Nabagong Pamumuhay: Pagkatapos ng PaghihiwalayHalimbawa
Layunin
Kung ikaw ay nasa kalagitnaan ng isang masakit na kaganapan, tila wala itong katuturan sapagkat hindi mo pa nakikita ang kalalabasan. Hindi mo makita kung paano magagamit sa kabuthan. Subalit nangako ang Diyos sa atin na Siya ay gumagawa ng lahat ng bagay para sa ating ikabubuti. Lahat ng bagay. Oo, kahit na ito.
Nang ang aking paghihiwalay ay naisaayos na, nalungkot ako subalit umaasa. Kahit na hindi ako tiyak sa aking hinaharap, maaari akong maging tiyak na ang Diyos ay may plano sa aking buhay at gagamitin Niya ang aking paghihiwalay upang maisagawa ang isang bagay na mabuti.
Di nagtagal, nagsimula kong isipin kung paano ko maaaring magamit ang mga kaloob at sigasig na ibinigay ng Diyos upang tulungan ang ibang mga babae na dumaraan sa paghihiwalay. Inisip ko na hindi ko malalampasan ang aking paghihiwalay kung wala ang mga babaeng nagmahal sa akin at nagpatibay ng aking loob sa panahong iyon. Siniguro nilang ako ay nakakakain, sila ay natutulog na kasama ko, nananalangin para sa akin, at sumasagot sa aking mga tawag sa anumang oras. Alam ng Diyos na kailangan ko ang komunidad ng mga kababaihan sa aking tabi at inilagay sila sa aking buhay sa tamang panahon. Gusto kong ibigay din iyan sa iba.
Hindi ito madali, subalit nagsimula ako sa isang maliit na grupo. Kinailangan kong gumawa ng kurikulum, palagiang magpulong sa loob ng ilang linggo kung saan isang babae lang ang dumating, at tumulong sa mga nagsosolong ina na maunawaan ang pag-aalaga ng bata. Mas mahirap pa, kinailangan kong mapanatili ang aming grupo upang maiwasan ang mga negatibong kaisipan, himukin sila na hindi pinapawalang-kabuluhan ang kanilang nararamdaman, at matuto kung paano hindi dalhin ang kanilang mga pasanin sa bahay sa pag-uwi ko. At ito ay sulit sa bawat bahagi nito. Ang mga babae na tinipon ng Diyos sa grupong ito ay kailangan ang isa't isa at palagiang magkakaroon ng malapit na pag-uugnayan.
Ang pagbabalik-tanaw sa grupong ito ay nagbibigay sa akin ng kagalakan. Mula sa isang bagay na nakakasindak at masakit, dinala ng Diyos ang maganda at pagkakaibigan. Maaaring hindi mo pa ito makita ngayon, subalit Siya ay nakatayong handa na gawin ito sa iyong buhay.
Lubhang nagmamalasakit ang Diyos sa iyo na hindi Niya nais na iwan kang nalulunod sa kalungkutan. Hayaan mong kunin ka Niya sa iyong mga sakit sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang layunin. Hilingin sa Kanya kung ano ang nais Niyang gawin sa iyo at sa pamamagitan mo. Marahil ay nais Niyang aliwin mo ang isang tao sa iyong buhay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong kuwento. O baka naman gusto Niyang ibahagi mo ang iyong kuwento sa isang blog o post sa social media, magsulat ng libro, o magsimula ng ministeryo.
Maging mapagbantay, pakinggan ang Kanyang pahiwatig, at sumunod sa Kanyang pangunguna. Walang gawain ng pagsunod ayngnapakaliit o walang halaga. Maaaring ikaw mismo ang kailangan ng isang tao sa pinakamahirap na sandali ng kanyang buhay.
O Diyos, salamat sa paggamit ng aking sakit para sa ikabubuti. Salamat sa pagbibigay Mo ng layunin at paggamit Mo sa aking upang maluwalhati ang iyong pangalan. Ipaalam Mo sa akin ang Iyong mga pahiwatig at tulungan Mo ako na maunawaan nang malinaw ang Iyong patnubay upang ako ay maging sisidlan para sa Iyong mga mabubuting gawa. Tulungan Mo akong ituon ang aking pansin mula sa aking sarili patungo sa Iyong mga lingkod na nangangailangan ng tulong. Higit sa lahat, nais ko na gawin ang Iyong kalooban at magbigay-lugod sa Iyo. Salamat sa Iyong patnubay at pagmamahal. Sa mahal na pangalan ni Jesus, Amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang paghihiwalay ay nakapagdadalamhati sa puso ng Diyos. Nasusuklam Siya na nakikita tayong nasasaktan at pinanghahawakan ang kasalanan, kahihiyan at takot. Sa kabila ng ating mga pagkakamali, inaasam Niya na tanggapin natin ang Kanyang biyaya at malaman na tayo ay pinahahalagahan, itinatangi, at hindi maaaring palitan. Kahit ano man ang iyong kalagayan, ang gabay na ito ay makatutulong sa iyo na matagpuan ang kagalingan mula sa paghihiwalay, upang makapamuhay ka ng buhay na tinubos Niya para sa iyo—yaong puno ng pag-asa, kagalakan, at layunin.
More