Ang mga Pakikibakang Kinakaharap ng KababaihanHalimbawa
Ang mga Pakikibakang Kinakaharap ng Kababaihan: Pagpapatawad
Ang pakikibaka upang magpatawad ay dumarating sa iba't-ibang anyo at hugis...ang kamusmusan o pagkainosenteng nawala sa iyo, ang pag-angat sa trabaho na pakiramdam mo ay nararapat sa iyo, o ang walang hanggang kaligayahan na pinangarap mo.
Ang pagpapatawad ay nangangahulugan ng pagpapalaya sa isang tao mula sa kanyang pagkakautang. Kadalasan, ito ay isang utang na kahit naisin ng nagkasala, ay hindi niya mababayaran.
Gayunpaman, ang Diyos sa Kanyang walang hanggang karunungan ay inuutusan akong magpatawad. Bakit nanaisin ng Diyos na ang taong nakasakit sa akin ay “makatakas” sa kanyang ginawa sa akin? Sapagkat alam Niyang ang hindi pagpapatawad ay ginagawa akong isang bilanggo. Ang hindi pagpapatawad at pagkamuhi ay nakasasama sa akin, at hindi sa nagkasala sa akin. Sinasabi ng kasulatan na ang pagkamuhi ay nagpaparumi sa atin at ginagawa tayong alipin ng kasalanan. Hindi tayo apektado sa espirituwal na antas lamang, kundi maging sa pisikal din. Ipinapakita ng mga pag-aaral na ang pagkikimkim ng hindi pagpapatawad, galit at poot ay nakapagdudulot sa ating mga katawan ng pagkabalisa at kapaguran, mataas na presyon ng dugo, mahinang immune system, at mataas na posibilidad ng depresyon.
Pinapayuhan ni Pablo ang mga taga-Efeso na huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo. Ang diyablo na tinutukoy sa kasulatan ay isinalin sa salitang “mapanirang-puri”. Sinasabi ni Andy Stanley na kapag hindi tayo nagpapatawad, binibigyan natin ang taong nagkasala ng isang malaking bahagi sa buhay natin. Maaaring nakalimutan na ng taong ito ang nagawa sa atin, ngunit patuloy nating dinadala hanggang sa hinaharap ang taong ito kapag hindi tayo nagpapatawad. Kaya tinanong niya, “Gaano katagal mo pang hahayaan na diktahan ng taong nagkasala sa iyo ang iyong hinaharap?”
Hindi ibinibigay ang pagpapatawad batay sa ginagawa ng taong nagkasala. Ito ay kusang-loob na ibinibigay, kung paanong tayo ay kusang-loob na pinatawad ni Cristo. Ito ay walang pasubali at iisa ang pinagmulan. Ito ay nararapat mayroon man o walang pagkakasundong maganap.
Kaya, paano ako magpapatawad?
- Magdesisyong magpatawad.
- Maging tiyak. Ilista ang lahat ng sa palagay mo ay nawala sa iyo dulot ng taong nagkasala sa iyo.
- Manalangin na tulungan ka ng Diyos.
- Magpasyang wala nang pagkakautang o pagkukulang sa iyo ang taong nagkasala.
- Piliing tahakin ang landas ng pagpapatawad sa araw-araw.
“Ang pagpapatawad ay pagpapalaya ng isang bilanggo at ang pagkatuklas na ang bilanggo ay ikaw pala mismo.” - Lewis B Smedes
Tungkol sa Gabay na ito
Sa pitong-araw na debosyonal na ito, tuklasin kung paano kang magiging handa sa mga laban na kinakaharap natin sa araw-araw. Ang seryeng Ang Mga Pakikibakang Kinakaharap ng Kababaihan ay tatalakay ng mga paksa mula sa mga hangganan hanggang sa pagkabahala at magbibigay ng mga katotohanang nakasaad sa Biblia at mga praktikal na paglalapat upang tulungan kang lumakad sa katagumpayan.
More