Mga Araw-araw na Hiyas- Ihanay ang Iyong Korona Bilang Anak na Babae ng HariHalimbawa
Araw 7: Huwag Manlupaypay
Panlulupaypay: lubos na pagkapagod; kapaguran: pag-aatubili na makita o maranasan ng higit pa ang isang bagay.
Naranasan mo na bang magising at kaagad na bilangin ang oras bago matulog muli? Ako lang ba? Hayaan mo na ako'y magpaliwanag. Maaaring maramdaman ko sa aking katawan ang pagkapagod ngunit ang tamang salita para rito ay “panlulupaypay,” na ang ibig sabihin ay LABIS na kapaguran, na nagdudulot ng pag-aatubili. Ang pangangailangan na gawin “ang lahat ng bagay” bilang babae, o at kailangan mong maging maganda habang ginagawa mo ito, o sandali, at huwag kalimutang mag-boluntaryo sa LAHAT. Siguraduhing mag-ehersisyo at kumain ng salad, at isa pa, siguruhing ang iyong mga anak ay may mga pagkain at malilinis na panloob ARAW-ARAW! Kahit ang pagsusulat nito ay nakakapagod!!
Kapag maraming nagaganap, napakadaling mapagod. Madalas kapag ang kapaguran ay dumarating, ang puso ko ay nababahala at nararamdaman kong hindi ako sapat para sa kahit sino. Kailangan ko rin ng konsultasyon kung paano magsabi ng “hindi,” dahil ako ang reyna ng “pagpupumilit pagkasyahin” ang lahat kahit ako ay halos mabaliw na. Mahilig din akong “magsimula” ng MARAMING bagay ngunit hindi ang pagtatapos sa mga ito. Ganyan din ba ang nararamdaman mo?
Noong 2017, ako ay nagdaan sa panahon ng panlulupaypay sa lahat, kahit sa mga bahagi ng aking buhay na pinagpala. Kahit ang labahan ay nagpabigat sa akin. May pagpupulong akong dapat daluhan at muntik na akong umatras sa huling sandali dahil ito ay naging isa na namang “bagay.” Habang ako ay nananalangin, naramdaman ko ang pag-uudyok ng Panginoon na pumunta. Noong ako ay pumasok, ipinatago nila ang aming mga cellphones, pinakuha ng yoga mat, ng Biblia, at talaarawan. Ang pagsamba ay nakamamangha, ngunit ang pinakamagandang bahagi ng pagpupulong ay ang pagkakataon na maranasan si Jesus. Si Jesus lamang, ako, at mabubuting mga babae at lalaki ng Diyos ang pumuno sa aking kopita. Ako ay nakaluhod na nananalangin at humiling sa Diyos na tulungan akong huwag mapagod at manlupaypay, at narinig ko ang 2 salitang: “Tigilang magsikap.” Malinaw pa sa sikat ng araw! Ang ibig sabihin ng pagsisikap ay, “gumawa ng paraan upang makamit o makuha ang isang bagay.” Tumibok nang mabilis ang aking puso noong sandaling iyon at aking natanto na ako ay nagsisikap sa lahat ng bagay (sa aking trabaho, buhay may-asawa, ministeryo, pagiging magulang). Ako ay nagsusumikap nang mabuti para ang lahat ay maging matagumpay at maging perpekto kaya nagsumikap ako hanggang sa panlulupaypay.
Sumuko na ako noong araw na iyon. Binuksan ko ang aking mga palad at ibinigay ang lahat sa Ama sa Langit. Hindi naman ito talaga dapat na aking pasanin. Pinapasan ko ang bigat ng pagiging perpekto, ng pakikipagsabayan sa social media, at ng kagustuhang maging matagumpay sa aking puso. Ako ay bumigay sa bisig ni Jesus, at ang aking buhay ay nagbago. Nararamdaman mo ba ang panlulupaypay ngayon? Mayroon Siyang layunin, at ang layunin na iyon ay hindi para maging perpekto. Kasama mo Siya, at Siya ay may bukas na palad na handang kunin ang iyong mga pasanin at kabigatan na hindi mo dapat pinapasan. Ikaw ay lubos na minamahal!
Pang araw-araw na Panalangin:
Ama sa Langit,
Ako ay nanlulupaypay at kailangan ko Kayo ngayon! Kailangan kong ihinto ang pansariling pagsisikap at simulan ang pagmamasid lamang sa INYO! Nalalaman ko na sa Inyo, ako ay minamahal maging sinuman ako, at Kayo ay naghihintay lamang na pasanin ang kabigatan na hindi kailanman para sa akin. Maaari akong maging ako sa Inyo, Amang Diyos. Panibaguhin ang aking isipan at bigyan ako ng kalakasang harapin ang aking araw. Tulungan Ninyo akong maging panatag sa Inyong presensya at danasin ang lahat ng PAG-IBIG at BIYAYA na kaloob Ninyo sa akin. Ako ay hindi perpekto ngunit kaakit-akit sa Inyong paningin! Sa ngalan ni Jesus.
Nagmamahal,
Ang Inyong anak na babae
Huwag kalimutan ang korona mo ngayon!
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Tignan mo ang iyong kapaligiran. Sa gitna ng kaguluhan, palaging mayroong hiyas na matatagpuan. Ang Mga Araw-araw na Hiyas ay isang 7-araw na debosyonal na nanawagan sa iyo na buong tapang na ihanay ang iyong korona bilang anak na babae ng Hari. Samahan ako sa isang paghahanap sa kayamanan upang matuklasan ang mga pambihirang hiyas na nakakubli sa mga pangkaraniwang mga lugar.
More