Ang Plano ng Diyos sa Iyong BuhayHalimbawa
Ang plano ng Diyos sa buhay mo ay mas nakatuon sa kung sino ka kaysa sa kung ano ang iyong ginagawa sa buhay.
Ano ang dapat kong gawin?
Marahil ay ilang beses nang sumagi sa iyong isipan ang katanungang ito, mas lalo na kung ikaw ay may hinaharap na mabigat na desisyon sa buhay, katulad na lamang ng pagdedesisyon sa kung saang kolehiyo ka papasok o ano ang karerang nais mo.
Ito ay kaparehong tanong ng isang relihiyosong pinuno kay Jesus sa Biblia: "Alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?" (Mateo 22:36 RTPV05) Sa madaling salita: ano ang dapat kong gawin?
Sa sunod na talata, makikita natin ang sagot ni Jesus: "'Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo.' Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.'” (Mateo 22:37-39 RTPV05, may dagdag na diin)
Kapag ating sinusubukang alamin kung ano ang plano ng Diyos sa ating buhay, maaari tayong magsimula sa dalawang bagay na sinabi ni Jesus na gawin natin:
1.) Mahalin ang Diyos.
2.) Mahalin ang ating kapwa.
Marahil ay naiisip mo, magandang bagay iyan, ngunit paano ko malalaman kung saan ako dapat pumasok sa kolehiyo at kung anong karera ang dapat kong piliin?
Iyan ay isang matimbang na tanong. Ito ang mabuting balita: Kung ikaw ay sumusunod kay Jesus at pinalilibutan mo ang iyong sarili ng mga taong maka-Diyos, ang banal na Espiritu ang Siyang tutulong at gagabay sa iyo sa iyong mga pagpapasiya.
Siguro ay hindi ka makapili sa pagitan ng dalawang kolehiyo na parehong magaling, at ikaw ay napapaisip kung alin ang nais sa iyong ipakuha ng Panginoon. Balikan natin ang sinabi ni Jesus kanina tungkol sa dalawang pinakamahalagang utos: pagmamahal sa Diyos at pagmamahal ng kapwa. Kaya mo bang mahalin ang Diyos at ang ibang tao sa parehong kolehiyo o unibersidad? Kung ang sagot ay oo, kahit alin sa dalawang ito ang maaari mong piliin. Kaya kang gamitin ng Diyos sa alinmang lugar.
Pagdating naman sa iyong mga panghinaharap na desisyon, ang Diyos ay hindi laging nagbibigay sa atin ng mga sagot na "oo" o "hindi". Ito ay maaring nakakalito, ngunit may kalayaan kapag iyong napagtatanto ang plano ng Diyos para sa iyong buhay na mas nakatuon sa kung sino ka kaysa sa kung ano ang iyong ginagawa.
Ibig sabihin ba noon ay maaari nating pagpasiyahan ang lahat ng ating desisyon sa ating sarili lamang, at mamuhay ayon sa ating kagustuhan? Siyempre hindi! Hindi man natin laging nalalaman kung ano ang kalooban ng Diyos, ngunit pwede tayong palaging maglakad at mamuhay sa pamamaraan ng Diyos. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin, kahit hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap, maaari tayong magpatuloy sa pagsunod sa Diyos upang sundin kung ano man ang pagtawag sa atin ng Diyos sa ngayon. At ito'y nangangahulugan ng pagsunod sa Kanya, pamumuhay nang marangal, pagsunod at pagrespeto sa ating mga magulang at tagapanguna, at pagmamahal sa bawat tao na inilalagay ng Diyos sa ating buhay.
At ito ang pinakamahalaga: Kapag tayo ay sumusunod sa Diyos, binibigyan Niya tayo ng karunungan sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu. (1 Mga Taga-Corinto 2:12-13) Binabago niya ang ating pag-iisip ( Mga Taga-Roma 12:2) at tinutulungan tayong ituon ang ating mga mata sa mga bagay na tama. Kapag ating pinapalibutan ang ating sarili ng mga taong may karunungan (Kawikaan 13:20), matutulungan nila tayo na gumawa din ng mga tamang desisyon. At ang isa sa pinakamahahalagang paraan na mahanap natin ang karunungan ay sa pamamagitan ng panalangin. Sa katotohanan, sinasabi sa Santiago 1:5 na kung hihingi tayo sa Diyos, ipagkakaloob Niya sa atin ito!
Tungkol sa Gabay na ito
Ano ba ang plano ng Diyos sa iyong buhay? Ito ang isa sa karaniwang tanong na mayroon ang mga taga-sunod ni Cristo. Ngunit, kung tayo ay magpapakatotoo, ang plano ng Diyos sa ating mga buhay ay maaaring maging napakalaki. Dito sa 6-araw na Gabay sa Biblia, matututunan natin na ang plano ng Diyos ay hindi kasing kumplikado tulad nang inaakala natin, bagkus ay higit pang mas maganda kaysa sa ating iniisip.
More