Ang Kalayaang hatid ng PagsukoHalimbawa
IKAAPAT NA ARAW: WALANG KATAPUSANG HABULAN
Nakita kong walang kabuluhan ang lahat ng ginagawa ng tao rito sa mundo. Para kang humahabol sa hangin. (Mangangaral 1:14 ASND)
Nagbigay ng talumpati ang U.P. Cebu summa cum laude na si Edsel. Sinimulan niya ito sa pagsasabi na “Ang pinakamalaking pinagsisisihan ko sa buhay ay ang puspusang pag-aaral at wala nang ibang ginawa pa bukod dito.” Ipinaliwanag pa ni Edsel na sa paghabol niya na maging mahusay sa bawat aspeto ng pag-aaral, nakaligtaan niya ang ganda ng buhay.
May pagkakatulad naman ito sa naranasan ng sumulat ng Aklat ng Mangangaral tungkol sa kanyang mga napagtagumpayan. Kung ikukumpara kay Edsel, higit na malaki ang natamong tagumpay ng Mangangaral dahil puno ang kanyang buhay nang karunungan, kasiyahan, kapangyarihan, at kayamanan. Gayunpaman, paulit-ulit niyang sinasabi, “Walang kabuluhan! Walang kabuluhan! Ang lahat ay walang kabuluhan” (Mangangaral 1:2), na parang isang “paghabol lamang sa hangin” (t.14).
Sinasabi sa atin ng mundo na huwag ka lamang maghangad ng malaking bagay, kundi gumawa ka ng malalaking bagay at magtagumpay. At sa pagsunod sa payo na ito, tumatakbo tayo nang walang tigil at nagsusumikap na mahabol ang isang walang katapusang paghahabol sa katagumpayan. Kaya naman, nananakaw nito ang ating lakas, ating mga relasyon, ating kagalakan, at kung minsan, ang atin mismong buhay. Mula madaling araw hanggang hating-gabi kung magtrabaho tayo at nakakaligtaan nang makita ang paglaki ng ating mga anak. O kaya naman, ginugugol natin ang lahat ng oras sa pag-aalaga sa mga bata at panatilihing kumikinang sa kalinisan ang buong bahay. Ibinibigay natin ang higit sa ating mga limitasyon sa pagpapalaganap ng kaharian ng Dios, kaya nawawalan na tayo ng oras sa Dios mismo ng kaharian.
Hindi nararapat na kailangang maging isang walang kabuluhang paghabol ang ninanais nating tagumpay. Kailangan lang nating kumawala sa kasinungalingan na ang katagumpayan ay makakamit sa patuloy na paggawa at hindi ka man lang hihinto. Minsan, kailangan lang nating huminto, baguhin ang ating landas at gawin ang tunay na mahalaga. Panahon na para “alisin ang anumang hadlang sa pagtakbo natin” at “Ituon ang ating paningin kay Jesus na Siyang sandigan ng pananampalataya natin mula sa simula hanggang sa katapusan” (Hebreo 12:1-2 ASND).
Ano ang tinatahak mo ngayong buhay? Naaayon ba ito sa kalooban ng Dios? Kung hindi, paano mo maiaayon ang iyong landas sa nais ng Dios?
Mapagpalang Dios, patawarin Mo ako sa panahon na lumilihis ako ng landas at napapalayo sa Iyo. Tulungan N’yo po nawa akong tahakin ang buhay nang ayon sa inyong nais at hindi sa mga bagay na iniaalok ng mundong ito.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sinasabi ng mundo na ang kalayaan ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kontrol sa lahat. Ayon naman sa Biblia, ang karunungan ay nagsasabi sa atin na mayroong kalayaan kahit hindi natin kontrol ang lahat. Maaari mong maranasan ang maging malaya sa pag-aalay ng sarili, sa pagsuko, sa pagsunod sa mga tuntunin, sa panandaliang paghinto, at sa paglilingkod sa iba. Paano magkakaroon ng kalayaan sa mga iyon? Tuklasin ang sagot dito.
More
Nais naming pasalamatan ang Our Daily Bread Asia Pacific sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://odb.org