THE CROSS | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na SangkatauhanHalimbawa
Ipinapakita ng mga salita ni Cristo na ganap Niyang nakamit ang ating kaligtasan, at wala na tayong maidaragdag pa.
Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Tapos na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
Juan 19:30
Mga Karagdagang Babasahin:
Mga Taga-Efeso 2:8–9; Mga Taga-Colosas 2:13–14; Mga Hebreo 7:25; 10:12–14
“Tapos na”—isang pambihirang pahayag, lalo na sa isang mistulang sandali ng kahinaan at kahihiyan. Ngunit ano ang natapos? Buhay ni Jesus? Ang Kanyang gawain? Upang maintindihan kung ano ang natapos, kailangan nating tingnan ang simula.
Sa kuwento ng paglikha sa Genesis 1–2, ginawa ng Diyos sina Adan at Eva ayon sa Kanyang imahe at inatasan silang pamahalaan ang mundo kasama Niya. Ngunit nag-iba ang kuwento nang suwayin nila ang Diyos, at nakapasok ang kasalanan sa mundo.
Dahil sa orihinal na kasalanan, nahiwalay sa Diyos hindi lang sina Adan at Eva kundi ang buong sangkatauhan, at wala tayong magagawa upang ayusin ang pagkakahiwalay na ito. Tanging ang Diyos lamang ang may magagawa rito.
Alam ng Diyos na kakailanganin natin ang Kanyang awa at pagpapalaya sa kasalanan bago pa man Niya nilikha ang sansinukob. Sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, nagsimula Siyang magplano para iligtas tayo at ibalik sa tamang ugnayan sa Kanya. Ang planong ito, na isinagawa sa lahat ng mga tipan sa Lumang Tipan, ay humantong sa krus sa Bagong Tipan. Sa pamamagitan ng pagkamatay ni Jesu-Cristo, ang Kanyang Anak, naisakatuparan ito sa wakas.
Ang utang ng kasalanan—ang utang na kailanman ay hindi natin mababayaran—ay binayaran nang buo ng dugo ni Jesus, nang minsan at para sa lahat, sa krus. Oo naisakatuparan ni Jesus ang Kanyang misyon sa mundo, at naibalik tayo sa Kanya.
Tila nagsasalungatan, ang “Tapos na” ay tanda ng simula ng bagong kasunduan. Sa pamamagitan ng ginawa ni Jesus sa krus, nahanap natin ang pagpapatawad, pagtubos, at pakikipag-ayos sa Diyos. Sa kabila ng ating mga kasalanan at kamalian, ibinibigay sa atin ng Diyos ang pagiging matuwid ng Kanyang Anak. Mamuhay tayo araw-araw nang nananalig sa ating kaligtasan, dahil alam natin na wala na tayong madaragdag pa.
Narito ang pagsasalin ng isang himno sa Filipino:
Tapos na! Namatay na ang Mesias
Nilagot para sa kasalanan, ngunit hindi Kanya
Naisakatuparan na ang pag-aalay
Ang dakilang pagliligtas ay tapos na
“’Tis Finished! The Messiah Dies”
(Isinulat ni Charles Wesley)
Awit para sa Araw na Ito
Word Fulfilled
FREEDOM CHURCH WORSHIP
P A G - I S I P A N
Pag-isipan ang konsepto na binayaran na nang buo ni Jesus ang utang ng kasalanan sa krus. Paano mo isasabuhay ang pagkaunawa na ito sa iyong mga ugnayan at kilos?
G A W I N
Isulat ang mga pangalan ng mga taong kilala mo na hindi pa tumatanggap kay Cristo bilang Panginoon. Ipanalangin sila, habang humihiling sa Diyos ng pagkakataon na maibahagi ang magandang balita ng ebanghelyo at kaligtasan sa kanila.
Ama sa langit,
Maraming salamat po para sa ganap na ginawa ni Jesus sa krus. Noong sinabi Niyang “Tapos na,” ang aming kaligtasan ay nakamit namin nang buo, at wala na kaming maidadagdag pa rito. Nagpapasalamat kami para sa Inyong planong pagligtas. Tulungan po Ninyo kaming mamuhay sa araw-araw nang may pananalig na may katiyakan ang kaligtasan namin sa Kanya.
Jesus, kami po ay napapakumbaba ng Inyong sakripisyo. Dinala Ninyo ang bigat ng aming mga kasalanan at binayaran ang utang na hindi namin kailanman mababayaran. Sa pamamagitan ng Inyong dugo, kami ay napatawad, nailigtas, at ginawang matuwid.
Sa Inyong ngalan, Amen.
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, nagtitipon-tipon tayo upang manalangin at mag-ayuno para marinig ang Diyos at sundin ang sinasabi Niya. Bilang mga mananampalataya ni Cristo, nawa’y maging sentro ng ating mga salita at gawa ang Kanyang tinapos na gawain sa krus.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://church.victory.org.ph/