Mula sa Pagkabalisa Tungo sa Kapayapaan Halimbawa
Ang buhay ay puno ng kawalang katiyakan. May likas na ugali akong mag-alala na may masamang mangyayari tungkol sa isang bagay kahit na maayos naman ang lahat. Sa totoo lang, mas madalas na nagagawa ko ito kapag ang lahat ay maayos sa aking buhay. Ang ugaling ito na mag-isip ng masamang mangyayari ay direktang nakaugnay sa pagkalimot sa kabutihan at pagkalinga ng Diyos. Kailangang alalahanin natin na ang Diyos ay lagi nating kasama, at makakasama natin Siya sa kawalang hanggan.
Ngunit kung tayo ay magiging tapat, ang kawalang hanggan ay maaaring makapuspos sa atin dahil hindi tayo tiyak kung ano talaga ang Kalangitan. Subalit, hinayaan ng Diyos na makita ni Juan at makapagsalita ito nang maliwanag upang matuwa at manabik tayo sa kung anong paparating. Ang Kalangitan ay hindi kayang unawain ng sangkatauhan — Wala nang kamatayan, kalungkutan, pagdadalamhati, o mga luha. Palagay ko'y pwede na ring sabihing wala nang pagkabalisa o maging matinding kalumbayan man. Ang Diyos ay magiging malapit, at habambuhay nating mararamdaman ang Kanyang pagmamahal at proteksyon dahil tayo'y mga itinatangi Niyang mga anak.
Sa huling araw na ito ng ating pagsasama, nais ko lang na hikayatin kayong magnilay sa unang pitong talata ng Pahayag, kapitulo 21. Dalangin ko na gaano man kalaki ang inyong pag-aalala o pagkabalisa o gaano man kahirap ang ating pangkasalukuyang sitwasyon, makakatagpo tayo ng pag-asa sa ating hinaharap. Hindi ito tungkol sa paghawak sa pag-asa at kapayapaan na balang araw ay makakamit natin. Ito ay tungkol sa pagyakap sa kung gaano tayo minamahal. Habang naaalala natin ang malalim na pagmamahal ng Diyos sa atin, nawawala ang hawak ng takot sa ating mga puso dahil ang ganap na pag-ibig Niya ang pumapawi ng lahat ng takot.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Kung natatagpuan mo ang iyong sariling laging nakikipagbuno sa pag-aalala at pagkabalisa, ang Gabay sa Bibliang ito ay para sa iyo. Walang isang mabilis na solusyon na makatitiyak ng 100% na kapayapaan o kaya naman ay makatutugon sa lahat ng mga bagay na may kinalaman sa pagkabalisa. Gayunpaman, ang mga tuntunin na nakapaloob sa Gabay na ito ay nag-aalok ng mga landasin tungo sa tagumpay kapag sila ay ipinamuhay. Inaanyayahan kang simulan ang paglalakbay na ito mula sa pagkabalisa tungo sa kapayapaan.
More