Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

7 Bagay na Itinuturo ng Biblia Tungkol sa Pag-aasawaHalimbawa

7 Things The Bible Says About Marriage

ARAW 1 NG 7

Labinsiyam na taon na ang nakalilipas mula noong nakilala ko ang aking asawa at hindi ko iniisip noong mga oras na iyon na,“Wow! Talagang may takot sa Diyos ang babaeng ito.”Kundi, nabighani ako sa kanyang mapulang buhok at nakakahawang ngiti. Napakalayo ng hitsura niya sa akin na pakiramdam ko ay hindi ako nababagay sa kanya. Hanggang ngayon.

Noong dumating ako sa may pintuan para sa una naming blind date, isa akong payatot na nerd na halos hindi makapagsalita sa harap ng pinakamagandang babaeng nakilala ko. At sa kung anumang kadahilanan, minahal niya ako. Paglipas ng mga taon, may mga pagkakataong hindi pa rin ako makapagsalita—hindi lagi dahil sa maningas niyang buhok, kundi dahil sa apoy na nag-aalab sa kanyang kalooban.

Hindi pa rin kumukupas ang kanyang ganda, ngunit natatagpuan ko ang aking sarili na mas lalong naaakit sa kanyang mga katangian—katulad ng pagmamahal niya sa Diyos, sa pagka-di makasarili, at sa kanyang kagandahang-loob. Tingin ko ay iyon ang tinutukoy ni Solomon noong sinabi niyang, “Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda.”Duda akong darating ang panahon na titingnan ko ang aking Shelley at hindi ko siya makikitang maganda. Ngunit natulungan ako ng mga taong lumipas na pahalagahan ang lalim ng tunay na kagandahan sa likod ng kanyang pisikal na anyo.

Kaya kong tingnan ang bawat isa sa aming tatlong anak na babae at makita ang kagandahan ng kanilang ina. Higit pa rito, kaya kong makita ang kaparehong malambing, maka-Diyos na pagkatao na nabubuo sa kanila na siyang nagdudulot sa akin na lalong mahalin ang kanilang ina sa bawat paglipas ng araw. Iyan ang pinakaipinagmamalaki ko bilang isang asawa at ama. Ang asawa ko ay parehas na isang kamangha-manghang biyaya at napakahalagang katuwang sa buhay, at alam ko na ang mga anak namin ay inihahanda ng Diyos para sa isang hinaharap kung saan ang kanilang halaga ay mas masusukat ng kanilang kadalisayan kaysa ng kanilang kaanyuan.

Nasaang punto ka man sa iyong paglalakbay, hindi pa huli upang baguhin mo kung ano ang iyong pinahahalagahan. Ang Diyos ay tumitingin lagpas sa ating panlabas na kaanyuan at Kanyang malalimang sinasaliksik ang kaibuturan ng ating mga puso. Hindi ka makapagkukubli o makapanlilinlang upang tamuhin ang Kanyang pagpapala.

Kaya, ayun. Hindi pa rin ako bagay sa aking asawa. Mas kaaya-aya siyang tingnan kaysa sa akin, panigurado iyon. Ngunit higit pa siya roon. Itinuturo niya sa akin at sa aming pamilya kung ano ang tunay na kagandahan. Itinuturo niya sa akin ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalagayan ng aking puso. Iyan ay isang kapuri-puring katangian na sinisikap kong gawin upang makahabol sa kanya.

Ano ang ginagawa mo upang makapagpalago ng tunay na kagandahan sa loob ng iyong puso?

Michael Martin
YouVersion Web Developer

Banal na Kasulatan

Araw 2

Tungkol sa Gabay na ito

7 Things The Bible Says About Marriage

Sinasabi ng Biblia na kapag nakatagpo ka ng asawa, nakahanap ka ng isang kayamanan. Paano mo mapananatili ang ganoong pakiramdam? At kaya niyo bang patuloy na maging mas malapit sa isa't-isa? Ano ang kinakailangan ng isang maka-Diyos na pag-aasawa upang matupad ang pangako nito? Sa pitong-araw na debosyonal na ito mula sa YouVersion, ibinahagi ng mga kawani ang kanilang mga tugon sa mga tanong na ito at marami pang iba. Bawat araw ay mayroong Bersikulong Larawan na maaari mong ibahagi upang parangalan ang iyong asawa.

More

Ang Gabay na ito ay isinulat at ibinahagi ng pangkat sa YouVersion. Bisitahin ang youversion.com para sa karagdagang impormasyon.