Ang Kalayaang hatid ng PagsukoHalimbawa
UNANG ARAW: IALAY ANG SARILI
Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa Akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. [ MATEO 16:25 ]
“Aming ligaya na ’pag may mang-aapi / Ang mamatay nang dahil sa ‘yo.”
Mula sa pagkabata, inaawit natin ang mga linyang ito nang paulit-ulit hanggang sa tumanim na nga sa ating isipan. Ngunit, para sa libu-libong pinoy na magigiting na kalalakihan at kababaihang nakipaglaban para sa kalayaan ng ating bansa, ang mga linyang iyon ay hindi lamang nasa kanilang isipan. Sa halip, isinabuhay nila ang mga salitang iyon. Namatay nga sila. Inialay nila ang kanila sarili nang kusang-loob. At dahil sa ginawa nila, mabubuhay sila sa kasaysayan ng Pilipinas. Sino nga ba sa ating mga pinoy ang hindi nakikilala sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, Melchora Aquino, at Gabriela Silang?
Nabubuhay sa ating mga alaala ang kanilang mga pangalan dahil sa kanilang mga sakripisyong ginawa. Gayon pa man, may mas higit na sakripisyo na tunay na humahantong para mabuhay ka. Ito ang pag-aalay ng Panginoong Jesus ng Kanyang buhay. Ang kamatayan na humahantong sa buhay na walang hanggan sa lahat ng magtitiwala kay Jesus. Sa Aklat ni Mateo, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na daranas Siya ng pagdurusa at mamamatay (Mateo 16:21). Nang marinig ito ni Apostol Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan, “Panginoon, huwag po sanang ipahintulot ng Dios. Hindi ito dapat mangyari sa Inyo” (tal. 22). Pero sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito” (tal. 25).
Kung gusto nating mabuhay, kailangang mamatay ang ating sarili. Ang tinutukoy na ‘mamatay ang sarili’ dito ay hindi na tayo magpapasya nang ayon sa ating sariling kagustuhan kundi para sa Dios at iniisip natin ang kapakanan ng iba. Pero, bakit kaya gusto ng Dios na ialay natin ang ating mga sarili? Kung Siya ay Dios at nasa Kanya ang lahat, bakit kailangan Niyang kunin ang mumunting "sarili" na ating pinahahalagahan? Dahil kapag nangyari iyon, tuluyang makakapanirahan si Jesus sa ating buhay. Sinabi ni Apostol Pablo, “Namatay akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay sa aking sarili, kundi si Cristo na” (Galacia 2:20 ASND).
Kaya naman, sa halip na tingnan na malaki ang mawawala sa atin kapag inialay ang ating sarili sa Dios, tingnan natin ito sa paraan na malaki ang tinanggap nating pagpapala dahil nakay Cristo na tayo. At kung nasa atin si Cristo, ano pa ba ang gusto natin?
Nahihirapan ka bang isipin ang kapakanan ng iba bago ang iyong sarili? Paano mo maipapakita kay Jesus na ang iyong buhay ay hindi na sa iyo, at nasa Kanya na?
Dios Ama, patawad po dahil madalas kong nakakalimutan na si Jesus ang Siyang pinakakailangan ko at makakapagbigay ng buhay sa akin. Tulungan Mo akong ialay ang aking sarili, pasanin ang aking krus, at magtiwala kay Jesus sa bawat araw.
Pagbulayan Natin
Ang pagtanggi sa ating sarili at isipin ang kapakanan ng iba ay hindi isang beses na pagkakataon lamang na mangyayari sa atin buhay. Sa halip, isa itong araw-araw na labanan na dapat nating mapagtagumpayan. Kaya naman, narito ang How Can I Change for the Better?—isang babasahin upang matulungan tayong harapin ang mga kahinaan at kabiguan sa ating buhay. Hayaan natin ang Dios na kumilos sa ating buhay. Nang sa gayon, mabago tayo nang ayon sa Kanyang kalooban.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sinasabi ng mundo na ang kalayaan ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kontrol sa lahat. Ayon naman sa Biblia, ang karunungan ay nagsasabi sa atin na mayroong kalayaan kahit hindi natin kontrol ang lahat. Maaari mong maranasan ang maging malaya sa pag-aalay ng sarili, sa pagsuko, sa pagsunod sa mga tuntunin, sa panandaliang paghinto, at sa paglilingkod sa iba. Paano magkakaroon ng kalayaan sa mga iyon? Tuklasin ang sagot dito.
More
Nais naming pasalamatan ang Our Daily Bread Asia Pacific sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://odb.org