Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa KabanalanHalimbawa

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa Kabanalan

ARAW 7 NG 7

1 Pedro 4:1–5, 12-16

Dahil naghirap si Cristo sa katawang-tao niya, dapat ay handa rin kayong maghirap. Sapagkat hindi na gumagawa ng kasalanan ang taong nagtitiis ng hirap. Hindi na siya sumusunod sa masasama niyang ugali kundi sumusunod na siya sa kalooban ng Diyos. . . .
Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na nararanasan ninyo. Kapag sinusubok ang inyong pananampalataya, huwag ninyong isipin kung ano na ang mangyayari sa inyo. Sa halip, magalak kayo dahil nakikibahagi kayo sa mga hirap ni Cristo. At magiging lubos ang kagalakan n’yo kapag naipakita na niya ang kapangyarihan niya sa lahat. Kaya kung iniinsulto kayo dahil mga tagasunod kayo ni Cristo, mapalad kayo dahil nasa inyo ang makapangyarihang Espiritu, ang Espiritu ng Diyos. Kung pinarusahan man kayo, sana’y hindi dahil nakapatay kayo ng tao, o nagnakaw, o nakagawa ng masama, o kaya’y nakialam sa ginagawa ng iba. Ngunit kung pinarusahan kayo dahil Cristiano kayo, huwag kayong mahiya; sa halip ay magpasalamat kayo sa Diyos dahil tinatawag kayo sa pangalang ito.

Karagdagang Babasahin: Salmo 34:19–22; Zacarias 13:9; Mateo 5:10–12; Juan 15:18–21; Mga Gawa 5:40–42; 1 Pedro 1:7

Ginto ang isa sa pinakamahalagang metal sa mundo, ngunit kapag minimina ito, madalas ay may kasama itong ibang mga mineral. Para mailabas ang pinakamataas nitong halaga (purong ginto), dapat ay gawin itong pino sa pamamagitan ng apoy na tutunaw at maghihiwalay dito sa anumang dumi na magpapababa ng halaga nito. Kung ang ginto ay mahalaga, higit na mas mahalaga ang ating pananampalataya at dumaraan din ito sa parehong proseso ng pagpino.

Sinasabi sa 1 Pedro 1:7 na ang ating pananampalataya ay dadaan sa mga pagsubok para mapatunayan kung ito ay tunay. Sa kabuuan ng liham na ito, itinuturo ni Pedro na kabilang sa tawag ng kabanalan ang pagsasama-sama ng komunidad ng mga Kristiyano, pagkakaroon ng personal na pagsubok, pangangailangan ng tamang pag-uugali, pagkakatatag sa kahalagahan ng krus, at paghingi ng dedikasyon. Sa kabanata 4, ipinakita niya na dadalhin tayo ng kabanalan sa isang matinding pagsubok.

Hindi tayo makakaiwas sa apoy dahil lamang sa Kristiyano tayo, ngunit hindi tayo madidikitan ng apoy dahil sa pag-asang galing sa ebanghelyo. Habang humaharap tayo sa mga pagsubok, napapalapit tayo kay Cristo at nakakaranas tayo ng ginhawa dahil Siya rin ay nagdusa.

Kung haharap tayo sa mga matinding pagsubok dahil tayo ay ibinukod para kay Cristo, makakatanggap tayo ng pagpapala sa huli. Sa buhay mang ito o sa susunod, ang mahalaga ay laging tutuparin ng Diyos ang mga pangako Niya. Kahit na subukan pa tayong hikayatin ng kultura, media, mga kaibigan natin, o kahit ng ating pamilya na tanggapin kung ano ang “karaniwang pamantayan,” dapat nating pagsikapang mamuhay nang naiiba at araw-araw nating hayaan ang Diyos na baguhin ang ating isip para maipamuhay natin ang tawag ng kabanalang itinakda Niya para sa atin.

Kahit sa ating pagdurusa, maaari tayong magalak dahil nasa atin “ang makapangyarihang Espiritu, ang Espiritu ng Diyos.” Bilang mga itinalagang mamamayan ng Diyos, hindi nakapagtatakang daraan tayo sa mga matinding pagsubok sa buhay na magpapapino sa ating pananampalataya. Ituon natin ang ating paningin sa pagpapalang naghihintay sa atin at magtiwala tayong kumikilos ang Diyos kahit sa kalagitnaan ng ating pagsubok. Nawa’y matagpuan natin ang kalakasan kay Cristo, dahil batid natin na makikibahagi tayo sa walang hanggan Niyang kaligayahan at kaluwalhatian.

Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na nararanasan ninyo. Kapag sinusubok ang inyong pananampalataya, huwag ninyong isipin kung ano na ang mangyayari sa inyo. Sa halip, magalak kayo dahil nakikibahagi kayo sa mga hirap ni Cristo. At magiging lubos ang kagalakan n’yo kapag naipakita na niya ang kapangyarihan niya sa lahat.

Pag-isipan: Ano ang mga uri ng matinding pagsubok na pinagdaanan mo sa iyong pamumuhay para kay Cristo? Ipinagpapasalamat mo ba ang mga ito?

Pag-isipan: Paano mo naramdamang pinalakas ka ng Diyos sa pamamagitan ng paghihirap?

Faith Step

Maglaan ng panahon upang pasalamatan ang Diyos sa anumang pagsubok na kinakaharap mo. Purihin Siya ngayon para sa lakas at gabay habang pinagdaraanan mo ang anumang pagsubok na maaaring dumating sa iyong buhay.

Panalangin

Aking Diyos, salamat sa pagsama sa akin sa bawat pagsubok. Ikaw ang aking kanlungan at kalakasan, ang laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan. Ipinagkakaloob Mo ang kapayapaan sa gitna ng kahirapan at kalakasan para magpatuloy. Tuwing may pagdududa, punuin Mo ako ng katiyakan ng Iyong katapatan. Magagalak ako kahit pa dumaranas ako ng mga paghihirap, dahil natututo akong magtiis, napapabuti ang aking pagkatao, at napupuno ako ng pag-asa. Nagtitiwala ako na habang nakikibahagi ako sa pagdurusa ni Cristo, nakikibahagi rin ako sa walang hanggan Niyang kaligayahan at ako’y nagiging banal upang luwalhatiin ang Kanyang pangalan. Idinadalangin ko ito sa pangalan ni Jesus, amen.

Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa Kabanalan

Sa simula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Sa panahong ito, tingnan natin kung paano tayo tinawag ng Diyos na tanggapin ang Kanyang biyaya upang tayo ay maging banal at mamuhay para kay Cristo.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/