Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Paghahanap ng KapayapaanHalimbawa

Finding Peace

ARAW 8 NG 17

Pamumuhay nang Payapa Kasama ang Ibang Tao 

Ito ay isang hamon na lagi nating kinakaharap: Paano tayo mabubuhay nang mapayapa kasama ang ibang tao at mapanumbalik ang ating kapayapaan kapag sumisiklab ang alitan? 

Ang totoo, nais ng Diyos na mabuhay tayo nang payapa kasama ang ating kapwa. Alam din Niya na hindi tayo laging magiging mapayapa kasama ang ibang tao. Nangyayari ang mga salungatan. Kung minsan, ang mga ito ay hindi madaling malutas. Sa katunayan, may mga pagkakataong hindi ito malulutas. Gayunpaman, nais ng Diyos na gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang magkaroon ng kapayapaan sa isa't-isa.

Tayong mga tagasunod ni Cristo ay lubos na nauunawaang kapag ang Diyos ay hindi lubusang namamahala sa ating buhay, maaari tayong kumilos na kasing-sama ng taong hindi sumasampalataya. Ang ating kaligtasan ay hindi agad-agad na pipigilan tayo mula sa pagiging masama, mapanibugho, kamuhi-muhi, o nagagalit. Tanging sa paghiling sa Banal na Espiritu na gumawa sa atin at sa pamamagitan natin, sa ating pagsuko ng ating kalikasan sa Kanyang kalikasan, sa ating paghahangad at pagsisikap na maging mga kinatawan Niya sa mundong ito sa bawat relasyon na mayroon tayo, na tayo ay makakalayo sa ating pagmamataas patungo sa mga pag-uugali na nagtatatag ng kapayapaan.

Kaya paano natin haharapin ang mga salungatan kapag ito'y dumarating at makapagtatag ng isang mapayapang kahihinatnan?

Una, alamin ang kahalagahan ng relasyon. Kung nais mong mamuhay nang mapayapa kasama ang kapwa mo, kailangan mong magpasya, "Mahalaga ba sa aking mapanatili ang kaugnayang ito? Handa ba akong makipagkasundo sa ilang mga bagay upang mangyari ito?" Naniniwala akong ang mga taong naligtas sa pamamagitan ng biyaya at pinaninirahan ng Espiritu Santo ay maaaring makatagpo ng tunay na kapayapaan sa kanilang relasyon kapag pareho nilang pinapahalagahan ang pagpapanatili ng relasyon.
Pangalawa, magsimulang makipag-usap … at magpatuloy sa pakikipag-usap. Kapag ang dalawang tao ay nag-uusap—at handang magpatuloy sa pakikipag-usap at pakikinig sa bawat isa—mas malamang na mabilis silang makakahanap ng resolusyon sa kanilang mga hidwaan at mabubuhay nang mapayapa sa isa't isa.
Pangatlo, magpakatotoo. Hindi ka maaaring magkaroon ng lihim na programa o tusong plano sa iyong isipan at umasang magkakaroon ng mapayapang relasyon. Ang pagiging bukas at tapat sa iyong kapwa sa mga salungatan ay makakatulong sa iyo upang maabot ang mapayapang solusyon sa iyong mga relasyon.
Panghuli, pumunta sa pinag-uugatan ng suliranin. Habang malinaw kang nakikipag-usap sa iba at sinusuri kung ano ang nasa ugat ng salungatan, mas makakaya mong magsumikap sa anumang kahirapan at magtatag ng kapayapaan.

Habang nagsusumikap kang mamuhay nang payapa kasama ang kapwa mo at tumatayo sa katotohanan ng Salita ng Diyos, alamin na ang Diyos ay nasa tabi mo. Gagamitin Niya ang anumang salungatan o pag-uusig na naranasan mo para sa iyong walang hanggang pakinabang. Isasakatuparan niya ang espirituwal na paglago, higit na pananampalataya, at mas matatag na kapangyarihang namamalagi sa iyo. 

Banal na Kasulatan

Araw 7Araw 9

Tungkol sa Gabay na ito

Finding Peace

Nais mo bang magkaroon ng higit pang kapayapaan sa iyong buhay? Nais mo bang maging higit pa sa kahilingan lamang ang kapanatagan? Maaari mong makamtan ang tunay na kapayapaan ngunit mula lamang sa isang bukal -- Ang Diyos. Samahan si Dr. Charles Stanley habang ipinapakita niya sa iyo ang paraan tungo sa nakapagpapabagong-buhay na kapanatagan ng loob, na magbibigay sa iyo ng mga kasangkapan upang lutasin ang mga nakaraang pagsisisi, harapin ang mga kasalukuyang suliranin, at pawiin ang mga agam-agam tungkol sa hinaharap.

More

Nais naming pasalamatan ang In Touch Ministries sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring bisitahin ang: https://intouch.cc/peace-yv