Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mula sa Pagkabalisa Tungo sa Kapayapaan Halimbawa

From Anxiety to Peace

ARAW 2 NG 6

Sa Mga Taga-Filipos 4:6-7, hinahamon tayo ni Apostol Pablo na huwag mabalisa para sa anumang bagay. Sa halip, kailangan nating manalangin at magpasalamat. Madaling magpasalamat sa Diyos sa ating tagumpay o pagkatapos makatanggap ng isang mahimalang pagsulong. Ngunit makikita natin na tayo'y tinatawag upang gawin ito maging sa gitna ng ating mga pagpupunyagi.

Sa panahon na isinulat ito ni Pablo para sa Simbahan ng mga taga-Filipos, nakakulong siya at walang katiyakan ang kanyang hinaharap. Subalit, tumanaw siya nang lampas sa kanyang sitwasyon at hindi nanatili sa maaaaring masamang kahihinatnan. Ang kanyang sulat ay sumasalamin sa kanyang malalim na kagalakan at masayang saloobin. 

Dalawang talata bago tayo tinawag upang isatinig ang ating pasasalamat, inutusan niya tayong laging magalak. Sa pagsasabi sa ating "laging" magalak, nagpapahiwatig ito ng patuloy o nakaugaliang kagalakan. Pagkatapos, upang idiin ang kanyang punto, kaagad niyang inulit ang utos, "Inuulit ko, magalak kayo!" Ipinapakita niya sa atin na kahit na sa gitna ng ating nararamdamang kirot, maaari nating piliin ang kagalakan at purihin ang Diyos. 

Hindi ako naniniwalang hinihingi sa atin ni Pablong magkaroon tayo ng pasasalamat na hindi taos sa ating mga puso. Palagay ko ay hinahamon niya tayong magpasalamat kung saan nararapat, maging sa gitna ng anumang pakikibakang pinagdaraanan natin. 

Nakita kong mayroong maaaring ipagdiwang sa tuwina. Maging sa mga pinakamahirap na pagsubok na aking kinaharap, may mga bagay na ipinagpasalamat ako. At ang pagninilay sa mga ito at pagsasatinig ng aking pasasalamat sa Diyos ay nakatulong upang baguhin ang aking pananaw at itama ang aking isipan. 

Ang sobra-sobrang negatibo o nakakapagod na pag-iisip ay maaaring makalikha ng pakiramdam na may paparating na kapahamakan. Ngunit kapag pinili kong sabihin ang aking pasasalamat sa Diyos sa halip na tumuon sa negatibong damdamin, madalas ay nararanasan kong nawawala ang kabigatan. 

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

From Anxiety to Peace

Kung natatagpuan mo ang iyong sariling laging nakikipagbuno sa pag-aalala at pagkabalisa, ang Gabay sa Bibliang ito ay para sa iyo. Walang isang mabilis na solusyon na makatitiyak ng 100% na kapayapaan o kaya naman ay makatutugon sa lahat ng mga bagay na may kinalaman sa pagkabalisa. Gayunpaman, ang mga tuntunin na nakapaloob sa Gabay na ito ay nag-aalok ng mga landasin tungo sa tagumpay kapag sila ay ipinamuhay. Inaanyayahan kang simulan ang paglalakbay na ito mula sa pagkabalisa tungo sa kapayapaan.

More

Ang orihinal na Gabay sa Biblia na ito ay ginawa at nagmula sa YouVersion.