Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

THE CROSS | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na SangkatauhanHalimbawa

THE CROSS | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na Sangkatauhan

ARAW 4 NG 7

Ipinapakita ng pag-abanduna ng Ama sa Kanyang Anak ang kalagiman ng kasalanan, pangangailangan ng paghatol, at habag ng Diyos.

Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
Marcos 15:34

Mga Karagdagang Babasahin:

Salmo 103:8–10; Panaghoy 3:31–33; Micas 7:18–19; Tito 3:3–7

Si Martin Luther ay minsan nang naglaan ng mahabang oras na walang kakibu-kibo, habang malalim na pinag-iisipan ang mga salitang ito. Akala ng mga nagmamasid ay nawalan na siya ng ulirat dahil hindi siya kumakain o umiinom. Lumabas din siya at nagsabing, “Tinalikuran ng Diyos ang Diyos! Walang sinumang tao ang makakaintindi nito.”

Hindi natin kailanman maiintindihan ang masakit na pag-iyak ni Cristo sa krus. Sa oras na iyon, pinagdusahan ng Isang walang kasalanan ang kalagiman ng kasalanan. Ang iyak na ito ay tunog na dala ng pagbibigay ng ganap na kabayaran sa kasalanan. Hindi mauubos hanggang sa walang hanggan ang kuwento tungkol sa kung ano ang tiniis ni Jesus sa madilim na mga oras sa krus ng Kalbaryo.

Sa buong Kasulatan, sa krus inihayag ang pinakamarahas at misteryosong pagbuhos ng galit ng Diyos. Inabanduna ng Diyos ang Kanyang Anak upang mapunan ang mga hinihingi ng hustisya. Pinasan ni Jesus ang buong sukat ng banal na poot laban sa makasalanang mundo nang “Siya ang pinarusahan ng Panginoon ng parusang dapat sana ay para sa ating lahat.” Binaba ng Ama ang hatol sa Golgota upang pakawalan ang Kanyang galit hindi laban sa mga makasalanan kundi laban sa Pumasan ng kasalanan.

Kapag ibinababa na ng hukom ang pasya nito sa isang kriminal na may kasalanan, ang ibinibigay nito ay hustisya o habag; hindi niya maibibigay nang magkasabay ang dalawang ito. Ngunit nang inihatid ng Diyos ang Kanyang hatol laban sa sangkatauhang may-sala, ang hustisya at habag ay nagtagpo at ganap na naging isa. Ang ibinayad na kabayaran para sa kasalanan ay nagpatibay sa hustisya ng Diyos, at ang binayarang pagpapatawad sa atin ay nagpakita ng Kanyang habag.

Ipinahayag sa himno ni Isaac Watts ang paghangang nararamdaman natin kapag iniisip natin si Jesus sa krus. Narito ang pagsasalin ng himno sa Filipino:

Naku! at dumugo nga ba ang aking Tagapagligtas
At namatay nga ba ang aking Pinakadakila
Ilalaan ba Niya ang banal na ulo
Para sa makasalanang tulad ko?

Para ba ito sa mga pagkakamali na aking nagawa
Na naghinagpis Siya doon sa puno?
Nakamamanghang pagkaawa, kagandahang-loob na hindi batid
At pagmamahal na higit pa sa anumang antas!

Awit para sa Araw na Ito
Come to Jesus
EVERY NATION MUSIC

P A G - I S I P A N

Pag-isipan kung paano ipinapakita ng krus ang hustisya at habag ng Diyos. Paano nito naapektuhan ang pananaw mo sa katangian ng Diyos at sa mga ginagawa Niya sa buhay mo?

G A W I N

Ipanalangin na magkaroon ka ng pagkakataong ibahagi ang iyong testimonya sa ibang tao nang binibigyang diin ang habag na ipinakita ng Diyos sa buhay mo.

Ama sa langit,

Lumalapit kami sa Inyo nang may pagkamangha at pasasalamat para sa pag-aalay ni Jesus sa krus. Ang pagsabi Niya ng, “Diyos ko, Diyos ko, bakit Mo ako pinabayaan?” ay nagpapaalala sa amin ng kalagiman ng kasalanan at pangangailangan ng paghatol. Hindi namin lubos na maiintindihan ang lalim ng pagtitiis ni Cristo o ang bigat ng banal na pagkasuklam na pinasan Niya para sa amin. Maraming salamat sa habag na ipinakita Ninyo sa pamamagitan ni Jesus, na nagpasan ng parusang para sa amin at nagbigay sa amin ng kapatawaran at buhay na walang hanggan. Turuan po Ninyo kami na magpakita rin ng ganitong habag sa kapwa namin.

Sa ngalan ni Jesus, Amen.

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

THE CROSS | Ang Krus at ang Kahulugan Nito sa Naliligaw na Sangkatauhan

Taun-taon, nagtitipon-tipon tayo upang manalangin at mag-ayuno para marinig ang Diyos at sundin ang sinasabi Niya. Bilang mga mananampalataya ni Cristo, nawa’y maging sentro ng ating mga salita at gawa ang Kanyang tinapos na gawain sa krus.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://church.victory.org.ph/