Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Bagong Taon, Mga Bagong AwaHalimbawa

New Year, New Mercies

ARAW 4 NG 15

Ang pinakamahusay na teolohiya ay hindi makakatanggal ng hiwaga sa buhay mo, kaya ang kapahingahan ay matatagpuan sa pagtitiwala sa Nag-iisang namumuno, na Siyang lahat, at walang alam na hiwaga.

Ang tinig niya ay nanginginig nang umagang iyon habang sinasabi niyang umuwi agad ako ng bahay sa pinakamadaling panahon. Ang asawa ko na si Luella ay isang babaeng matatag ang damdamin. Hindi siya basta basta nayayanig. Alam ko na ang hinaharap namin ay isang napakalubhang sitwasyon sapagkat nayanig siya nito. Ako ay mga anim na oras ang layo sa kanya; kasama ko ang aking alalay nang ginawa ko ang nakakakabang paglalakbay pauwi.

Si Nicole, ang aming anak, ay nagsimulang maglakad pauwi mula sa trabaho nang gabing-gabi kahapon, na lagi naman niyang ginagawa gabi-gabi. Isang sasakyang minamaneho ng isang lasing at hindi lisensyadong drayber ang umakyat sa bangketa at inipit si Nicole sa isang pader. Nagkaroon siya ng matinding pinsala, kabilang ang labing-isang sira sa buto ng kanyang baywang at labis-labis na pagdurugo sa loob. Nang sa wakas ay makarating ako sa ospital at pumasok sa silid ni Nicole sa intensive care unit, ginawa ko ang gagawin ng kahit sinong amang may patak ng dugo ng pagiging magulang. Ako ay nanlumo. Gumapang ako patungo sa higaan ni Nicole, hindi ko alam kung naririnig niya ako, at sinabi ko, "Si Tatay mo ito, hindi ka nag-iisa, at ang Diyos ay kasama mo rin.”

Nang ako ay pumasok sa loob ng silid na iyon, para bang ang buong mundo ay dumilim. Ang puso ko ay umiiyak, "Bakit, bakit, bakit?" Kung ako ay makakapili, hindi ko gugustuhin na kahit sino sa mga anak ko ang dumaan sa mga ganitong pangyayari. At kung kailangan kong mamili sa isa sa mga anak ko, hindi ko pipiliin si Nicole sa sandaling iyon ng buhay niya; tila napakahina niya. Sa isang iglap, kami ay nailagay sa isang nakapagpapabago ng buhay na hiwaga, at ang aming hindi mababagong teolohiya ay hindi inalis ang hiwagang ito. Gumaling din si Nicole, pero nabuhay kami sa apat na taong pagpapahirap.

Humawak ako sa kaisipang ang aming mga buhay ay kontrolado. Kami ay muli't muling pinalakas ng kaisipang pagdating sa sakuna ni Nicole, ang Diyos ay hindi nagulat o natakot. Alam mo, walang hiwaga sa Diyos. Hindi Siya kailanman nabibigla. Hindi Siya nagtataka kung paano Niyang haharapin ang mga hindi inaasahang bagay. Gusto ko ang Banal na Salita mula sa Daniel 2:22: "Naghahayag ng mga lihim at kahiwagaan; nakatatalos sa mga nasa kadiliman, sapagkat ang kaliwanagan sa kanya'y nananahan.”

Ang Diyos ay kasama mo sa iyong mga oras ng kadiliman sapagkat hindi ka Niya iiwan. Subalit ang iyong kadiliman ay hindi madilim para sa Kanya. Ang iyong mga hiwaga ay hindi mahiwaga sa Kanya. Hindi Siya nagugulat sa iyong mga pagkagulat. Naiintindihan Niya ang lahat ng mga bagay na lubhang nakakalito sa iyo. Hindi lamang ang iyong mga hiwaga ay hindi hiwaga para sa Kanya, bagkus Siya ang nag-iisang namumuno ng lahat ng mga mahiwaga sa iyo at sa akin.

Alalahanin mo ngayon na mayroong Nag-iisa na tumitingin sa akala mo ay madilim at nakikita Niya ang liwanag. At habang inaalala mo iyon, tandaan mo rin ito, na Siya ang pinakamahalagang pakahulugan ng lahat ng marunong, mabuti, totoo, mapagmahal at tapat. Hinahawakan Niya ikaw at ang iyong mga hiwaga sa Kanyang mapagpalang mga kamay, at dahil ginagawa Niya iyon, makakahanap ka ng kapanatagan kahit pumasok ang kadiliman ng hiwaga sa iyong pintuan.

Banal na Kasulatan

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

New Year, New Mercies

Sa loob ng 15 araw, paaalalahanan ka ni Paul David Tripp ng mga pagpapala ng Diyos sa iyo - katotohanan na hindi naluluma. Kung ang "pagbabago ng pag-uugali" o ang mga salitang maganda sa pakiramdam ay hindi sapat upang ikaw ay magbago, matutong magtiwala sa kabutihan ng Diyos, manalig sa Kanyang pagpapala, at mabuhay sa Kanyang kaluwalhatian araw-araw.

More

Nais naming pasalamatan ang Crossway sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaring bumisita sa: https://www.crossway.org/books/new-morning-mercies-hcj/