Ipagkatiwala Mo ang Iyong mga AlalahaninHalimbawa

"Maliliit" na Himala
Huwag hamakin ang maliliit na bagay. - Zacarias 4:10
Sa aming wedding shower, ang mahiyaing kaibigan naming si Dave ay nakatayo sa isang sulok hawak ang isang pahabang bagay na nakabalot sa tissue. Nang siya na ang magbibigay ng kanyang regalo, iniharap niya ito. Binuksan namin ito ni Evan para matuklasan ang isang piraso ng kahoy na inukit ng kamay na naglalaman ng perpektong oblong concentric woodgrain circles at ang nakaukit na pangungusap na, "Ang ilan sa mga himala ng Diyos ay maliliit." Ang plakeng ito ay nakasabit sa aming tahanan sa loob ng apatnapu't limang taon, na paulit-ulit na nagpapaalala sa amin na ang Diyos ay kumikilos kahit sa maliliit na bagay. Pagbabayad ng mga bayarin. Pagbibigay ng pagkain. Pagpapagaling ng sipon. Ang lahat ay nagpapakita ng isang kahanga-hangang tala ng paglalaan ng Diyos.
Sa pamamagitan ni propeta Zacarias, ang gobernador ng Juda, nakatanggap si Zerubabel ng katulad na mensahe mula sa Diyos tungkol sa muling pagtatayo ng Jerusalem at ng templo. Pagkabalik mula sa kanilang pagkabihag sa Babilonya, nagsimula ang isang panahon ng mabagal na pag-unlad, at ang mga Israelita ay nasiraan ng loob. “Huwag hamakin ang maliliit na bagay,” ipinahayag ng Diyos (Zacarias 4:10 isinalin mula sa bersyon ng NLT). Nagagawa Niya ang Kanyang mga hangarin sa pamamagitan natin at kung minsan sa kabila natin. “Ang tagumpay ay hindi makakamit sa pamamagitan ng lakas ng hukbo o sariling kapangyarihan kundi sa pamamagitan lamang ng aking espiritu.” (v. 6).
Kapag napapagod tayo sa nakikitang maliliit na gawain ng Diyos sa atin at sa paligid natin, nawa'y tandaan natin na ang ilan sa Kanyang mga himala ay maaaring “maliliit.” Ginagamit Niya ang maliliit na bagay upang bumuo tungo sa Kanyang mas malalaking layunin.
Elisa Morgan
Mahal na Diyos, salamat sa paggawa ng Iyong maliliit na himala sa aking buhay. Tulungan akong mapansin ang lahat ng Iyong gawa!
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Pinupuri mo man ang Diyos para sa Kanyang biyaya o nakikipagbuno sa iyong pananampalataya, lagi kang sasalubungin ng Diyos ng Kanyang hindi nagbabagong pag-ibig, katotohanan, at lakas. Pumasok sa isang komunidad ng mga kababaihan na nakatuon sa paglapit sa Diyos at sa isa't isa sa pamamagitan ng pagtitiwala na Siya ay sapat na at palaging magiging sapat.
More