Paghahanap ng KapayapaanHalimbawa
Pagsuko ng Pagkabalisa
Ang pagkabalisa ay isang problema na haharapin nating lahat balang araw. Sa Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus:
Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa inyong iinumin upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? (Mat. 6: 25-26)
Ang salitang Griyego para sa "balisa" sa talatang ito ay nangangahulugang "abala". Ito ay isang salita na tumutukoy sa kawalan ng katiyakan. Iyon ang nagagawa ng pagkabalisa sa atin. Ipinadarama nito sa atin ang tanong na, Ano ang susunod? Ito ay ang pakiramdam na ang alpombra ay hinatak mula sa ilalim natin at wala tayong ideya kung tayo ay babagsak, gaano kalakas, anong direksyon, o papunta saan.
Ang salitang "pagkabalisa" ay isinasalin din bilang "pag-aalala" sa Biblia. Para sa maraming tao, ang pag-aalala ay naging pamamaraan na ng kanilang pamumuhay. Kung naglalarawan ito sa iyo, hinihikayat kitang basahin muli ang mga salita ni Jesus. Ang Kanyang mga salita ay hindi isang mungkahi—sila ay utos.
Maaari mong sabihin, "Hindi ko maiwasang mabalisa, mula noon pa ay lagi akong nag-aalala." Narinig ko na iyan mula sa maraming tao sa mga nakaraang taon. Ang sagot ko ay, "Oo, kaya mo."
Walang likas sa isang pangyayari na kusang lumilikha ng pagkabalisa. Ang pagkabalisa ay nangyayari dahil sa paraan ng pagtugon natin sa isang problema o nakakabagabag na sitwasyon. Ang iyong kakayahang pumili ay bahagi ng ibinigay ng Diyos sa bawat tao na may malayang kalooban. Maaari mong piliin ang iyong daramdamin. Maaari mong piliin kung ano ang iyong pag-iisipan, at maaari mong piliin kung paano ka tutugon sa isang pangyayari. Tiyak na hindi layunin ng Diyos para sa iyo ang pagkabalisa—hindi Niya pinapayagan ang mga sitwasyon sa iyong buhay upang ikaw ay mabalisa. Pinahihintulutan ng Ama ang mga sitwasyon sa iyong buhay upang lumakas ang iyong pananampalataya, upang ikaw ay lumago at malinang, o upang baguhin ang isang masama o negatibong pag-uugali sa iyo. Ngunit hindi ka itinakda ng Diyos para sa pagkabalisa. Lagi Siyang kumikilos upang dalhin ka sa isang lugar kung saan higit kang magtitiwala sa Kanya, masusunod mo Siya nang lubusan, at makatatanggap ka ng higit pa ng Kanyang mga pagpapala.
Maaari kang bumulusok pababa sa pagkabalisa. O maaari mong sabihin, "Ama, dinadala ko ito sa Iyo. Ito ay hindi ko na kayang kontrolin. Pakiramdam ko ay wala akong magagawa sa sitwasyong ito, ngunit may kapangyarihan Kang baguhin ang aking kinakaharap. Mahal Mo ako ng lubos at perpekto, at ipinagkakatiwala ko sa Iyo na harapin kung ano ang gumagambala sa akin sa paraang nakikita Mong angkop. Alam kong ang Iyong mga plano para sa akin ay para sa ikabubuti ko. Inaasahan kong makita ang paraan na pinili Mong ipahayag ang Iyong pagmamahal, karunungan, at kapangyarihan."
Kaibigan, ito ang paraan ng kapayapaan—ang daan papalayo sa pagkabalisa at pag-aalala.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Nais mo bang magkaroon ng higit pang kapayapaan sa iyong buhay? Nais mo bang maging higit pa sa kahilingan lamang ang kapanatagan? Maaari mong makamtan ang tunay na kapayapaan ngunit mula lamang sa isang bukal -- Ang Diyos. Samahan si Dr. Charles Stanley habang ipinapakita niya sa iyo ang paraan tungo sa nakapagpapabagong-buhay na kapanatagan ng loob, na magbibigay sa iyo ng mga kasangkapan upang lutasin ang mga nakaraang pagsisisi, harapin ang mga kasalukuyang suliranin, at pawiin ang mga agam-agam tungkol sa hinaharap.
More