Paghahanap ng KapayapaanHalimbawa
Buhay na Walang Paghihinayang
Naalala ko pa noong dahan-dahan kong ibinaba ang telepono at napabuntong-hininga, “Wala eh… nangyari na.”
Ang tinig sa kabilang linya ay sa isang abogado, ipinapaalam niya sa akin na nagsampa ng diborsyo ang asawa ko.
Mga ilang taon ko nang naririnig na sinasabi niya na hihiwalayan niya ako. Gayunpaman, hindi pa rin ako makapaniwala sa balitang nakuha ko.
Sa mga sumunod na araw, iba't-ibang emosyong at kaisipan ang umiikot sa aking puso at isipan. Ayoko ng diborsyo. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin para hindi ito mangyari. Hindi ko alam sino ang kakausapin o kung paano ko ito sasabihin. Alam kong kalaunan ay kakailanganin ko ring sabihin ito sa buong kongregasyon ng simbahang pinamumunuan ko, at hindi ko alam kung paano iyon tatanggapin ng lupon at ng mga miyembro. Ang sigurado ko lang noon ay ang bigat na nararamdaman ko sa paghahanda at kung paano ko ihahatid ang sermon sa darating na Linggo.
Kahit sobrang bilis ng takbo ng isipan ko, buo ang paniniwala ng puso ko sa mga katotohanang ito:
· Hindi nabigla ang Panginoon sa pangyayaring ito laban sa akin.
· Diyos pa rin ang may hawak ng buhay ko—hinayaan Niyang mangyari ito para sa sarili Niyang kadahilanan bilang bahagi ng plano Niya sa buhay ko.
· Nangako Siya sa Salita Niya na hinding-hindi Niya ako iiwan ni tatalikdan man. Nangako Siyang sasamahan ako sa bawat hakbang na tatahakin ko; samakatuwid, ang lahat ng nangyayari ay para sa walang hanggang ikabubuti ko kung magtitiwala lang ako nang buong-buo sa Kanya.
Ang mga kagyat na katotohanan ng sitwayon ay lumilikha ng kaguluhan. Ngunit ang hindi nagbabagong katotohanan tungkol sa Panginoon ang lumilikha ng kapayapaan.
Walong taon makalipas ang tawag na natanggap ko mula sa abogado, ang diborsyong hinihingi ng asawa ko ay naipagkaloob sa kanya.
Sinasabi sa akin ng mga tao nang mga taong nagdaan: "Malamang ay nanghihinayang ka sa paghihiwalay ninyo … na nabigo ka sa laban mong maisalba ang inyong pagsasama … na lahat ng ginawa mo para magkaayos kayo ay hindi gumana.”
Ang lagi kong sagot sa kanila ay madalas na katahimikan lamang. Pero ang sagot sa loob ko sa mga puna nila ay, Nalungkot, oo. Pero nanghinayang, hindi.
Bagamat nalungkot ako na ang kasal ko ay nauwi sa hiwalayan, hindi ako nabubuhay sa panghihinayang. Bakit? Dahil ang panghihinayang ay nakaugat sa hindi nalutas na pagsisi sa sarili. Alam kong may kapayapaan ako sa Panginoon, kaya ang panghihinayang at pagsisi sa sarili ay hindi bahagi ng buhay ko.
Napagtanto ko na ang pinakamabisang paraan para mabuhay nang walang panghihinayang ay ang panatilihing malinis ang konsensya. Piliin nating mabuhay na ginagawa natin ang lahat ng makakaya natin sa bawat gawain at relasyon natin, ibigay natin ang pinakamahusay nating pagsisikap na mabuhay sa makadiyos na pamamaraan. Piliing magtiwala sa Diyos sa bawat bahagi ng buhay mo—hindi lamang sa madadaling bahagi. Piliing sumunod sa Kanya at sa Kanyang mga utos. Piliing patawarin ang ibang tao nang buo. At piliin ang daang ipinapakita ng Diyos na sundan mo.
Bagaman walang may kakayahang gawin ang lahat ng ito sa kanilang sariling kapangyarihan, sa tulong ng Espiritu Santo na nananatili sa atin, kakayanin nating layuan ang lahat ng uri ng tukso upang makamit ang kapayapaan sa sarili natin at sa ibang tao—at maipagpatuloy ang mabubuting gawain na pinahintulutan ng Panginoon na gawin natin.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Nais mo bang magkaroon ng higit pang kapayapaan sa iyong buhay? Nais mo bang maging higit pa sa kahilingan lamang ang kapanatagan? Maaari mong makamtan ang tunay na kapayapaan ngunit mula lamang sa isang bukal -- Ang Diyos. Samahan si Dr. Charles Stanley habang ipinapakita niya sa iyo ang paraan tungo sa nakapagpapabagong-buhay na kapanatagan ng loob, na magbibigay sa iyo ng mga kasangkapan upang lutasin ang mga nakaraang pagsisisi, harapin ang mga kasalukuyang suliranin, at pawiin ang mga agam-agam tungkol sa hinaharap.
More