Mas Mahusay Kapag Sama-samaHalimbawa
Apat na Saloobin ng Puso Ukol sa Pagbibigay
Paano ka magkakaroon ng saloobin na gusto ng Diyos pagdating sa pagbibigay? Nagsisimula ito sa iyong puso. Mas interesado ang Diyos sa iyong kahandaang magbigay kaysa sa iyong kayamanan, sapagkat interesado Siya sa nangyayari sa iyong puso kapag nagpasya kang magbigay.
Sinasabi ng Biblia sa 2 Mga Taga-Corinto 9:7 na, “Ang bawat isa'y dapat magbigay ayon sa sariling pasya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang kusang nagbibigay nang may kagalakan” (RTPV05). Sinasabi ng bersikulong ito ang apat na susi patungkol sa nararapat na saloobin ng puso kapag ikaw ay nagbibigay.
1. Maingat na pag-isipan ang pagbibigay na gagawin. Huwag magbigay nang pabigla-bigla. Ang pinaka-espirituwal na uri ng pagbibigay ay kapag pinag-isipan at ipinanalangin mo ang tungkol dito at saka ka nagdesisyong gawin ito. Bakit? Dahil ang anumang mahalaga sa buhay natin ay pinagpaplanuhan natin. Nais ng Diyos na maging mahalaga at makabuluhan ang pagbibigay na gagawin mo.
2. Magbigay nang may kasiglahan. Huwag mo lamang sabihing, “Kailangan kong magbigay! Kapag hindi ako nagbigay, patatamaan ako ng Diyos ng kidlat o ng kung kahit ano pa man.” Magbigay ka dahil alam mong may mahalagang gagawin ang Diyos sa puso mo kapag ikaw ay naging isang bukas-palad na tao.
3. Magbigay nang kusang-loob. Sa tuwing ikaw ay pinipilit ng isang taong magbigay, huwag kang magbigay. Hindi rin naman ito pagpapalain ng Diyos. Ngunit sa tuwing nararamdaman mo ang hamon ng Diyos upang ikaw ay magbigay, mas makabubuting magbigay ka.
4. Magbigay nang may kasiyahan. Magbigay nang may kagalakan! Isa sa mga salitang Griego para sa salitang paghahandog ay ang salitang “magalak.” Nais ng Diyos na magalak ka sa iyong pagbibigay sa Kanya at sa ibang tao.
Kung minsan isang hamon ang maging masaya kapag hinahamon ka ng Diyos na magbigay. Sa tuwing iyan ang nararamdaman mo, paalalahanan mo ang sarili mo sa mga kapakinabangan sa puso mo ng gusto ng Diyos na ipagawa sa iyo. Bakit ka nararapat maging bukas-palad? Dahil ito ay bumubuo ng isang pamayanan. Ginagapi nito ang pagiging materyalistiko. Pinatitibay nito ang iyong pananampalataya. Ito ay isang pamumuhunan sa walang hanggan. Binibigyan ka nito ng pagpapala. At nagiging mas kawangis mo ang Diyos.
Pakinggan ngayong araw na ito ang audio teaching mula kay Pastor Rick >>
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Hindi mo kayang gawin ang lahat ng ninanais ng Diyos para sa iyo at matupad ang mga layunin kung bakit narito ka sa planetang ito nang walang tulong. Kailangan natin ang isa't-isa, at kabilang tayo sa Katawan ni Cristo! Sa seryeng ito, ipinapaliwang ni Pastor Rick kung paanong mabuhay nang may ugnayan sa ibang tao.
More