Maghari Ka sa AminHalimbawa
PANALANGIN:
O Diyos, ipakita sa akin ang mga bagay na pinagkukuhanan ko ng seguridad at kabuluhan sa buhay. Tulungan akong bitawan ang mga ito at magtiwala sa Iyo.
PAGBASA:
Isipin kung ikaw ang kaisa-isang naiwang buhay mula sa isang nawasak na barko. Ilang araw kang palutang-lutang, nakakapit sa isang pirasong kahoy mula sa nawasak na barko. At matapos, nang tila wala nang pag-asa, may barko kang matatanaw. Maya-maya lang, lalapit na sa iyo ang barko at may taong magtatapon sa iyo ng lubid. Sasabihin ng mga taong bitawan mo na ang kahoy at kapitan ang lubid. Tila napakasimpleng desisyon, tama? Nasa desperado kang sitwasyon at hindi mo kakayaning maligtas nang mag-isa, at nariyan ang isang taong handa at may kakayahang iligtas ka. Ang kailangan mo lang gawin ay bitawan ang kahoy at abutin ang lubid. Ang kailangan mo lang gawin ay magtiwala.
Ngunit paano na lang kung bago mo abutin ang lubid, simulan mong kwestyunin ang iyong pasya, pag-isipan ang kung paanong natulungan ka ng kahoy na ito sa ilang nakalipas na araw sa dagat. Naroon ito nang kailanganin mo, at natutunan mo nang umasa rito para sa kaligtasan. Ang bitawan ito at kumapit sa ibang bagay ay higit sa kaya mong ibigay. Kaya't sasabihin mo sa mga tao sa barko ang, “Hindi. Dito na lang ako sa kahoy”
Isang hangal na pasya iyon! Ngunit napapagtanto mo man o hindi, ito'y natutulad sa madalas nating pasya sa ating espirituwal na buhay. Kapag inaanyayahan tayo ni Jesus na sumunod sa Kanya at mamuhay nang iba bilang kabahagi ng Kanyang kaharian, inaanyayahan Niya tayong ilipat ang ating tiwala. Inaanyayahan Niya tayong bitawan ang mga dati nating pinagtitiwalaan para sa seguridad at kabuluhan—at kapitan Siya bilang ating bagong pagkukuhanan ng mga ito. Ang “pagbitaw” sa ating nakagawian sa buhay, ay kung minsan, mistulang kamatayan, parang pagkawala ng buhay na alam natin. Maaaring nakakatakot at masakit din ang hakbang na iyan.
At, hindi tulad ng kuwento ng nakaligtas mula sa barkong nawasak, ang ating pasyang bumitaw at magtiwala ay hindi minsanang desisyon. Kahit matapos na nating pagpasyahang magtiwala kay Jesus at sumunod sa Kanya, masusumpungan natin paminsan-minsan ang ating mga sariling kumakapit sa mga bahagi ng ating dating buhay. Mahuhuli natin ang ating mga sariling bumabalik sa mga pamilyar na pinagkukunan ng seguridad at kabuluhan. At sa bawat pagkakataon kakailanganin nating magpasya—nang muli—na bumitaw at bagkus kumapit sa buhay na alok ni Jesus.
Kapag nasumpungan mo ang sarili mong kumakaharap na naman sa ganitong sitwasyon, paalalahanan ang iyong sarili ng pangako ni Jesus sa sipi sa itaas. Sa pamamagitan ng mawalan, ng pagbibitaw, ng ating mga buhay natin masusumpungan ito, sa pinakamalalim at pinakaganap na pamamaraan.
PAGNINILAY:
Inaanyayahan tayo ni Jesus na ilipat ang ating tiwala mula sa mga luma at pamilyar na bagay na kinakapitan natin para sa pag-asa at seguridad sa isang bagay na mas mabuti: kay Jesus mismo. Sa anu-anong mga bagay ang pinakamahirap sa iyong bitawan at pagtiwalaan Siya? Gumugol ng panahong isulat ang mga ito at hingin sa Diyos na ilantad ang mga bahagi ng iyong pusong nahihirapan ka pang magtiwala sa Kanya.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Narinig namin na si Jesus ay nag-aalok ng "buhay na ganap" at hinahangad namin ang karanasang iyon. Nais namin ang buhay na iyon na nasa kabilang dako ng pagbabago. Ngunit anong uri ng pagbabago ang kailangan natin? At paano natin isasagawa ang proseso ng pagbabago? Sa Maghari Ka sa Amin, ikaw ay makatutuklas ng isang bagong paraang makapamuhay ng pambihira at kamangha-manghang buhay na paanyaya sa atin ng Diyos.
More