Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mas Mabuting DaanHalimbawa

A Better Way

ARAW 5 NG 7

Walang Kahating Atensyon

Naranasan na nating lahat ito. Magkasama kayo ng isang matalik na kaibigan, ikinukuwento mo ang isang problemang pinagdadaanan o nangangailangan ka ng kaunting payo. Tumatango ang kaibigan mo, ngunit panay ang sulyap sa kanyang telepono, nangangahulugang ang atensyon niya ay malayo sa iyo. 

Nakakadismaya ang ganito, di ba? Ngunit magpakatotoo tayo. Nagawa na rin nating hindi makinig. Kahit napakaganda ng ating intensyon, minsan mahirap ang ibigay ang ating buong atensyon sa iba. 

Ginagawa rin natin ito sa panalangin. Mauupo tayo para manalangin, at bigla na lang, mapupunta sa iba ang ating isip, at hindi man lang natin matandaan kung paano tayo napunta roon. 

Nauunawaan mo ang pakiramdam? 

Mabuti na lang, binibigyan tayo muli ni Jesus ng mas mabuting pamamaraan. Palaging nagagambala si Jesus, ngunit ang atensyon Niya ay hindi kailanman nahati. 

Paano posibleng magsabayang totoo ang pareho? Paano Niya nagawang umasikaso ng mga paggambala nang hindi nahahati ang Kanyang pokus? 

Hindi pinayagan ni Jesus ang mga panandaliang layunin na maglayo ng isip Niya mula sa Kanyang pangmatagalang misyon. 

Isipin kung paanong mababago ang ating pananaw kay Jesus kung nagmamadali Siya, at hinahawi ang sinumang haharang-harang sa Kanya sa daan. Halimbawa, isipin na lang natin kung sa tagpo sa Marcos 8, matapos lapitan si Jesus ng ilang tao at pakiusapang pagalingin ang isang bulag, na sumagot Siya nang, “Pasensya na, kailangan Kong pumunta sa Cesarea Filipos dahil may mahalagang trabaho para sa Diyos na kailangan Kong gawin doon.”

Madidismaya't mapapaisip ka, tama? Magtataka ka kung bakit ginamit ni Jesus ang trabaho para sa Diyos na dahilan para sayangin ang pagkakataong maipamalas ang pag-ibig ng Diyos. 

Kaya nga't tunay na kamangha-manghang ang tugon ni Jesus. Ang talagang nangyari sa Marcos 8 ay isang magandang tagpo kung saan ibinigay ni Jesus sa isang bulag na lalaki ang Kanyang walang-kahating atensyon. 

Inakay Niya ang lalaki mula sa karamihan ng tao, inilagay ang Kanyang mga kamay sa kanya, at pinagaling siya—nang dalawang ulit. Nagbigay ng oras si Jesus hindi lang sa pagpapagaling ng pisikal na problema ng lalaki kundi pati rin palaguin ang kanyang espirituwal na kalusugan. 

At hindi ito di-pangkaraniwang kaganapan para kay Jesus. Ang Kanyang ministeryo ay malimit na may mga paggambala, at inasikaso Niya ang bawat isa nang may kagandahang-loob, habag, katotohanan, at pagmamahal. 

Kaya't, paano naman tayo? 

Kapag may nakita kang nangangailangan, dinadaanan mo lang ba sila, nagmamadali tungo sa sunod mong kailangang atupagin? Kapag may kausap kang kaibigan o mahal sa buhay, ibinibigay mo ba sa kanila ang iyong atensyon, o tinutuloy mo lang ang pag-iskroll sa iyong telepono? 

Ang pagsunod kay Jesus ay nangangahulugan ng pamumuhay sa kaparaanan ni Jesus, kaya't maging mga tao tayong nagbibigay ng walang-kahating atensyon sa mga nakapaligid sa atin, batid na kapag ginagawa natin ito, nagiging mas tulad tayo ni Jesus.

Manalangin: O Diyos, napapagtanto kong nahihirapan akong ibigay ang walang-kahating atensyon ko sa Iyo at sa iba. Salamat sa palaging pagbibigay Mo sa akin ng Iyong atensyon at sa matiyaga at masigasig na pamamaraang minamahal Mo ako. Tulungan akong ipakita ang ganyang uri ng pagmamahal sa lahat ng makakatagpo ko sa linggong ito, at tulungan akong simulang matanaw ang mga paggambala na mga paanyayang maipakita ang Iyong pag-ibig. Sa pangalan ni Jesus, amen. 

Gawin: Ibigay ang regalo ng iyong presensya ngayong araw. Palagi at sadyang ibaba ang iyong telepono at makinig sa Diyos at sa iba sa buong maghapon mo.

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

A Better Way

Nararamdaman mo ba paminsan na ginagawa mo naman ang lahat ng alam mong tama ngunit panay masama ang kinalalabasan? Maaaring sinusubukan mong kumonekta sa Diyos, ngunit pakiramdam mo'y napakalayo mo sa Kanya. Kung malapit ka nang maupos, ang 7-araw na Gabay sa Biblia na ito, na kasama ng serye ng mga mensahe ni Pastor Craig Groeschel, ay para sa'yo. Oras nang tigilang magtrabaho para kay Jesus at simulang maglakad sa daan ni Jesus.

More

Nais naming pasalamatan ang Life.Church sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: https://www.life.church/