Mabuting Balita: Pagpapalakas ng Loob sa Mundong nasa KrisisHalimbawa
May Mabubuting Plano ang Diyos
Namumuhay tayo sa isang panahong hindi natutulad sa anumang naranasan noon habang pinagdaraanan ang nagbabanta-sa-buhay at nakayayanig-ng-ekonomiyang mga paghihirap na kinahaharap natin dahil sa pandemikong COVID-19. Noong nakaraan, nakakita na tayo ng mga labis na mapaminsalang mga sakit, sakuna, at digmaang tumama sa iba't ibang mga bansa, ngunit naiiba ito. Sa panahong ito, ang buong mundo ay may isang bagay na magkakatulad: sinisikap nating makaligtas sa isang nakamamatay na virus.
Kaya't, bilang mga tagasunod ni Jesus, paano natin mauunawaan ito? Ano ang gagawin natin sa mga tanong natin sa Diyos at mga tanong natin patungkol sa Diyos? Paano natin mahahanap ang mabuting balita sa walang-patid na masasamang balita? At paano natin maiaakma ito sa pamilyar na siping Jeremias 29:11?
Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo,” sabi ng Panginoon. “...mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa. (RTPV05)
Binibigyan tayo ng bersikulong ito ng pag-asa at ito'y ating espirituwal na takbuhan sa mahihirap na panahon. Nakatatak ito sa mga T-shirt, nakaukit sa mga tasa, at nakatimbre sa mga kard ng pagbati. Bagama't ang Diyos ay isang tagapagbigay ng pag-asa, kailangan nating maunawaan ang konteksto ng kinagigiliwang bersikulong ito.
Nagpropesiya si Jeremias sa mga Israelita sa kahariang nasa katimugan na Juda bago sila bihagin noong 586 BC ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Sa Jeremias 27, nagpropesiya siya na sila'y maglilingkod sa kanya, kanyang anak, at kanyang apo, at ang lahat ay mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan (Jeremias 27:6-7 RTPV05).
Sa sunod na kabanata, isang bulaang propetang nagngangalang Ananias ang nagsabi sa mga tao na palalayain sila ng Diyos at ibabalik ang lahat sa kanila sa loob ng dalawang taon. Hinamon ni Jeremias si Ananias dahil sa kanyang mga kasinungalingan. Sinabihan din niya si Ananaias na mamamatay siya at sa loob ng dalawang buwan, namatay nga siya.
Sa kabanata 29, hinikayat ni Jeremias ang mga taong ituloy lang ang buhay nila habang sila'y mga bihag—na magtrabaho, mag-asawa, magtanim, kumain, at magpakarami! Sinabihan niya silang magtatagal sila sa Babilonia ng pitumpung taon at pagkatapos, ay ibabalik sila muli sa kanilang lupain.
Ang mga plano ng Diyos na pag-asa at kinabukasan para sa Kanyang bayang pinili ay marahil hindi pareho ng iniisip nila. Nais na nilang umuwi, ngunit sinabi ng Diyos na ito'y tatagal ng 70 taon. Nais nila ng sariling hari, ngunit sinabihan sila ng Diyos na sila'y maglilingkod sa hari ng Babilonia. Nais nilang umunlad sa sariling lupain, ngunit sinabihan sila ng Diyos na gawin ito habang sila'y napapasailalim ng gobyernong bumihag sa kanila. Posibleng ang pinakamahirap na bahagi ay na ang nakakatandang henerasyon ay hindi na makakabalik sa kanilang lupain. Mamamatay sila sa lupaing banyagang naglilingkod sa haring banyaga.
Hindi natin maaaring ipagpilitan ang ating ideya ng isang kinabukasang masaya at puno ng pag-asa. Inklinasyon nating tumuon sa kasalukuyan at mag-isip sa makamundong paraan. Ngunit ang mga pamamaraan ng Diyos ay mas mataas kaysa kaya nating maunawaan. Ang plano Niya ay mas mabuti! At kasama rito ang magpakailanmang makasama Siya sa langit, hindi lang maiksing bahagi ng ating buhay dito sa mundo.
Kung ang ating pag-asa ay nahahaluan ng pangamba, takot at kabalisahan, maaari nating baguhin iyan ngayong araw na ito. Kailangan nating alisin ang ating saloobing “sana” at palitan ito ng pananaw na “alam ko”. Ang ating pag-asa ay hindi dapat kailanman nakadugtong sa mga kaginhawahan at kasiyahang alok ng mundo o kaluwagan ng isang sitwasyon. Bagkus, iangkla natin ang ating pag-iisip sa mga pangako at katotohanan sa Salita ng Diyos at ituon ang ating paningin sa araw kung kailan ang ating kasiya-siya, maluwalhati, at walang hanggang kinabukasan ay magiging isang reyalidad. Imbes na tumuon sa sana'y mawala na ang suliraning kinalalagyan natin, taglayin natin ang kumpiyansang bibigyan tayo ng Diyos ng pag-asa anuman ang kinakaharap natin.
Nais ibahagi ang larawan para sa araw na ito? Tapikin dito para i-download.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Nabubuhay tayo sa panahong hindi natutulad sa anumang naranasan natin noon dahil sa pandemikong COVID-19. Saan natin mahahanap ang pag-asa at “mabuting balita” sa kalagitnaan ng walang-patid na masasamang balita? Para sa mga tagasunod ni Jesus, palaging may Mabuting Balita. Sa 7-araw na Gabay na ito, pag-aaralan natin ang ilang mga pangakong masusumpungan sa ating mabuting Diyos at ang pananampalatayang kakailanganin natin upang manindigan sa mga ito.
More