Pagtataas sa Antas ng Pamumuno sa Pamamagitan ng Karunungan ng BibliaHalimbawa
"Gumising bago pa gumising ang lahat at magtrabaho hanggang gabi. Magmadali." — Gary Vaynerchuk
Magmadali ang salitang tila kumakalat sa mga negosyante at namumuno sa mga industriya. Anumang kinakaharap mo at anumang nangyayari, kailangang mas bilisan mo pa ang pagmamadali kaysa sa iyong kompetisyon. Magtrabaho nang higit pa sa sinuman at gawin ang lahat ng kailangang gawin. Lahat iyan at higit pa! Ito na ang itinuturing na Ginintuang Alituntunin kung gusto mong maging matagumpay sa negosyo.
Huwag mo akong masamain, maraming beses at mga panahon na ang pagmamadali ay kakailanganin natin sa ating tatahaking buhay. Sa pangkalahatan, ang magandang ugali sa trabaho ay napakahalaga, at kadalasan ay ito ang nawawalang bahagi sa malaking porsyento ng henerasyon sa hinaharap. Bilang isang batang negosyante, ang pagmamadali ay naging malaking bahagi ng aking estratehiya, at nakita ko kung paanong ito ay nagbunga. Naglingkod ako sa ministeryo at pinangunahan ang mga pangkat kung saan ang pagmamadali at purong pagsisikap ang susi na ginamit ng Diyos upang magkaroon ng mahalagang epekto para sa Kaharian.
Gayunpaman, ang panganib na hindi ko lang nakita kundi naranasan pa ay kapag ang pagmamadali ay napabayaan at nawala ang pahinga. Maraming beses akong napagod nang sobra sa huling ilang dekada dahil hindi ko isinaalang-alang at nirespeto ang pahinga. Mahalagang banggitin na marami akong mga sobrang kapagurang dinanas na muntik nang maglayo sa akin sa pagkakatawag ko at sa pinakamabuti ng Diyos para sa buhay ko. Sa pagbabalik-tanaw ko ngayon ay malinaw kong nakikita na ito ay dahil sa kakulangan ng kapahingahan sa kabuuan.
Ang pagtataas ng antas ng pamumuno ay nakasalalay nang malaki sa isang maayos at Makadiyos na pagtanaw sa pahinga. Bilang mga pinuno, napakahalagang mapagtantong hindi tayo mga makina at hindi tayo dapat kumilos na parang makina. Isang magandang pasimula ay ang malamang ang pahinga ay hindi isang kahinaan. Marami na akong nakatagpong mga pinuno, bata at matanda, na tila baga isang medalya ng karangalan ang kawalan nila ng tulog. Kailangang tanggalin natin ito sa ating isipan dahil ito'y walang katotohanan. Ang kawalan ng tulog at ang sobrang pagtatrabaho ay hindi tanda ng karangalan. (Isang Gabay sa Biblia na tumutulong na malaman ang katotohanan na ang pagtulog ay isang espiritwal na gawain ay ang Lifehacks: Practical Tips For Godly Habits'. Inirerekomenda ko ang makapangyarihang Gabay na ito.)
Alam mo bang ang pagtulog ay isa sa pinakasikat na hinahanap sa Google? Pagdating sa pagtulog, ang internet ay halos sumabog dahil sa mga paghahanap at mga pagsasaliksik sa Web tungkol dito. Kung hindi ka pa nakapaghanap tungkol sa pagtulog o sa tulong sa pagtulog, ikaw ay isa sa iilan lang. Kapag naghanap ka sa Google para sa tulong sa pagtulog, may hindi mabilang na mga siyentipikong pag-aaral at pananaliksik na nagsasabi tungkol sa mga panganib ng kakulangan ng tulog. Ang ilan sa mga epekto nito na napakabigat ay ang sakit sa puso, sobrang kalungkutan, kawalang ng memorya, at kamatayan. Ang pagmamadali nang walang sapat na pahinga at pagpapanumbalik ng lakas ay magdudulot ng mga epektong kasama ang, ngunit hindi limitado lamang sa pagkakasakit, hindi nagiging produktibo, kawalan ng pagtuon, at kawalang-katatagan ng damdamin.
Ang pagtataas ng antas ng ating pamumuno ay nangangailangan ng magandang ugali sa pagtatrabaho, pagmamadali at lakas ng loob! Ngunit kailangang maunawaan mo na ang pahinga ay mahalaga. Ibinahagi ni Jesus sa Kanyang mga alagad at sa mga Pariseo na "ang Araw ng Pamamahinga ay ginawa para sa tao, hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga."Binigyan tayo ng ating Manlilikha ng kakayahang magbunga, bumuo, at gumawa, ngunit ibinigay din Niya sa atin ang kaloob ng kapahingahan sa Araw ng Pamamahinga.
Puntahan natin ang babasahin mula sa Banal na Kasulatan para sa araw na ito na hinihingi sa Diyos na siyasatin ang ating mga puso. Maaaring may maling pagtingin tayo sa pahinga, isang maling pangangailangang gumawa, o isang damdaming kailangan nating pagpagalan ang pagsang-ayon ng Diyos sa atin na magdadala sa atin sa kawalan ng pahinga.
O Diyos, siyasatin Mo ang aking puso at mangusap Ka sa akin sa pamamagitan ng Iyong Salita. Ipahayag Mo sa akin kung saan hindi ko lubos na niyayakap ang kaloob ng kapahingahan.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang pagtataas sa antas ng ating pamumuno ay kritikal ngayon. Dapat nating palakihin, palabisin, palawakin, at palaguin ang kapasidad ng ating pamumuno sa paglayag sa nagbabagong kapaligiran. Ang mabilis na pag-iiba ng teknolohiya, pagbabago ng kawani/dinamika ng grupo, at pabagu-bagong ekonomiya ay ilan lamang sa mga suliranin na ating makakatagpo. Ngunit huwag isipin na ang pagtataas sa antas ng pamumuno ay para lamang sa lugar ng trabaho. Dapat din nating itaas ang antas ng ating pamumuno sa tahanan at sa ating mga relasyon. Magsimula ngayon upang magkaroon ng praktikal at makabuluhang kaunawaan sa pamumuno.
More