Nabagong Pamumuhay: Pagkatapos ng PaghihiwalayHalimbawa
Kapag Nangyari Ito sa Iyo
Ang paghihiwalay ay hindi ang ninanais ng Diyos para sa atin. Layunin Niya na ang pag-aasawa ay hanggang kamatayan, at nagdadalamhati ang Kanyang puso kapag nasisira natin ang ating pangako. Kung ang ating pag-aasawa ay nauuwi sa paghihiwalay, nasisira ang buklod ng dalawang tao na maging isa. Ito ay isang malalim na sakit na ayaw ng Diyos na maranasan natin.
Naaalala ko ang naramdaman ko nang hingin ng aking asawa ang pakikipaghiwalay. Ito ay magkahalong pagkabigla at dalamhati. Natulala ako habang pinipilit na buuin ang buhay na inakala kong mayroon kami, at yaong kanyang inilalarawan. Nararamdaman ko na ang buhay na pinaghirapan naming buuin ay humuhulagplos sa aking mga daliri. Hindi ko maunawaan kung bakit. Hindi ko mahabol ang aking hininga.
Sa mga araw at linggong sumunod, sinikap kong pakalmahin ang aking sarili at pahilahod na umuusad habang ang mundo ay humahangos sa aking paligid. Sinimulan kong isipin ang aking sarili bilang isang sirang bagay na walang sinuman ang magkakagusto. Pakiramdam ko'y marumi ako, na ako ang may-sala, at nakaramdam ako ng hiya. Kinumbinsi ko ang aking sarili na ako ay hindi sapat, hindi mahalaga, at hindi karapat-dapat sa pagmamahal dahil mananatili sana siya kung hindi ganoon. Ako ay bumigay sa takot at naniwala na ako ay napakatanda na upang mag-asawang muli at ako ay palaging mag-iisa.
Maaaring ang iyong kuwento ay katulad ng sa akin at hindi ka naniniwala na ikaw ay mahalaga dahil hindi siya nanatili o ipinaglaban ka. O maaaring hindi ka naniniwala na ikaw ay karapat-dapat sa pagmamahal dahil sa iyong ginawa na nagwakas ng inyong pagsasama. Anuman ang iyong sitwasyon, ang mga kasinungalingang iyon ay hindi totoo. Kahit na ikaw ay pinagtaksilan o ikaw ay nagkaroon ng relasyon sa iba, ikaw ay naiwan o ikaw ang umalis, ikaw ay mahalaga sa Diyos. Ikaw ay itinatangi ng Manlilikha ng sandaigdigan, at mahal Ka niya sa pagiging ikaw.
Sa kailaliman ng ating mga sakit, hindi tayo tinitingnan ng Diyos nang may paghamak. Sa halip, pinili Niyang tingnan tayo sa pananaw ng biyaya at may kahabagan sa atin. Ang ating Diyos ay mas malaki kaysa sa anumang bagay dito sa mundo. Kung hahayaan natin Siya, pagagalingin Niya ang ating sakit, tutubusin tayo, at gagamitin ang ating nakaraan upang gumawa ng magandang bagay.
Jesus, salamat sa hindi mo pagsuko sa akin. Hindi ako karapat-dapat sa iyong biyaya, awa, at pagmamahal, subalit ako ay walang hanggan na nagpapasalamat dito. Panginoon, pagalingin Mo ang sakit na nasa aking loob. Alisin Mo ang aking pagkakasala at kahihiyan. Palitan Mo ang kasinungalingan na ako ay hindi sapat ng Iyong katotohanan na ako ay minamahal. Tulungan Mo akong maniwala na ako ay mahalaga, ninanais, at hindi mapapalitan. Salamat sa pagpapanibago ng aking kaluluwa at sa hindi pag-iwan sa akin. Ipakita Mo sa akin ang landas na pasulong at tulungan Mo akong sumunod sa Iyo. Sa makapangyarihang pangalan ni Jesus, Amen.
Tungkol sa Gabay na ito
Ang paghihiwalay ay nakapagdadalamhati sa puso ng Diyos. Nasusuklam Siya na nakikita tayong nasasaktan at pinanghahawakan ang kasalanan, kahihiyan at takot. Sa kabila ng ating mga pagkakamali, inaasam Niya na tanggapin natin ang Kanyang biyaya at malaman na tayo ay pinahahalagahan, itinatangi, at hindi maaaring palitan. Kahit ano man ang iyong kalagayan, ang gabay na ito ay makatutulong sa iyo na matagpuan ang kagalingan mula sa paghihiwalay, upang makapamuhay ka ng buhay na tinubos Niya para sa iyo—yaong puno ng pag-asa, kagalakan, at layunin.
More