Mas Mahusay Kapag Sama-samaHalimbawa
Ang Ugnayan sa Pagiging Bukas-Palad at ng Pamayanan
Kapag tayo ay bukas-palad sa isa't-isa, nagiging malapit tayo sa isa't-isa, at ito ang lumilikha ng isang pamayanan.
May nagpadala sa akin ng sulat mula sa isang kasama namin sa aming iglesia at ganito ang nakasaad doon: “Nanghiram sa akin ng hagdanan ang kapitbahay ko at pumayag naman ako. Pero nalaman kong may hagdanan naman siya. Hindi niya kailangang humiram sa akin; ginamit lang niya iyon upang masimulan ang aming ugnayan. Nang hiniram niya ang aking gamit, naramdaman kong ako ay kailangan, at nagustuhan ko ang damdaming iyon. Natutunan ko na rin itong gawin para sa iba ko pang kapitbahay. Ang isa ko pang kapitbahay ay may shop vac, at hinihiram ko iyon tuwing Biyernes ng gabi upang linisin ang aking sasakyan kasama ang aking anak na lalaki. Ang totoo, iniiwan na ito ni Roger sa labas para sa akin. Sinabi ko sa kanyang kaya ko namang bumili ng sarili kong shop vac, kaya nga lamang ay gusto ko ang pakikipag-ugnayang kasama sa paghiram ko ng shop vac niya. Sinabi ni Roger na huwag na akong bumili ng para sa akin. Natutunan na niya ang ugnayan ng pagiging bukas-palad at ng pamayanan.”
Sinasabi ng Biblia sa Mateo 6:21 na, “Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso” (RTPV05). Sa ibang pananalita, kung saan mo inilalagay ang iyong oras, pera, at lakas ay iyon din ang siyang makaaakit sa iyo. Kaya't sa tuwing ako ay bukas-palad sa iyo o sa sinumang dukha o sa kahit sinuman, doon din malalapit ang puso ko. Sa tuwing ako ay magbibigay sa Diyos, inilalapit nito ang puso ko sa Kanya. At sa tuwing ako ay nagbibigay sa iyo, napapalapit ang puso ko sa iyo.
Ang mga naunang Cristiano ay kilala sa kanilang pagiging bukas-palad. Sinasabi sa atin ng Mga Gawa 4:32 na, “Nagkakaisa ang damdamin at isipan ng lahat ng mananampalataya, at di itinuturing ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat” (RTPV05). Sila ay isang pamilya. Ang kanilang pagbabahagi ay kusang-loob. Hindi ito komunismo. Sinasabi ng Komunismo na,“Kung ano ang sa iyo ay sa akin, at ito ay kukunin ko.” Sinasabi ng Cristianismo na, “Kung ano ang sa akin ay sa iyo rin, at maaari mo itong ibahagi sa akin.”
Bilang isang magulang, natutuwa ka bang panoorin kapag ang mga anak mo ay nagbabahagi sa isa't-isa? Siyempre naman. Isa sa mga pangunahing aral sa buhay ay ang matutunan ang pagbabahagi sa iba. Kapag nakikita mo ang iyong mga anak na hindi makasarili, tuwang-tuwa ka.
Ganyan din ang Diyos! Kapag tinitingnan tayo ng Diyos at nakikita Niyang bukas-palad tayo sa isa't-isa, sinasabi Niya, “Iyan ang anak Kong lalaki! Iyan ang anak Kong babae! Ginagawa nila ang nais kong gawin nila,” dahil ang Diyos ay bukas-palad, at nais Niyang maging katulad Niya tayo. Ang pagiging bukas-palad ay lumilikha ng isang pamayanan.
Pakinggan ang audio teaching para sa araw na ito mula kay Pastor Rick>>
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Hindi mo kayang gawin ang lahat ng ninanais ng Diyos para sa iyo at matupad ang mga layunin kung bakit narito ka sa planetang ito nang walang tulong. Kailangan natin ang isa't-isa, at kabilang tayo sa Katawan ni Cristo! Sa seryeng ito, ipinapaliwang ni Pastor Rick kung paanong mabuhay nang may ugnayan sa ibang tao.
More