Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

THE CROSS | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na SangkatauhanHalimbawa

THE CROSS | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na Sangkatauhan

ARAW 7 NG 7

Nang mag-aalas dose na ng tanghali, nawala ang liwanag ng araw, at dumilim sa buong lupain sa loob ng tatlong oras. At ang kurtina sa loob ng templo ay nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba. Sumigaw nang malakas si Jesus “Ama, ipinagkakatiwala ko sa inyo ang aking espiritu!” At pagkasabi niya nito, nalagot ang kanyang hininga.
Lucas 23:44–46

Mga Karagdagang Babasahin:

Juan 14:1–3; Mga Taga-Roma 8:38–39; 1 Tesalonica 4:16–17; Pahayag 21:4

Ilang sandali bago ang Kanyang huling hininga, binanggit ni Jesus ang Salmo 31:5, isang salmo na ginagamit ng mga Judio bilang panalangin sa gabi. Sa gitna ng Kanyang pagdadalamhati, idinasal Niya ang isang awitin na maaaring una Niyang natutunan sa bahay. At hindi ito pabulong kundi pasigaw.

Sa puntong ito ng Kanyang pagkakapako, ang simpleng paghinga ay maaaring isang labis na pagpapahirap. Gayunpaman, pinilit Niya ang sarili na magsalita sa isang malakas na boses. Bakit? Siguro hindi ito para sa Kanya kundi para sa mga taong nakapalibot sa Kanya.

Siguro ito ay para sa atin.

Sa mga huling salita na ito, ipinakita ni Jesus ang pagsuko sa Diyos nang may pananalig at buong kapanatagan. Alam Niya na hindi pa tapos ang kwento. Habang umaalingawngaw ang mga salitang ito sa kasaysayan, nagpapatotoo ito sa mga nakakarinig, “Manalig kayo sa Akin, at makakatanggap kayo ng kasiguruhan kahit kaharap pa ang kamatayan. Malalaman ninyo na sigurado ang inyong walang hanggan.”

Ngayong linggo, matapos nating pag-isipan ang mga salitang sinabi ni Jesus sa krus, naiintindihan natin na wala na Siya sa krus. Nakaupo na Siya sa kanang kamay ng Diyos sa langit, at ipinadala Niya ang Banal na Espiritu. Sa mga panahon ng pagdududa, ibinubulong sa atin ng Banal na Espiritu ang mga salita ni Jesus.

Kapag pakiramdam natin ay hindi mapapatawad ang ating mga kasalanan, maririnig natin, “Ama, patawarin Mo sila.”

Kapag pakiramdam natin ay nag-iisa tayo at walang kapamilya, maririnig natin, “Babae, ituring mo siyang anak.”

Kapag pakiramdam natin ay hindi tayo sapat, maririnig natin, “Tapos na.”

Kapag ang ating mga puso ay puno ng takot, maririnig natin, “Ama, ipinagkakatiwala ko sa Inyo ang aking espiritu!”

Ang ating mga puso ay umaapaw sa papuri habang kinakanta ang mga kataga na sinulat ng isang bulag na manunulat na si Fanny Crosby: “Blessed assurance, Jesus is mine!” (Pinagpalang Katiyakan, si Jesus ay Akin!)

Awit para sa Araw na Ito
Assurance
EVERY NATION MUSIC

P A G - I S I P A N

Pag-isipan ang panahon na kinailangan mong manalig sa Diyos nang lubos kahit may takot ka o hindi ka sigurado. Paano hinubog ng karanasan na iyon ang pananampalataya mo?

G A W I N

Maglakad ka sa isang mapayapang lugar at ituon ang iyong atensyon sa pagpapaubaya mo ng mga takot at pagaalinlangan mo sa kamay ng Diyos. Habang naglalakad, bigkasin mo ang mga salita ni Jesus sa krus at hayaan mong magpaulit-ulit ito sa iyong puso.

Ama sa langit,

Maraming salamat po sa ganap na sakripisyo ng Iyong Anak. Sa kahuli-hulihan Niyang paghinga, inihayag Niya ang Kanyang tiwala sa Inyo: “Ama, ipinagkakatiwala ko sa Inyo ang aking espiritu!” Kapag humaharap kami sa mga pagsubok at pag-aalinlangan, sana’y pagkunan namin ng lakas at kasiguruhan ang mga salitang ito.

Ipinagkakatiwala namin ang aming mga buhay sa Inyong mga kamay. Tulungan po Ninyo kaming mamuhay araw-araw nang may buong pusong pagsuko tulad ng ipinakita sa amin ni Jesus. Nagtitiwala kami na may katiyakan sa Inyong mga kamay ang kinabukasan namin.

Panatag kami sa Iyong presensya dahil alam naming may katiyakan ang habambuhay namin sa Inyo.

Sa ngalan ni Jesus, Amen.

Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

THE CROSS | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na Sangkatauhan

Taun-taon, nagtitipon-tipon tayo upang manalangin at mag-ayuno para marinig ang Diyos at sundin ang sinasabi Niya. Bilang mga mananampalataya ni Cristo, nawa’y maging sentro ng ating mga salita at gawa ang Kanyang tinapos na gawain sa krus.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://church.victory.org.ph/