THE CROSS | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na SangkatauhanHalimbawa
Ipinapakita ng pagpapatawad ni Cristo sa nagsising magnanakaw ang Kanyang hangaring magbigay sa lahat ng buhay na walang hanggan.
Ininsulto rin si Jesus ng isa sa mga kriminal sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang sarili mo, pati na kami!” Pero sinaway siya ng isa pang kriminal na nakapako, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw man ay pinaparusahan din ng kamatayan. Dapat lang na parusahan tayo ng kamatayan dahil sa mga ginawa nating kasalanan, pero ang taong itoʼy walang ginawang masama!” Pagkatapos ay sinabi niya, “Jesus, alalahanin nʼyo ako kapag naghahari na kayo.” Sumagot si Jesus, “Sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.”
Lucas 23:39–43
Mga Karagdagang Babasahin:
Marcos 15:27–32; Juan 10:28–30; Mga Taga-Roma 6:20–23; 1 Juan 5:11–13
Habang nakabitin sa pagitan ng buhay at kamatayan, ininsulto ng isang kriminal si Jesus. Ngunit sinabi ni Mateo na sa isang pagkakataon, ininsulto si Jesus ng dalawang kriminal na kasabay Niyang nakapako sa krus (Mateo 27:44). May isang bagay na nagpabago sa puso ng nagsising magnanakaw. Anong himala ang nagpalambot sa matigas niyang puso? Marahil ay noong tiningnan niya si Jesus sa mata at narinig niya ang Kanyang dasal, “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).
Nakita ng nagsising magnanakaw ang lalim ng kanyang kasalanan. “Tinatanggap natin ang nararapat na parusa sa ating mga nagawa.” Kinilala niya ang pagiging walang kasalanan ng Tagapagligtas. “Ang taong ito ay walang ginawang masama.” Ipinahayag niya na si Jesus ay kanyang Panginoon, na nagpapakitang kinilala niya si Jesus bilang Hari sa kaharian ng langit.
Ang bunga nito ay buhay na walang hanggan. “Ngayon ay makakasama kita sa Paraiso.” Ang paraiso ay mula sa salitang Persyano na sumisimbolo sa isang maganda at masayang lugar. Ang kamangha-manghang biyaya ng Diyos ay agad na nagbigay sa isang kriminal ng lugar sa paraiso. Ito pa rin ang ginagawa ng biyaya ng Diyos sa sinumang makasalanan na magsisisi. Narito ang pagsasalin sa Filipino ng himno na isinulat ni William Cowper:
May isang bukal na puno ng dugo
Na dumaloy mula sa mga ugat ni Emmanuel
Ang mga makasalanang lumubog sa dala nitong pagbaha
Ang lahat ng dungis ng kanilang kasalanan ay agad na nawala
Nagalak ang naghihingalong magnanakaw nang kanyang makita
Ang bukal na iyon sa kapanahunan niya
At doon, ako nawa, na kasing-sama rin niya
Ay mahugasan mula sa lahat ng aking pagkakasala!
Awit para sa Araw na Ito
Golden Streets
EVERY NATION MUSIC
P A G - I S I P A N
Ipinahayag ng magnanakaw na si Jesus ay Panginoon at tinanggap niya ang Kanyang kaharian. Pag-isipan ang sarili mong pagpapahayag ng iyong pananampalataya. Paano mo napatutunayan araw-araw na si Jesus ay Panginoon sa buhay mo? Ano ang mga bahagi ng iyong buhay na kailangan mong isuko kay Jesus bilang Panginoon ng buhay mo?
G A W I N
Pag-isipan ang sinasabi sa Lucas 23:39–43 at sa mga karagdagang babasahin (Marcos 15:27–32; Juan 10:28–30; Mga Taga-Roma 6:20–23; 1 Juan 5:11–13). Pagkatapos magbasa, manalangin at hilingin sa Diyos na tulungan kang maisapuso ang katotohanan tungkol sa pagsisisi, biyaya ng Diyos, at buhay na walang hanggan.
Ama sa langit,
Kami ay nagpapakumbaba tulad ng nagsising magnanakaw na nakatanggap ng kapatawaran sa kanyang huling mga sandali. Nakikita namin ang aming sarili sa magnanakaw na iyon at nauunawaan namin na dapat din naming pagbayaran ang mga mali naming ginawa. At tulad niya, kami ay tumitingin kay Jesus at sa Kanyang biyaya.
Kami ay namamangha sa biyaya na nagbigay ng paraiso sa isang nagsising makasalanan, na nagpapakita ng kagustuhan Ninyo na ipagkaloob ang buhay na walang hanggan sa lahat ng lumalapit sa Inyo. Tulad ng pagkilala ng magnanakaw sa Inyong kaharian, ipinapahayag namin na si Jesus ang aming Panginoon at Tagapagligtas.
Maraming salamat sa kapatawaran at bagong buhay na nagmumula sa sakripisyo ni Jesus. Hinuhugasan ng Kanyang dugo ang lahat ng aming mga kasalanan, at dahil dito, kami ay naging karapat-dapat para sa paraiso. Natatagpuan namin ang aming pag-asa sa pangako ng buhay na walang hanggan kasama Ninyo.
Sa ngalan ni Jesus, Amen.
Tungkol sa Gabay na ito
Taun-taon, nagtitipon-tipon tayo upang manalangin at mag-ayuno para marinig ang Diyos at sundin ang sinasabi Niya. Bilang mga mananampalataya ni Cristo, nawa’y maging sentro ng ating mga salita at gawa ang Kanyang tinapos na gawain sa krus.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://church.victory.org.ph/