Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Nabagong Pamumuhay: Pagkatapos ng PaghihiwalayHalimbawa

Living Changed: After Divorce

ARAW 2 NG 7

Pagkakakilanlan 

Isa sa mga pinakamalaking katanungan sa buhay ay: "Sino ako?" Ginugugol ng ilang tao ang kanilang buong buhay sa paghahanap ng mga kasagutan, pinipilit na hanapin ang kanilang sarili sa kanilang mga libangan, kanilang trabaho, o sa mga opinyon ng iba. Subalit kung titingnan natin ang Biblia, mauunawaan natin na ang sagot ay simple. Tayo ay mga anak ng Diyos. 

Kung tayo ay nananatiling nakaugat sa ating pagkakakilanlan bilang anak ng Diyos, hindi na natin kailangang maghanap ng pagpapatunay kung ano ang ating ginagawa o kung ano ang iniisip ng iba sa atin. Hindi tayo kinakailangang magsikap nang mabuti na hanapin ang pag-ibig dahil, kay Jesus, tayo ay mayroon na nito nang sagana. Subalit kung tayo ay mawala sa katotohanang ito, ang ating buhay ay hahantong sa pagkalito at kaguluhan.

Halos buong buhay ko, hinahanap ko ang pagsang-ayon ng mga tao sa paligid ko. Hinahangad ko na hangaan ako ng aking ama. Hinahangad ko na ang mga amo ko ay bumilib sa akin. Lubha kong hinahangad na mahalin ako ng bawat batang lalaki na mayroong akong crush. Hinahangad ko na ako ay makita, mahalin, at matagpuan ng aking Happily Ever After. 

Ang aking pangangailangan ng patunay at paghanga ay sinundan ng pag-aasawa. Gusto ko ang pagiging may bahay, subalit palagi akong nakakaramdam ng kawalang-kapanatagan. Palagi kong sinisikap na maging maayos ang itsura ko, panatilihing malinis ang bahay, at magluto ng mga premyadong hapunan tuwing gabi habang nagtatrabaho nang higit sa 40 oras kada linggo. Ako ay lubos na nakasentro sa pagpapanatili ng panlabas na anyo. Ang pagiging isang asawa ay isang mahalagang bahagi ng inaakala kong ako, na nang ito ay nawala, nakaramdam ako ng kakulangan. 

Sa kagustuhan na mapunan ang butas ng bagong pagkakakilanlan, nagpasiya ako na magtungo sa paglalakbay ng pagtuklas sa sarili. Sinubukan kong gawin ang lahat ng uri ng mga bagong bagay katulad ng pagkain ng pugita, pagtakbo ng aking unang 5K, at pagsakay sa zip line sa harap ng aking takot sa matataas na lugar. Subalit ang pinakamabuting bagong bagay na ginawa ko, talaga, ay ang pagpili na mamuhunan sa mas malapit na relasyon kay Jesus. Nagbasa ako ng Biblia nang mas madalas, ibinuhos ang aking sarili sa paglilingkod sa Simbahan, at nagbigay ng oras upang umupo lamang sa Kanyang presensya. Nang gawin ko ito, napagtanto ko sa wakas kung sino ako. Ako ay anak ng Diyos na lubos na minamahal. Hindi ko na kailangan ang knight in shining armor upang ipahayag ang kanyang walang-maliw na pag-ibig sa akin. Isinakripisyo ni Jesus ang Kanyang sarili sa krus upang ako ay mabuhay. Ito ang Happily Ever After!

Mahal ka ng Diyos ng hindi nagmamaliw na pag-ibig. Hayaang tumimo ito sa puso mo. Hindi ka Niya bibiguin, hindi ka pababayaan, at hindi iiwan. Hindi ka Niya titigilang mahalin, hindi mawawalan ng interes sa iyo, at hindi pipiliin ang iba kaysa sa iyo. Siya ay lagi mong katabi na banayad, mapagmahal at palaging nagpapaalala sa iyo na ikaw ay Kanya—at Siya ay sapat. Ang pagkakaalam kung sino ka kay Cristo ay magbibigay sa iyo ng lakas na maging ikaw; ng kapayapaan sa gitna ng unos, at pag-asa sa hinaharap. 

O Diyos, salamat sa Iyong hindi masukat na pag-ibig sa akin. Salamat sa pag-ibig Mo sa akin nang lubos na hindi ko na kailangang hanapin ang pag-ibig sa mga maling lugar subalit nakatitiyak sa kung sino ang sinabi Mong ako. Patawarin Mo ako sa mga panahon na pinipilit kong punan ang mga puwang sa aking buhay ng lahat ng bagay maliban sa Iyo. Tulungan Mo ako na alalahanin na ako ay Iyo at hindi ko kinakailangang magpunyagi na maging ano pa man. Salamat sa Iyong mga pangako na hindi Mo ako iiwan at ikaw ay gumagawa ng lahat ng bagay para sa aking ikabubuti. Nagtitiwala ako sa Iyo, Jesus. Amen.

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Living Changed: After Divorce

Ang paghihiwalay ay nakapagdadalamhati sa puso ng Diyos. Nasusuklam Siya na nakikita tayong nasasaktan at pinanghahawakan ang kasalanan, kahihiyan at takot. Sa kabila ng ating mga pagkakamali, inaasam Niya na tanggapin natin ang Kanyang biyaya at malaman na tayo ay pinahahalagahan, itinatangi, at hindi maaaring palitan. Kahit ano man ang iyong kalagayan, ang gabay na ito ay makatutulong sa iyo na matagpuan ang kagalingan mula sa paghihiwalay, upang makapamuhay ka ng buhay na tinubos Niya para sa iyo—yaong puno ng pag-asa, kagalakan, at layunin.

More

Nais naming pasalamatan ang Changed Women's Ministries para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang https://www.changedokc.com/