilikha. Sa Kanya, masusumpungan natin ang lahat ng ating kailangan.
Kaya't ano ang gagawin kung sinusubukan mong kumonekta sa Ama, ngunit pakiramdam mo'y napakalayo mo talaga sa Kanya?
- Patuloy na manalangin. Sa Lucas 18:1-8, ikinuwento ni Jesus ang patungkol sa matiyagang biyuda na patuloy na ginambala ang isang matigas ang kalooban na hukom para sa katarungan. Kalaunan, pumayag ang hukom sa nais niya dahil hindi siya natinag sa pagtityaga. Maaaring hindi mo natatanggap ang mga tugon na ninanais mo—o pakiramdam mo'y walang sagot man lang—ngunit naririnig ka ng Diyos, at ang pagtityaga mo ay masusulit.
- Siyasatin ang iyong pamanhik. Ang kawalan ng tugon ay maaaring senyales na maaari mong baguhin ang hinihingi mo. Posibleng humihingi ka ng kalinawan, ngunit ang nais Niya'y lumago ka sa pagtitiwala. Kaya't imbes na manalangin para sa kalinawan, maaari mong baguhin sa mas lalong pagtitiwala sa Kanyang plano. Syempre maaari mo namang patuloy na hingin sa Diyos ang nais mo, ngunit konsiderahin ang maaaring talagang kailangan mo, at iyon na lang ang hingin.
- Baguhin ito. Isipin ang pinakamatatalik mong mga kaibigan. Sa pagdaan ng mga taon, may nagbago na marahil sa ugnayan ninyo, tama? Nakakawalang-gana naman kung pare-pareho lang ang ginagawa ninyo sa tuwing magkasama kayo. Kaya't konsiderahin ding baguhin ang buhay-panalangin mo! Maaari mong subukang itala ang iyong mga panalangin, manalangin ng isa sa mga Awit o ng Ama Namin, nang mas mahabang panahon sa pakikinig, maglakad habang nananalangin, o manalangin kasama ng ibang tao.
Kahit si David—isang lalaking labis na nagpahalaga sa Diyos—ay sumulat ng ilang mga Awit ng pagdaraing sa Diyos dahil hindi siya sinasagot Nito, kaya't hindi ka nag-iisa kung pakiramdam mo ay malayo ka sa Diyos. Ngunit kilalaning kasama mo Siya, kakampi mo Siya, at kakatagpuin ka Niya kung hindi ka susuko.
Manalangin: O Diyos, parang hindi ko ngayon nadarama ang Iyong presensya. Alam kong narito Ka, ngunit tila hindi ako maka-konekta sa Iyo. Ipakita sa akin ang anumang bahagi ng buhay ko na maaaring kailangan kong baguhin upang marinig ang Iyong tinig, at tulungan akong maranasan Ka sa sariwa't bagong paraan. Salamat dahil palagi Kang nakikinig. Sa pangalan ni Jesus, amen.
Gawin: Sa paanong isang paraan mong mababago ang iyong buhay-panalangin itong linggong ito? Pag-isipan ito, at pagpasyahang subukan ito sa mga susunod na araw.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Nararamdaman mo ba paminsan na ginagawa mo naman ang lahat ng alam mong tama ngunit panay masama ang kinalalabasan? Maaaring sinusubukan mong kumonekta sa Diyos, ngunit pakiramdam mo'y napakalayo mo sa Kanya. Kung malapit ka nang maupos, ang 7-araw na Gabay sa Biblia na ito, na kasama ng serye ng mga mensahe ni Pastor Craig Groeschel, ay para sa'yo. Oras nang tigilang magtrabaho para kay Jesus at simulang maglakad sa daan ni Jesus.
More