Walang IkinababalisaHalimbawa

Hayaang Makita ng Lahat ang Iyong Kahinahunan
Ang hindi nakokontrol na kabalisahan ay maaaring magpakawala ng isang kasing lakas ng bomba na pagsabog ng galit, padalus-dalos na akusasyon, at masidhing paghihiganti laban sa mga taong nasa iyong landas na sa kasamaang palad ay nasa maling lugar at maling panahon. Gaano karaming mga tao na ang nasugatan dahil sa di-mapigilang stress? Sa kabilang banda, gaano karaming mga sakuna ang naiwasan dahil ang isang tao ay nagpasiya na maging kalmado?
Ito ang kahinahunan na tinutukoy ni Pablo nang sabihin niya, "Malaman nawa ng lahat ng mga tao ang inyong kahinahunan" (Filipos 4:5 ABTAG-01). Ang salitang Griyego na isinalin bilang kahinahunan ay naglalarawan ng isang ugali na may karanasan at nasa kahustuhan ng gulang. Ipinapalagay nito ang isang saloobin na angkop sa okasyon, kalmado at mapagpigil. Ang malumanay na reaksyon ay ang pagiging matatag, pantay-pantay, at pagiging patas.
Nangako si Jesus na "magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito" (Juan 16:33 RTPV05). Ito ay hindi maiiwasan gaya ng pagsikat ng araw sa isang bagong umaga—gaya ng mga alon na humahampas sa mga baybayin ng isang dalampasigan. Subalit kailangan mo ring tandaan na ipinangako ni Jesus na sasamahan ka sa gitna ng mga kapighatiang iyon. Bago umalis si Jesus sa lupa, sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa . . . turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon" (Mateo 28:19–20 RTPV05).
Sa katunayan sa buong Biblia, paulit-ulit na nangako ang Diyos na makakasama Siya ng Kanyang bayan. Kasama Siya ni Abram nang ito'y naglakbay sa isang bagong lupain. Kasama Siya ni Hagar nang tumakas ito patungo sa ilang, at kasama Siya ni Isaac nang ito'y napilitang magpalipat-lipat ng lugar. Kasama Siya ni Josue nang harapin nito ang mga Cananeo, at kasama Siya ni David nang harapin ang mga Filisteo. Kasama Siya ni Pedro sa bilangguan, at kasama ni Pablo sa anumang panahon at saan man niya nasusumpungan ang kanyang sarili sa mahihirap na kalagayan.
Ang Diyos ay hindi nakamasid mula sa malayo. Sa katunayan, ang Kanyang mismong pangalan ay Immanuel, na nangangahulugang "kasama natin ang Diyos." Siya ay naging tao. Siya ay naging kasalanan. Napagtagumpayan Niya ang kamatayan. At kasama mo pa rin Siya.
Marahil ay nakikipaglaban ka ngayon upang manatiling magkakasama ang iyong pamilya, kumita ang negosyo, o huwag malugi ang paaralan. Kung paano mo haharapin ang laban na iyon ay magpapakita kung saan nakasalalay ang iyong tiwala. Kung ikaw ay nagtitiwala kay Jesus at naniniwala na Siya ay lagi mong kasama, ang resulta ng pagbibigay sa Kanya ng kontrol ay nakakahawang kahinahunan na nakapalibot sa iyong buhay. Ang kahinahunan na ito ay nagpapahintulot sa iyo na makita kung paano gumagawa ang Diyos sa iyong sitwasyon—at mapapansin ng iba na may kakaiba sa iyo. Ito ay magdadala ng kagalingan sa iyong kabalisahan, magpapalawig sa iyong pananampalataya, at maipapakita sa iba na ang Diyos ay laging tapat.
Ang pagkontrol sa kabalisahan ay parang paghugot ng mga puno sa lupa. Ang ilan sa iyong mga alalahanin ay mayroong malalim na sistema ng ugat, at ang pag-aalis sa mga ito ay mahirap na trabaho. Subalit hindi mo kailangang gawin ito nang mag-isa. Ibigay ang hamon sa iyong Ama at humingi ng tulong.
Malulutas ba Niya ang isyu? Oo, magagawa Niya. Malulutas ba Niya ito agad? Siguro. O marahil bahagi ng pagsusulit ay ang mas angat na antas sa pagtitiis. Ito ang tiyak: nakakahawang kahinahunan ang mangyayari sa pagbaling mo sa Kanya.
Tumugon
Sino sa iyong buhay ang pinaka-naaapektuhan ng paraan ng pagtugon mo sa mga nakababahalang sitwasyon?
Paano mo tutukuyin ang salitang kahinahunan? Masasabi mo ba na ang iyong mga tugon sa iba sa mga nakababahalang sitwasyon ay mahinahon? Bakit o bakit hindi?
Paano makatutulong sa iyo ang kaalamang laging nariyan ang Diyos sa iyong mga kalagayan upang mapanatili ang isang nakakahawang kahinahunan?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Siniyasat ng sikat na manunulat na si Max Lucado ang plano ng Diyos para sa paggamot sa kabalisahan na matatagpuan sa Mga Taga-Filipos 4:4-8. Habang sinusunod mo ang resetang ito – ang pagdiriwang ng kabutihan ng Diyos, paghingi ng tulong sa Kanya, pagpapaubaya ng iyong mga alalahanin sa Kanya, at pagbubulay-bulay ng mga mabubuting bagay – mararanasan mo ang kapayapaan ng Diyos. Bagaman bahagi ng buhay ang kabalisahan, hindi dapat itong nangingibabaw sa iyong buhay.
More