Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Kalayaang hatid ng PagsukoHalimbawa

Ang Kalayaang hatid ng Pagsuko

ARAW 2 NG 5

IKALAWANG ARAW: MASUNOD ANG KALOOBAN MO

Sinabi [ni Jesus], “Ama, magagawa Nʼyo ang lahat ng bagay. Kung maaari, ilayo Nʼyo sa Akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban Ko ang masunod kundi ang kalooban Ninyo.” (Marcos 14:36 ASND)

Kung hihilingin sa iyo na gawin ang isang bagay, at alam mong maaari kang mamamatay sa pagtupad mo nito, gagawin mo pa rin ba? Ginawa ito ni Heneral Gregorio Del Pilar. Binigyan siya ng tungkulin na ipagtanggol ang Tirad Pass para bigyan nang sapat na panahon si Pangulong Emilio Aguinaldo na makatakas sa hukbo ng mga Amerikano noon. Delikado ang tungkuling ito. Alam ni Heneral Del Pilar na mapapahamak siya at ang kanyang mga tauhan. Sa talaarawan ni Del Pilar, sinabi niya, "Napagtanto ko kung gaano kakila-kilabot ang sumunod sa tungkuling ibinigay sa akin. Gayon pa man, pakiramdam ko ay pinakamaluwalhating sandali ito ng aking buhay. Ang ialay ang aking sarili para minamahal kong bayan. Walang sakripisyo ang makahihigit dito."

At inialay nga ni Heneral Del Pilar noong Disyembre 2, 1899 ang kanyang buhay. Hindi siya umatras sa pagharap laban sa mga hukbo ng Amerikano. Pinanghawakan niya ang kanyang mga isinulat hanggang sa kanyang huling hininga. Maaaring hindi sumuko si Hen. Del Pilar sa kanyang mga kaaway. Pero masasabi rin naman natin na pagsuko ang ginawa niya kung titingnan natin ang kanyang lubusang pagsunod sa tungkuling iniatas sa kanya. Isinuko niya ang kanyang buhay para sa paglilingkod sa kanyang bayan.

Kaya naman, naalala ko ang pangyayari sa buhay ng Panginoong Jesus noong nananalangin Siya sa Hardin ng Getsemane. Nalalaman ni Jesus na darating na ang mga oras upang ipako Siya sa krus. Kaya naman, “Balisang-balisa at nababahala si Jesus” (Marcos 14:33). Sinabi Niya, “Para Akong mamamatay sa labis na kalungkutan” (tal. 34). At sa labis na paghihirap na naranasan ni Jesus, sinabi Niya, “Ama, magagawa Nʼyo ang lahat ng bagay. Kung maaari, ilayo Nʼyo sa Akin ang mga paghihirap na darating” (tal. 36). Pero kahit alam Niya ang mangyayari, pinili pa rin ni Jesus na sumunod sa Dios Ama at tinapos ang Kanyang dalangin sa pagsasabi, “Ngunit hindi ang kalooban Ko ang masunod kundi ang kalooban Ninyo” (tal. 36).

May mga ganito rin tayong pangyayari sa ating buhay. Mga problema na gusto sana nating maayos nang ayon sariling kaparaanan. May pagkakataon na nais nating pabayaan na lamang tayo ng Dios upang makapamuhay tayo nang malaya. O kaya naman, gusto nating kumilos kaagad ang Dios at agad na tugunin ang ating mga panalangin upang mamuhay tayo nang kumportable.

Ngunit hindi kalayaan ang mamuhay na wala ang Dios. Ang pagiging malaya ay parang pagtaas ng iyong kamay habang nasa biyahe ka at dinadama ang simoy nang hangin. Hindi mo kailangang mag-alala kung saan ka pupunta o tingnan ang bawat daraanan dahil mayroong drayber na nakahawak sa manibela para sa iyo. Sa madaling salita, ang kalayaan ay masaya kang nakaupo at hinahayaan ang Dios na magmaneho para sa atin. Hindi mo ba iyon matatawag na isang kumportableng buhay? Isuko at ipagkatiwala natin sa kalooban ng Dios ang ating buhay.

May mga bahagi ba sa iyong buhay kung saan ikaw ang nagmamaneho sa halip na ang Dios?

Panginoong Jesus, patawarin Mo po ako sa panahon na sinisikap kong patakbuhin ang aking buhay nang ayon sa sarili kong kaparaanan. Ipinagkakatiwala ko at isinusuko sa Iyong kalooban ang aking buhay.

Banal na Kasulatan

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Ang Kalayaang hatid ng Pagsuko

Sinasabi ng mundo na ang kalayaan ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kontrol sa lahat. Ayon naman sa Biblia, ang karunungan ay nagsasabi sa atin na mayroong kalayaan kahit hindi natin kontrol ang lahat. Maaari mong maranasan ang maging malaya sa pag-aalay ng sarili, sa pagsuko, sa pagsunod sa mga tuntunin, sa panandaliang paghinto, at sa paglilingkod sa iba. Paano magkakaroon ng kalayaan sa mga iyon? Tuklasin ang sagot dito.

More

Nais naming pasalamatan ang Our Daily Bread Asia Pacific sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://odb.org