Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

THE CROSS | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na SangkatauhanHalimbawa

THE CROSS | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na Sangkatauhan

ARAW 1 NG 7

Ipinapakita ng pagpapatawad ni Cristo sa mga nagpahirap sa Kanya ang kagustuhan ng Diyos na patawarin ang lahat.

Pagdating nila sa lugar na tinatawag na “Bungo,” ipinako nila sa krus si Jesus at ang dalawang kriminal, ang isa ay sa kanan ni Jesus at ang isa ay sa kaliwa. [Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] Nagpalabunutan ang mga sundalo para paghahati-hatian ang mga damit ni Jesus.
Lucas 23:33–34

Mga Karagdagang Babasahin:

Isaias 53:10–12; Mateo 5:43–45; 27:33–44; Mga Gawa 7:59–60

Nakapako si Jesus sa krus at nakatingin sa mga taong gusto Niyang iligtas. Nanonood ang maraming tao, nagsusugal ang mga sundalo, nangungutya ang mga pinuno, at si Jesus ay dahan-dahang namamatay. Napakagulo ng sitwasyon, ngunit sa gitna nito ay may nagaganap na sobrang busilak—kapatawaran. Sa gitna ng Kanyang paghihirap, tumingin sa kanila si Jesus at nagsabing, “Ama, patawarin Mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”

Malawak ang sakop ng salitang “sila.” Sino ang mga kabilang dito? Kasama dito ang brutal at walang-pusong mga sundalo na nag-agawan sa mga damit Niya, na kumakatawan sa kapangyarihan ng mga Romano. Kasama dito ang mga nangungutyang pinuno ng mga Judio na nagsabwatan laban sa Kanya at nagpumilit na ipapatay Siya. At kasama rin dito ang madla na, ilang oras lamang ang nakaraan, ay hiningi ang Kanyang kamatayan. Ipinapaalala sa atin ng mga ginawa ng Judio at hindi Judio na malawak ang sakop ng pagpapatawad ni Jesus, at naaabot nito ang mga taong malapit sa Kanya at maging ang mga taong malayo sa Kanya.

“. . . dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Isipin ang isang makasalanang bagay na sinabi o ginawa mo nang hindi iniisip ang magiging pinsala nito. May isang iskolar na nagsabing, “Ang guilt (o ang nagsisilbing ‘patunay’ ng kasalanan) ay maaaring mabawasan ng kamangmangan, pero hindi ito mawawala.” Ang kapatawaran ni Jesus ay hindi lamang para sa mga naroon noong mga oras na iyon. Sinabi ng propetang si Isaias na si Jesus ay “hinamak at itinakwil ng mga tao” (Isaias 53:3). Sa krus, kabilang tayo sa salitang “sila.” Ito ang nasa puso ng mga salita ni Jesus. Nauunawaan Niya na tayo ay makasalanan at pumagitan Siya para sa atin sa pananalangin at pagsasakripisyo. Kinuha Niya ang kaparusahang para sa atin at ibinigay Niya ang Kanyang sarili bilang natatanging daan pabalik sa Diyos. Sa krus, ibinalik tayo ni Jesus sa Ama.

Ipinapakita ng himno ng mga Metodista na “Forgive Our Sins As We Forgive”ang kapangyarihan ng kapatawarang ibinibigay ni Jesus. Narito ang pagsasalin ng himno sa Filipino:

Patawarin Mo ang Aming mga Kasalanan Habang Kami ay Nagpapatawad

Paano maaabot ng Inyong kapatawaran at pagpapala ang pusong hindi nagpapatawad
Na nakatuon sa mga pagkakamali at hindi bumibitiw sa pait at pighati?
Sa nagniningning na liwanag ng Inyong krus makikita ang katotohanan
Na ang utang ng iba sa amin ay napakaliit; napakalaki ng utang namin
sa Inyo!

Awit para sa Araw na Ito
Forever Found
VICTORY WORSHIP

P A G - I S I P A N

Inilarawan si Jesus sa Isaias 53:3 bilang “hinamak at itinakwil ng mga tao.” Paano naapektuhan ng masakripisyong pagpapatawad ni Cristo ang tugon mo sa mga taong may ginawang mali sa iyo o sa mga nagawan mo ng pagkakamali?

G A W I N

Hilingin sa Banal na Espiritu na ipakita sa iyo kung sino ang hindi mo pa napapatawad. Alamin kung paano mo maaayos ang sitwasyong ito.

Ama sa langit,

Naaalala namin ang sakripisyo ni Jesus sa krus, kung saan sinabi Niya, “Ama, patawarin Mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Nauunawaan namin na kasali kami sa salitang “sila” at kasama ang kasalanan namin sa dahilan kung bakit Siya nagdusa. Maraming salamat sa napakalawak na kapatawarang ibinibigay sa amin ni Jesus. Buksan po Ninyo ang aming mga mata para makita namin ang kapahamakang maaaring maidulot ng mga kilos namin at bigyan Ninyo kami ng kakayahang humingi at magbigay din ng kapatawaran.

Alam namin ang napakalaki naming utang sa Inyo at kung gaano kaliit ang sama ng loob namin sa ibang tao kung ihahambing dito. Sa ilalim ng liwanag ng krus, nakikita namin na kailangan namin ang Inyong kabutihan at tinawag Ninyo kami na magpakita rin ng kabutihan sa iba.

Sa ngalan ni Jesus, Amen.

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

THE CROSS | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na Sangkatauhan

Taun-taon, nagtitipon-tipon tayo upang manalangin at mag-ayuno para marinig ang Diyos at sundin ang sinasabi Niya. Bilang mga mananampalataya ni Cristo, nawa’y maging sentro ng ating mga salita at gawa ang Kanyang tinapos na gawain sa krus.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://church.victory.org.ph/