Maghari Ka sa AminHalimbawa
PANALANGIN:
O Diyos, mapagmahal Kang ama. Salamat sa pagtitiyaga Mo sa akin habang natututunan kong magtiwala sa Iyo.
PAGBASA:
Alam mo bang may kabayaran ang paglago? Bago tayo makaabante sa ating lakbayin ng paglago, madalas kailangang malaman natin kung ano ang mawawala sa atin. Maniwala ka man o hindi, bahagi ng dahilang hindi tayo umaabante sa paglago ay dahil nakikinabang tayo sa pagtatagal sa kung nasaan tayo—tinatamasa ang ginhawa, seguridad, ang ilusyon ng kontrol, o anupamang iba't ibang mga bagay.
Sa Mga Taga-Galacia 4:6-8, sinasabi ni Pablo na ang pagtatatag ng ating buhay palibot sa mga maling bagay ay nakapagpapaalipin sa atin. Malakas na pananalita, ngunit labis na estratehiko ang ginagawa ni Pablo rito. Tinutukoy ni Pablo ang bahagi ng kasaysayan ng Israel di-nagtagal matapos nilang mapalaya mula sa pagkakaalipin sa Egipto. Hinirang ng Diyos si Moises at gumawa ng mga dakilang himala upang mapalaya sila sa mga tanikalang iyon, at pinapurihan ng mga Israelita ang Diyos para sa kanilang kalayaan. Ngunit hindi nagtagal ay nagsimula na silang dumaing ng pangungulila sa mga benepisyo at kaginhawahan sa buhay nila sa Egipto. At nagsimula pa nga nilang pag-usapan ang pagbalik doon! Kaya mo bang isiping mangulila para sa isang bayan kung saan ikaw ay naging isang alipin?
Tila kahibangang pakinggan, ngunit ayon kay Pablo, ang pagnanasang iyan ay maaaring mas pamilyar sa'yo kaysa naiisip mo. Kung may isang bagay na labis mong kinakailangan na hindi mo kayang isiping mawala ito sa buhay mo, ikaw ay alipin sa bagay na iyan. Isinuko mo ang iyong kalayaan. Ikaw ay nakagapos dito. Ito'y maaaring isang pag-aari, isang relasyon, isang titulo, o isang reputasyon.
Dahil tayo ay binigyan ng bagong pagkakilanlan kay Jesus, ang mga tanikalang iyon ay pinutol na at may bagong daang inilalatag tungo sa ating kalayaan. At bagamat ito'y malinaw at tila napakasimpleng ideya, hindi ito palaging madaling gawin. Isang bagay ang makawala sa pagkakaalipin, ngunit ibang bagay pa ang alisin ang pagkakaalipin mula sa looban mo.
Ang ating likas na pagkahilig ay ang patuloy na pagbalik sa kung ano ang tila nagbigay sa atin ng kaginhawahan, seguridad, at kaligtasan, habang naman tinatalikuran ang lakbayin tungo sa kabuuan at kalayaan na hangad para sa atin ng Diyos.
Ngunit may mabuting balita para sa'yo ngayon. Ang Diyos ay isang mapagmahal na ama!
Isipin ang isang amang pinanonood ang kanyang paslit na natututo pa lang maglakad. Ano ang nararamdaman niya? Ano ang kanyang reaksyon? Naiinis ba siya at nayayamot na hindi makaabante ang kanyang anak? Nagwawala ba siya sa galit kapag nanghihina ang mga tuhod ng kanyang anak at madapa ito? Sa palagay mo ba'y makikitaan mo siya ng pambihirang pagkabigo sa kanyang mga mata habang sumisigaw ito ng, “Bakit hindi ka pa naglalakad? Tingnan mo ang kuya mo! Kaya niyang tumakbo ng ilang ikot sa bahay na ito! Bakit hindi mo kayang umayos?”
Hinding-hindi! Hindi sa isang milyong taon mong aasahan ang ganyang uri ng reaksyon. Bakit hindi? Dahil ipinagdiriwang ng isang mapagmahal na ama ang mga paghakbang ng paslit gaano man kaliliit ang mga ito. Alam Niyang ang mga paghakbang na ito ay pasimula ng mahabang lakbaying tungo sa pagiging isang ganap na maygulang. Matiyaga Siya sa pagsulong at ipinagdiriwang ang bawat tagumpay, gaano man ito kapanandalian.
Sa ganitong paraan din, sabik ang Ama mo sa langit na makita kang umaabante sa iyong espirituwal na buhay. Mahal ka Niya at ipinagdiriwang ang iyong mga maliliit na paghakbang.
PAGNINILAY:
Heto ang dalawang tanong na maaari mong pagnilayan ngayon. Ano ang nakukuha ko sa pagtatagal sa kinalalagyan ko ngayon? At ano ang isang bagay na labis akong natatakot na mawala sa akin?
Habang sinisimulan mong sagutin ang mga tanong na ito, hingin sa Diyos ang biyaya at lakas na kailangan mo upang magawa ang maliit na hakbang ng pagtitiwala ngayon. Matapos ay gumugol ng panahon upang pasalamatan ang Diyos sa Kanyang pagtitiyaga at pagpapatawad na sumasalubong sa'yo sa bawat pagkakataong natitisod kang pabalik sa iyong dating buhay at paraan ng pag-iisip.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Narinig namin na si Jesus ay nag-aalok ng "buhay na ganap" at hinahangad namin ang karanasang iyon. Nais namin ang buhay na iyon na nasa kabilang dako ng pagbabago. Ngunit anong uri ng pagbabago ang kailangan natin? At paano natin isasagawa ang proseso ng pagbabago? Sa Maghari Ka sa Amin, ikaw ay makatutuklas ng isang bagong paraang makapamuhay ng pambihira at kamangha-manghang buhay na paanyaya sa atin ng Diyos.
More