Paghahanap ng KapayapaanHalimbawa
Pagtatagumpay sa Takot
Maraming tao ang nag-iisip na ang kasalungat ng takot ay pag-asa, tapang, o lakas. Ang tunay na kasalungat ng takot ay pananampalataya. At kapag tayo'y napaparalisa sa takot, hindi lamang nito pinapawi ang kapayapaan, kundi inaatake nito ang pundasyon ng kapayapaang iyon—ang ating pananampalataya. Lumilisan ang kapayapaan kapag nariyan ang takot.
Kadalasan ang takot na ating nararamdaman ay nakaugat sa pagdududa na ang Diyos ay narito, magbibigay ng hustisya o tulong, o may kakayahang harapin ang kinakaharap nating krisis. Ang pananampalataya ay nagsasabing, "Oo, narito ang Diyos. Oo, sapat ang ipagkakaloob ng Diyos. Oo, ang Diyos ay may kakayahang gawin ang lahat ng bagay!"
Ang karamihan sa takot ay nakaugat sa mga banta — minsan ay nagbabantang mga salita, kung minsan ay nagbabantang pag-uugali. Ang pananampalataya natin ang nagsasabing, "Hindi ako matatakot sa mga banta. Ako ay kikilos nang may karunungan, hindi nang natatakot. Naniniwala ako na pipigilan ng Diyos ang anumang banta na maisakatuparan. At kung ito ay maganap man, naniniwala ako na tutulungan ako ng Diyos na harapin ang anumang ibibigay sa akin."
Nang mapagtanto ni Saul na hari ng Israel na inalis ng Diyos ang Kanyang kamay ng pagpapahid at pagpapala mula sa kanya (dahil sa kanyang pagmamataas at pagsuway) at inilagay ito sa halip sa binatang si David, siya ay nagalit nang husto. Sinimulan niya ang isang pagkilos upang hanapin si David at patayin siya—upang matanggal ang bantang ito sa kanyang buhay (1 Sam. 19). Sa kabilang banda, naramdaman ni David na pinagbabantaan siya ng hukbo ni Saul at sa ilang okasyon ay natakot na para sa kanyang sariling buhay. Ngunit sinasabi sa atin ng Banal na Kasulatan na si David ay pinalakas ng mga pangako ng Diyos na iingatan siya at isang araw ay gagawin siyang hari ng Israel.
Sa ating kasalukuyang mundo, madalas nating mabasa ang tungkol sa mga tao na, sa kabila ng pananakot ng sakit, aksidente, o panganib, ay nagpupursigi patungo sa hindi tiyak na mga hantungan—pagtanggi, pagkatalo, at, oo, kung minsan ay tagumpay. Ang mga mananaliksik sa Artiko, mga atleta ng Olimpiko, mga misyonero, mga kapitalista, at mga pilantropo ay ilan sa mga ito. Kaya ang mga pagbabanta ay hindi kailangang humadlang at pumigil sa atin.
Ang hamon sa atin sa mga oras ng pagbabanta ay hindi magtuon sa kung ano ang maaaring mangyari, ngunit sa halip, tumuon sa kung ano ang maaari nating asahang mananatiling totoo.
Maraming tao ang nabubuhay sa ilalim ng madilim na ulap ng pagbabanta ngayon. Ang ilan ay nakakaranas ng pagbabanta ng sakit, ang ilan ay nahaharap sa mga banta ng pinsala sa kanilang mga anak, at ang ilan ay nakakarinig ng mga banta na may kaugnayan sa pagkawala ng kanilang trabaho.
Ang sagot sa lahat ng mga uri ng bantang ito ay ang pananampalataya sa alam nating totoo tungkol sa Diyos at tungkol sa Kanyang pag-ibig at pag-aalaga sa atin, at sa Kanyang kakayahang magbigay ng lahat ng kailangan natin— lalo na ang Kanyang kapayapaan, na makakatulong sa ating harapin ang anumang bagay.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Nais mo bang magkaroon ng higit pang kapayapaan sa iyong buhay? Nais mo bang maging higit pa sa kahilingan lamang ang kapanatagan? Maaari mong makamtan ang tunay na kapayapaan ngunit mula lamang sa isang bukal -- Ang Diyos. Samahan si Dr. Charles Stanley habang ipinapakita niya sa iyo ang paraan tungo sa nakapagpapabagong-buhay na kapanatagan ng loob, na magbibigay sa iyo ng mga kasangkapan upang lutasin ang mga nakaraang pagsisisi, harapin ang mga kasalukuyang suliranin, at pawiin ang mga agam-agam tungkol sa hinaharap.
More