Pagsunod kay Jesus na Ating TagapamagitanHalimbawa
Si Jesus at ang Mahihirap
Ang kahirapan ay may maraming anyo, espirituwal at materyal. Inabot ni Jesus ang sinumang nasa anumang uri ng kahirapan.
Mula sa isang tala sa Study Bible ng Africa na aplikasyon na pinamagatang “Poverty of Spirit”:
Maraming mahihirap ang nagtipon upang pakinggan ang pangangaral ni Jesus sa bundok. Alam nilang kailangan nila ng tulong araw-araw para mabuhay. Nakuha ni Jesus ang kanilang atensyon at ipinangako sa kanila ang Kaharian ng Diyos, na kumakatawan sa kagalakan, pagpapagaling, at buong pagpapala ng Diyos. Upang matanggap ito kailangan nilang kilalanin ang kanilang pangangailangan para sa Kanya. Ginamit ni Jesus ang mga mahihirap upang ilarawan ang pangangailangan ng bawat isa na lumapit sa Diyos matapos mabatid ang kanilang sariling kahirapan.
Ang mga taong dumaranas ng pisikal na kakulangan ay kadalasang pinanghihinaan ng loob at may mababang motibasyon na gawin ang anumang bagay. Nasisiraan sila ng loob at maaaring wala nang masumpungang dahilang magpatuloy pang mabuhay. Ang mas masahol pa, ang tulad nilang mga tao'y walang mapanghawakang pag-asa sa anumang politikal o panlipunang sistema. Ang mundo at kalakaran nitong kawalan ng katarungan ay sumira na sa kanilang espiritu sa pamamagitan ng kahirapan. Sa mga sandaling iyon ng kawalan ng pag-asa, tanging ang Kaharian ng Diyos ang makapagbibigay ng pag-asa para sa pagpapanumbalik sa katiwasayan.
Ang Kaharian ng Diyos ay hindi para sa mahihirap o mayayaman, kundi para sa lahat na napagtatanto ang kanilang pangangailangan sa Kanya. Kung tayo ay mahirap, hindi natin dapat kamuhian ang ating pagdanas ng kahirapan dahil nagiging daan ito na ating maunawaan kung gaano talaga natin kailangan ang Diyos. Iyan mismong kaunawaan ng ating sariling pangangailangan ang nagpapahintulot sa ating manahin ang Kaharian ng Langit bilang atin.
Pagnilayan o Pag-usapan
Sa anong mga paraan ka nakaranas ng kahirapan o kawalan ng katarungan sa iyong buhay? Paano nakaapekto ang mga karanasang ito sa iyong buhay at sa paraan ng iyong pamumuhay?
Bakit makabuluhan na ang Kaharian ng Diyos ay hindi lamang para sa mayayaman, o para sa mga taong may kalamangan sa buhay?
Paanong ang kawalang-katarungan ng mundong ito at mga kalagayang dulot ng kahirapan makatutulong sa ating mapagtantong kailangan natin ang Diyos?
Sa anong mga paraan ang mga salita ni Jesus mabuting balita para sa ating nahaharap sa kawalang-katarungan?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Isang bulag na pulubi ang desperadong umiiyak sa gilid ng daan, isang makasalanang babaeng kinamumuhian ng maranagal na lipunan, isang tiwaling kawani ng pamahalaan na kinasusuklaman ng lahat, paano aasa ang mga taong ito na nasa laylayan ng lipunan na makaugnay sa isang banal na Diyos? Ayon sa mga pananaw mula sa aklat ng Lucas sa Africa Study Bible, sundan si Jesus habang pinupunuan Niya ang puwang sa pagitan ng Diyos at ng mga napabayaang pangkat ng lipunan.
More