Walang IkinababalisaHalimbawa

Ang Kapayapaan ng Diyos ang Mag-iingat sa Iyong Puso
Kapag inilalarawan ng mga marinero ang isang unos na walang sinumang mandaragat ang makakatakas, tinatawag nila itong "perpektong bagyo." Hindi perpekto sa diwa na huwaran, kundi perpekto sa diwa ng pinagsama-samang mga kadahilanan. Ang lahat ng mga elemento, katulad ng hanging sinlakas ng buhawi at malamig na simoy at pagbuhos ng ulan ay nagtutulungan upang lumikha ng hindi malalampasang sakuna. Ang mga hangin lamang pa ay isa ng hamon—ngunit ang mga hangin at lamig at ulan? Ang perpektong pormula para sa kapahamakan.
Hindi mo kailangang maging isang marinero upang maranasan ang isang perpektong bagyo. Sa katunayan, walang alinlangan na nakaharap mo na ang ilan sa iyong buhay. Ang pagkatanggal sa trabahoat pagbagsak ng ekonomiya. Isang karamdaman at pagbabago ng trabaho. Ang pagkasira ng relasyon at hindi pagkatanggap sa kolehiyo. Isang biglaang pagkawala at isang hindi inaasahang pangyayari na nagbabanta sa iyong hinaharap. Isa-isa, ang mga elementong ito ay maaaring maisaayos. Ngunit, magkakasama, ang mga ito ay talagang mabigat. Sapat na upang ikaw ay mag-isip, Mabubuhay pa ba ako?
Ang sagot ni Pablo sa tanong na iyan ay malalim ngunit maiksi. Kapag iniharap mo ang iyong mga kahilingan sa Diyos nang may pasasalamat, "ang kapayapaan ng Diyos . . . ang mag-iingat sa inyong puso” (Mga Taga-Filipos 4:7 RTPV05). Sa madaling salita, habang ginagawa mo ang iyong bahagi at pinapakawalan ang iyong alalahanin sa Diyos, ginagawa Niya ang Kanyang bahagi sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyo ng Kanyang perpektong kapayapaan. Dapat kang mag-alala . . . ngunit hindi ka nag-aalala. Dapat kang magalit . . .ngunit kalmado ka. Ang kapayapaan ng Diyos ay higit pa sa lahat ng lohika, balakin, at pagsisikap na ipaliwanag ito.
Nang si Pablo ay maharap sa isang "perpektong bagyo" sa dagat sinabi niya sa mga mandaragat, "Nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel ng Diyos, ang Diyos na sinasamba ko at pinaglilingkuran. Sinabi niya sa akin, ‘Huwag kang matakot, Pablo. . . . ililigtas ng Diyos ang lahat ng mga kasama mong naglalakbay.'" (Mga Gawa 27:23–24 RTPV05). Sa lumulubog na barko, nagpadala ang Diyos ng mga anghel upang tumulong kay Pablo. Ganoon din ang gagawin Niya para sa iyo. Hindi gaya ng sanlibutan, ang Kanyang kayamanan ay walang limitasyon at ang Kanyang kapayapaan ay pangmatagalan.
Marahil ay maraming beses ka nang nanalangin at wala kang narinig. Huwag sumuko! Mapanatag sa katotohanan na kung paanong ang Diyos ay nagpadala ng mga anghel upang protektahan yaong mga nababasa mo sa Biblia, magpapadala Siya ng Kanyang mga anghel upang protektahan ka—kahit na patuloy na magngalit ang iyong bagyo. Nang ibinigay mo sa Kanya ang iyong buhay, tinanggap ka Niya sa Kanyang pamilya bilang isang minamahal na anak. Mayroon Siyang layunin para sa iyong mga araw, at inaanyayahan ka Niya na makibahagi sa pagsasakatuparan ng Kanyang kalooban sa mundo. Gagamitin Niya ang mga bagyo upang lumago ang iyong pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya.
Kapag hinahanap mo ang Panginoon, masusumpungan mo Siya. Kaya hanapin muna Siya. Manguna na may pagsamba at pasasalamat. Pumunta muna sa iyong Ama sa panalangin at papuri. Ikumpisal sa Kanya ang iyong mga takot. Magtipon kasama ang Kanyang bayan. Humarap sa Diyos. Humingi ng tulong. Aminin ang iyong kahinaan. Pagkatapos, sa sandaling kumilos ang Diyos, humakbang at kumilos na kasama Niya.
Asahan na makita ang Diyos ng lahat ng panahon na nakikipaglaban para sa iyo. Siya ay malapit, kasing lapit ng iyong susunod na hininga. Maaaring humaharap ka sa perpektong bagyo, subalit si Jesus ay nag-aalok ng perpektong kapayapaan.
Tumugon
Ano ang ilan sa mga "perpektong bagyo" na nakaharap mo sa iyong buhay? Bakit nagiging napakahirap ng mga ito?
Sa anong mga paraan na ang kapayapaan ng Diyos ay naiiba sa uri ng kapayapaan na iniaalok ng sanlibutan?
Anong proteksyon ang kailangan mo na ibigay ng Diyos ngayon? Paano mo maipapahayag ang iyong pagtitiwala sa kakayahan ng Diyos na pangalagaan ka sa gitna ng mga mahihirap na kalagayan na ito?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Siniyasat ng sikat na manunulat na si Max Lucado ang plano ng Diyos para sa paggamot sa kabalisahan na matatagpuan sa Mga Taga-Filipos 4:4-8. Habang sinusunod mo ang resetang ito – ang pagdiriwang ng kabutihan ng Diyos, paghingi ng tulong sa Kanya, pagpapaubaya ng iyong mga alalahanin sa Kanya, at pagbubulay-bulay ng mga mabubuting bagay – mararanasan mo ang kapayapaan ng Diyos. Bagaman bahagi ng buhay ang kabalisahan, hindi dapat itong nangingibabaw sa iyong buhay.
More