Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Walang IkinababalisaHalimbawa

Anxious for Nothing

ARAW 3 NG 5


Iharap mo ang Iyong Mga Kahilingan sa Diyos

Sa Lucas 18:1–8, isinalaysay ni Jesus ang isang parabula tungkol sa isang matiyagang balo na pumunta sa isang di-makatarungang hukom. Lubhang ginagambala ng babae ang hukom kaya sa wakas ay pumayag ito sa kanyang kahilingan para makaalis na siya. Nagwakas si Jesus sa parabula sa pagsasabi, "Ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa mga minamahal niya na dumaraing sa kanya araw-gabi?" (talata 8 RTPV05).

Ano ang gagawin mo sa parabulang ito? Ang Diyos ba ay isang nag-aatubiling hukom? Ikaw ba ang balo na hindi pinapahalagahan? Ang panalangin ba ay isang bagay na paggambala sa Diyos hanggang Siya ay sumuko at ibigay ang iyong gusto? Hindi, ito ay isang parabula ng kaibahan, hindi paghahambing. Ang Diyos ay hindi katulad ng hukom sa kuwento. Siya ay hindi nag-aatubili sa pagsagot sa mga panalangin ng Kanyang bayan. Bilang isang anak ng Hari, maaari kang bumaling sa Kanya sa anumang sandali. Hindi ka Niya iniisantabi o sinasabi sa iyo na tumawag muli sa ibang pagkakataon. Gustong-gusto ng Diyos ang tunog ng iyong tinig. Palagi. Hindi Siya nagtatago kapag tumatawag ka. Naririnig Niya ang iyong mga panalangin.

Ngunit bakit kailangang iharap ang iyong mga kahilingan sa Kanya? Ano ang layunin nito kung alam na Niya kung ano ang hihilingin mo? Ang panalangin ay para sa iyong kapakinabangan. Pinahihintulutan ka nito na kumilos nang may pananampalataya sa kung ano ang alam mo sa Kanyang karakter. Kapag ikaw ay nanalangin sa partikular na paraan—para sa mga detalye ng iyong problema—at nakikita mo ang Diyos na tumutugon sa partikular na mga paraan, ang iyong pananampalataya ay lumalago. Magtitiwala ka na ang Diyos ay laging nandiyan para sa iyo, kahit na sa gitna ng mga sandali na nagdudulot ng kabalisahan.

Ang panalangin ay isang simpleng pakikipag-usap sa iyong Ama sa langit. Inilalagay mo ang iyong mga kabalisahan sa Kanyang mga kamay at pinapaalala mo sa Kanya—at sa iyong sarili—ang mga pangako na ginawa Niya sa Kanyang Salita. Matatagpuan mo ang isang pangako na akma sa iyong problema at bubuuin ang iyong panalangin sa paligid nito. Ang mga panalangin ng pananampalataya ay umaantig sa puso ng Diyos at nagpapakilos sa mga anghel sa langit. Ang mga himala ay naisasagawa. Makakaranas ka ng mas kakaunting kabalisahan; mas maraming pagsusumamo. Mas kakaunting nakakabalisang kaisipan, mas maraming kaisipan na puno ng panalangin.

Ang pagpapasalamat ay ang paraan na ginagamit ng Diyos upang tulungan ka na alisin ang pagtuon sa iyong sarili at ilagay ito sa Kanya. Ang pasasalamat ay isang makapangyarihang sandata laban sa kabalisahan dahil ito ang aakay sa iyo palabas sa lupain ng "kung sana" patungo sa kaharian ng "na." Ang pusong balisa ay magsasabi, “Panginoon, kung sana mayroon ako nito, iyon, o iba pa, magiging okay ako.” Ang mapagpasalamat na puso ay magsasabi, “Panginoon, ibinigay Mo na sa akin ito, iyon, at ang iba pang bagay. Salamat sa Iyong mga pagpapala, O Diyos.”

Ang kasiyahang nakabatay kay Cristo ay magagawa kang isang malakas na tao. Tinutulungan ka nitong mapagtanto na dahil walang sinuman ang maaaring kumuha ng iyong Cristo, walang sinuman ang makakakuha ng iyong kagalakan. Hindi maaaring nakawin ng kabiguan ang iyong kagalakan, dahil mas malaki si Jesus kaysa sa iyong kasalanan. Hindi maaaring nakawin ng mga pagkabigo ang iyong kagalakan, dahil kahit na ang iyong mga plano ay maaaring hindi magtagumpay, ang plano ng Diyos ay palaging magtatagumpay. Hindi mananakaw maging ng kamatayan ang iyong kagalakan, dahil napagtagumpayan na ni Jesus ang mismong kamatayan.

Kung ano ang mayroon ka kay Cristo ay mas malaki kaysa sa anumang wala ka. Mayroon kang Diyos, na kinababaliwan ka, at ang mga puwersa ng langit upang subaybayan at protektahan ka. Mayroon kang buhay na presensya ni Jesus sa loob mo. Kay Cristo nasa iyo ang lahat. Kaya iangkla ang iyong puso sa karakter ng Diyos. Tratuhin ang bawat balisang pag-iisip nang may pasasalamat, at ihanda ang iyong sarili para sa isang bagong araw ng kagalakan.

Tumugon

Naramdaman mo na ba na parang ginagambala mo ang Diyos kapag nananalangin? Paanong ang pagkakilala sa Diyos na sabik na makinig sa iyo ay makakaapekto sa iyong pagnanais na makausap Siya?

Anong gawi ang karaniwang mayroon ka kapag nananalangin ka? Paano magbabago ang iyong mga panalangin kung nakatuon ka sa mga nagawa na ng Diyos sa iyong buhay?

Anong mga nakakabalisang kaisipan ang partikular na ipapanalangin mo ngayon? Paano mo paaalalahanan ang iyong sarili sa katapatan ng Diyos noon habang partikular kang nananalangin sa mga pangangailangan na ito?

Araw 2Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Anxious for Nothing

Siniyasat ng sikat na manunulat na si Max Lucado ang plano ng Diyos para sa paggamot sa kabalisahan na matatagpuan sa Mga Taga-Filipos 4:4-8. Habang sinusunod mo ang resetang ito – ang pagdiriwang ng kabutihan ng Diyos, paghingi ng tulong sa Kanya, pagpapaubaya ng iyong mga alalahanin sa Kanya, at pagbubulay-bulay ng mga mabubuting bagay – mararanasan mo ang kapayapaan ng Diyos. Bagaman bahagi ng buhay ang kabalisahan, hindi dapat itong nangingibabaw sa iyong buhay. 

More

Gusto namin pasalamatan si Max Lucado, Harper Collins, at Thomas Nelson Publishing sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa iba pang impormasyon, bumisita lamang sa: https://www.thomasnelson.com/9780310087311/anxious-for-nothing-study-guide/