Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Araw-araw na Hiyas- Ihanay ang Iyong Korona Bilang Anak na Babae ng HariHalimbawa

Daily Jewels- Aligning Your Crown As A Daughter Of The King

ARAW 6 NG 7

  Araw 6: Ang Kinatatakutang Salamin

Salamin: isang bagay na may repleksiyon, sa modernong panahon ay babasaging bubog na nababalot sa pinaghalong metal na nagpapaaninag ng isang malinaw na imahe.

Mayroon akong ipagtatapat: tuwing gabi kapag kailangan kong magpalit ng damit at alisin ang aking make up, binubuksan ko lamang ang ilaw sa aking aparador para sa ganoon ay hindi ko masyadong nakikita ang aking sarili. Ang mga uka sa aking mga binti, mga kulubot sa ilalim ng aking mga mata, at mga marka ng inat sa aking tiyan ay nakakapagpaduwal sa akin. Nagkaroon ako ng kaugaliang gumamit ng mga salitang “mataba, pangit, pangkaraniwan, matanda, at kadiri” kapag nakikita ko ang imaheng bumabalik sa akin at may mga gabing ayoko itong harapin. Masasabi mong, “Pinaparusahan ko ang aking sarili.” 

Napapaluha ako habang isinusulat ko ito, dahil mahalaga talaga kung ano ang pinaniniwalaan natin tungkol sa ating sarili. Ang kultura natin ngayon ay naglalagay ng mabigat na pasanin sa mga babae na hindi lamang magdalantao at magluwal ng mga anak, bagkus magmukhang mga modelo sa gitna nito. Ginawa ng lipunan na normal na i-Botox, punuan, at baguhin upang itago ang ating mga depekto. Maraming taon akong nagsuot ng sweater sa mainit na 32 digri na panahon dahil hindi ako komportable at nais ko lamang na magtago. 

Sinukluban ako ng kagustuhan na maging di-nakikita, hanggang sa ipinakita ng Diyos sa akin sa Genesis na “Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan.” Nabasa ko iyon sa Banal na Kasulatan isang araw at malumanay na sinabi ng Diyos na, “Itigil mo na ang pagpintas sa Akin.” Alam kong kailangan kong baguhin ang pananaw ko sa aking sarili ngunit hindi ko alam kung papaano. Sinimulang ihayag ng Diyos ang iba't ibang kuwento sa Biblia sa akin. Ang aking paborito ay ang tungkol sa dinudugong babae. Siya ay nagtago dahil akala ng mga tao ay mahahawa sila sa kanya. Hindi siya mapagaling ng mga manggagamot, kaya't hinanap niya si Jesus. Kinaya lamang niyang lumapit hanggang sa kaya niyang abutin ang dulo ng Kanyang kasuotan. At sa sandaling naabot niya ito, siya ay gumaling. Tinawag siya ng Diyos, at pagkatapos na sabihin niya sa lahat ang kanyang kagalingan (napakatapang niya), iniba Niya ang kanyang pangalan. Sabi ng Diyos, “ANAK, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Ito lamang ang sandaling ginamit ni Jesus ang salitang Anak sa Biblia. (Maaari mong mabasa ang kuwentong ito sa Lucas 8). 

Kailangan nating hanapin si Jesus, mga ginang at binibini, tulad ng ginawa ng dinudugong babae at hayaan Siyang pagalingin tayo mula sa loob hanggang sa labas. Nagkaroon tayo ng mga kaugalian sa ating mga buhay na pumipintas sa nilikhang perpekto ng Diyos. Kailangan nating itigil ang mag-alala tungkol sa ating mga depekto at mag-umpisang pasalamatan Siya sa bawat kulubot na kumakatawan sa karunungan, at bawat marka ng inat na sumisimbolo sa buhay. Makihalubilo sa mga taong nagpapalakas sa iyong loob at nagmamahal sa iyo, dahil mahalaga kung sino ang pumapalibot sa iyo. Tanungin mo ang iyong sarili kung tama na sabihin ng iyong mga anak sa kanilang sarili ang mga bagay na iyon sa salamin? Tayo'y maging huwaran sa ating mga anak, pamangkin, o mga apo kung ano ang pagiging buo ang loob sa kabila ng mga depekto, dahil tayo ay MAHARLIKA!

Pang-araw-araw na Panalangin:

Ama namin sa Langit,

Dalangin ko sa Ngalan ni Jesus na sa tuwing titingin ako sa salamin ay titingnan ko ang aking sa sarili sa Inyong mga mata. Tulungan Ninyo ako Panginoon na huwag maniwala sa mga kasinungalingang ibinubulong ko sa aking sarili, at tulungan akong baguhin ang kahulugan ng kagandahan sa pamamagitan ng pagtuon sa Inyong imahe. Tulungan Ninyo akong gawing kaugalian na makita ang aking korona sa ibabaw ng aking mga depekto. Ginagawa Ninyo akong buo at ganap Jesus. Tulungan Ninyo akong maging magiting na modelo sa mga bata at taong aking iniimpluwensiyahan. Sa Ngalan ni Jesus.

Nagmamahal,

Ang Inyong anak na babae

Huwag kalimutan ang korona mo ngayon!

Araw 5Araw 7

Tungkol sa Gabay na ito

Daily Jewels- Aligning Your Crown As A Daughter Of The King

Tignan mo ang iyong kapaligiran. Sa gitna ng kaguluhan, palaging mayroong hiyas na matatagpuan. Ang Mga Araw-araw na Hiyas ay isang 7-araw na debosyonal na nanawagan sa iyo na buong tapang na ihanay ang iyong korona bilang anak na babae ng Hari. Samahan ako sa isang paghahanap sa kayamanan upang matuklasan ang mga pambihirang hiyas na nakakubli sa mga pangkaraniwang mga lugar.

More

Nais naming pasalamatan ang Beautifully Designed sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang: https://beautifullydesigned.com/