Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Chasing CarrotsHalimbawa

Chasing Carrots

ARAW 4 NG 7

Paghabol sa Kaganapan

"Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit." Mateo 5:48

Hindi naman malaking bagay ito, tama? Kailangan mo lang maging ganap—kung paanong ang banal, makatuwirang Diyos ng buong sandaigdigan ay ganap.

Hindi malaking bagay, tama?

Oo, pero hindi rin.

Kung gagawin mong ganap ang sarili mo, saan ka naman maaaring magsimula? Ang Diyos ay ganap dahil walang kasalanan, o kamalian, na nasa Kanya. Hindi natin pinag-uusapan dito ang pagiging ganap na sinasabi ng mundo—perpektong damit, perpektong tahanan, perpektong asawa. Ang pinag-uusapan natin ay higit pa rito. Kailangang ikaw ay walang kasalanan. Walang pagsisinungaling, walang pagmumura, walang pagbulyaw sa mga anak, o "paghiram" ng password sa Netflix ng kaibigan mo.

Magkunwari tayong sinabi mong, "Sigurado. Magagawa ko iyan." At ginawa mo nga. Inayos mo ang buhay mo. Sinunod mo ang tamang bilis sa pagpapatakbo ng sasakyan. Nagbibigay ka sa mahirap. Nagbabayad ka ng sarili mong Netflix. At ginawa mo ito ng ilang araw, pagkatapos ay ilang linggo, ilang buwan, ilang taon.

Ngunit hindi ka pa rin magiging ganap.

Alam mo, nariyan pa rin ang tungkol sa mga kasalanang nagawa mo na. Katulad ng sinasabi sa Santiago 2:10—Ang lumalabag sa isa, kahit tumupad sa iba pang mga utos ay lumalabag pa rin sa buong Kautusan.

Kaya, ano nang patutunguhan natin?

Sa Mateo 19, may isang mayamang binatang nagsisikap na maging mas mabuti. Tinanong niya si Jesus kung anong kailangan niyang gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sinabi ni Jesus na sundin niya ang mga pangunahing kautusan. Tumugon ang binata at sinabing sinunod na niya ang bawat isa sa mga kautusang iyon. Pagkatapos, sinabi ni Jesus, "Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap ang pinagbilhan. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman.

Hindi sinasabi ni Jesus sa binata na ang pagiging ganap ay isang plano na may dalawang hakbang. Una, sundin ang mga kautusan, at pangalawa, ipamigay ang lahat ng iyong pag-aari. Sinasabi ni Jesus na ang daan patungo sa kaganapan ay nagsisimula sa pagtatanggal ng anumang maaaring maging hadlang sa pagsunod sa Kanya.

Ngunit ganap? Paanong magiging ganap ang sinuman? Hindi ito ang uri ng kaganapan na sinasabi ng mundo. Mas higit pa rito. Kapag pinili mong sumunod kay Cristo, tinatakpan Niya ang iyong mga kasalanan at mga depekto sa pamamagitan ng kamatayang ginawa Niya sa krus. At sa mata ng Diyos, nagiging lubos na ganap ka tulad mismo ni Cristo.

Manalangin:O Diyos, salamat sa ganap na sakripisyo ng Iyong Anak. Tulungan mo akong isuko ang anumang humahadlang sa akin sa pagsunod ko kay Cristo. Sa pangalan ni Jesus, Amen. 

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Chasing Carrots

Lahat tayo ay may hinahabol na isang bagay. Madalas ito ay isang bagay na hindi maabot—mas magandang trabaho, mas komportableng tahanan, isang perpektong pamilya, ang papuri ng ibang tao. Ngunit hindi ba nakakapagod ito? May mas mainam na paraan ba? Tuklasin ito sa bagong Gabay sa Biblia ng Life.Church, kasama ng serye ng mensahe ni Pastor Craig Groeschel, ang Chasing Carrots.

More

Nais naming pasalamatan ang Life.Church sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: https://www.life.church/