Walang IkinababalisaHalimbawa

Magalak Lagi sa Panginoon
Ang kabalisahan ay isang umuulang bulalakaw ng mga paano kung. Paano kung hindi ako makapagbenta? Paano kung hindi namin kayang magbayad ng braces para sa mga bata? Paano kung ang aking mga anak ay may hindi pantay-pantay na mga ngipin? Paano kung ang hindi pantay-pantay na mga ngipin ay pumigil sa kanila na magkaroon ng mga kaibigan . . .ng karera . . .ng asawa? Ang kabalisahan ay pamumuhay sa isang maliit na antas na may kasamang malalaking alalahanin.
Ang iyo bang puso ay nabibigatan sa pag-aalala? Maaari ka bang maging kalmado? Kung gayon, hindi ka nag-iisa. Ang mapagtagumpayan ang kabalisahan at pag-aalala ay nangangailangan ng ilang pagsisikap sa iyong parte, ngunit hindi kalooban ng Diyos na mamuhay ka sa walang hanggang pagkabalisa. Mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak. Siya ang nangangasiwa sa iyong mundo. Sinusubaybayan Niya ang iyong buhay.
Sa Mga Taga-Filipos 4:4, nag-aalok si Pablo ng kung ano ang maaaring ituring na isang "reseta" para sa kabalisahan at mga pag-aalala. Kapansin-pansin, ang resetang ito ay nagsisimula sa isang tawag na "magalak lagi sa Panginoon." Ginamit ni Pablo ang bawat kasangkapan sa kahon sa talatang ito upang makuha ang pansin ng mga mambabasa. Una, gumagamit siya ng pandiwa upang marinig nila, "tuloy-tuloy, palagi na magalak!" At kung ang pandiwa ay hindi sapat, inalis niya ang petsa ng pagtatapos nito: "Magalak sa Panginoon lagi.” At kung hindi pa iyon sapat, inulit niya ang utos: “Muli kong sasabihin, magalak kayo!”
Ngunit, paano mo susundin ang utos na ito? Sa pamamagitan ng pagkilala sa kapangyarihan ng Diyos. Ang mga taong stressed ay mahilig magkontrol. Habang sinisikap nilang kontrolin ang mundo, mas napagtatanto nila na hindi nila ito magagawa. Ang buhay ay nagiging isang siklo ng kabalisahan, kabiguan; kabalisahan, kabiguan; kabalisahan, kabiguan. Ngunit kung kinikilala mo na ang langit ay may isang tronong inookupahan, pinapayagan mo ang Panginoon na magkaroon ng kontrol. Pagkatapos pakakalmahin ng Diyos ang iyong mga takot hindi sa pamamagitan ng pag-aalis ng problema, kundi sa pagpapahayag ng Kanyang banal na kapangyarihan at presensya. Ang iyong kabalisahan ay nababawasan habang ang iyong pang-unawa sa Diyos, na iyong Ama ay nadadagdagan.
Sa susunod na matakot ka sa hinaharap, magalak sa kapangyarihan ng Panginoon. Magalak sa nagawa Niya. Magalak dahil nagawa Niya ang hindi mo magagawa. Punuin ang iyong isip ng mga kaisipan tungkol sa Kanya. Kung saan nakikita ng iba ang problema ng sanlibutan at pinipilipit ang kanilang mga kamay, tingnan ang mga problema at lumuhod. Sadyaing iangat ang iyong isipan sa mga kaisipan tungkol sa iyong hari. Huwag kang pasasaklob sa iyong mga problema. Maniwala na ang magagandang bagay ay mangyayari. Suriin kung ano ang nagpapanatili sa iyong paniniwala, at tiyakin na ang iyong paniniwala sa Diyos ay batay sa pagtitiwala na Siya ang may kontrol.
Tandaan din na pinalaya ka ng Diyos mula sa pagkakasala at lusak ng panghihinayang na maaaring maging sanhi ng iyong kabalisahan. Ang hindi nalutas na pagkakasala ay magagawa kang maging isang tao na nagtatago, tumatakas, tumatanggi, at nagkukunwari. Ang pagkakasala ay maaaring humigop ng buhay sa iyong kaluluwa. Ngunit pinanumbalik ng biyaya ang buhay na iyon at pinahihintulutan kang magtiwala sa kapatawaran ng Diyos. Ang resulta ay ang kakayahang magalak na walang hanggan, nagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos.
Ang mga kamay ng iyong Ama ay bukas, kaya't lubusang ilagay ang iyong sarili sa Kanyang pangangalaga. Habang ginagawa mo, makikita mo na ito ay posible—oo, posible!—na huwag mabalisa sa anumang bagay.
Tumugon
Paanong ang kagalakan ay isang pagpili? Ano ang hitsura sa iyo ng kagalakan sa Panginoon?
Paano mo ilalarawan ang iyong pagtitiwala sa pagkokontrol ng Diyos sa iyong buhay? Ano ang ilang mga paraan na nakita mo na gumagawa ang makapangyarihang kamay ng Diyos sa iyong buhay?
Paanong ang paggugol ng bawat araw sa presensya ng Diyos ay makatutulong sa iyo na magalak sa Panginoon lagi?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Siniyasat ng sikat na manunulat na si Max Lucado ang plano ng Diyos para sa paggamot sa kabalisahan na matatagpuan sa Mga Taga-Filipos 4:4-8. Habang sinusunod mo ang resetang ito – ang pagdiriwang ng kabutihan ng Diyos, paghingi ng tulong sa Kanya, pagpapaubaya ng iyong mga alalahanin sa Kanya, at pagbubulay-bulay ng mga mabubuting bagay – mararanasan mo ang kapayapaan ng Diyos. Bagaman bahagi ng buhay ang kabalisahan, hindi dapat itong nangingibabaw sa iyong buhay.
More