Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa KabanalanHalimbawa

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa Kabanalan

ARAW 2 NG 7

1 Pedro 2:4-9

Siya ang batong buhay na itinakwil ng mga tao pero pinili ng Diyos at mahalaga sa paningin niya. At habang lumalapit kayo sa kanya, kayo na tulad din ng batong buhay ay itinatayo ng Diyos bilang isang gusaling espiritwal. At bilang mga banal na paring pinili ng Diyos, nag-aalay kayo sa kanya ng mga espiritwal na handog na kalugod-lugod sa kanya dahil ginagawa n’yo ito sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. . . .
Ngunit kayo’y mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Diyos. Pinili kayo ng Diyos na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan.

Mga Karagdagang Babasahin: Exodus 19:5–6; Deuteronomio 7:6; Isaias 28:16; Hosea 2:23; Malakias 3:16–18; Mga Taga-Efeso 2:11–13; Mga Hebreo 10:24–25; Pahayag 5:10

Sa Lumang Tipan, ang templo ay ang lugar kung saan nananahan ang Diyos. Binukod ito at nilinis para sa pagsamba kay Yahweh. Ngunit ipinakita sa atin ni Pedro na tayo, ang mga mamamayan ng Diyos, ay ibinukod at itinalaga para sa pagsamba sa Kanya. Sama-sama tayong binubuo bilang isang tahanang espiritwal, isang maharlikang paring nagbibigay-daan sa presensya ng Diyos nasaan man tayo. Ang komunidad ng kabanalan ay mga itinalagang mamamayan ng Diyos, pinuspos ng Kanyang presensya upang ipahayag ang perpekto Niyang kabutihan.

Dahil tayo ay ginawang banal at ibinukod ng Diyos, tinawag tayong mamuhay sa paraang makikita ng iba ang Kanyang kapangyarihang bumabago sa atin. Bilang Kanyang “espiritwal na tahanan,” inaasahang maging iba ang ating pamumuhay at pagkilos upang tayo ay maging saksi ng kabutihan ng Diyos at upang tawagin din ang iba mula sa kadiliman, hindi lamang sa pamamagitan ng indibidwal nating buhay kundi pati bilang isang Iglesya.

Kung tutuparin natin ang tawag na ito, mahalagang-mahalaga ang pagiging bahagi ng isang lokal na iglesya. Sa 1 Pedro 1:22–23, sinabihan ni Pedro ang mga mambabasa niya na mahalin ang isa’t isa at ipaalala sa kanila ang kahalagahan ng sama-samang pagsunod sa Salita. Gaya ng pagdidikit-dikit sa mga hiwahiwalay na bato upang makabuo ng isang matibay na istruktura, tinatawag tayo bilang mga mananampalataya na suportahan at palakasin ang isa’t isa. Sa ating pagkakaisa, maipapakita natin ang pag-ibig ni Cristo sa mundo.

Ang ibig sabihin ng pagiging ibinukod ay naiiba tayo sa mundong nakapaligid sa atin, at bilang Iglesya, isang katawang binubuo ng mga mananampalataya, kailangang maging kapansin-pansin tayo sa ating komunidad. Kailangang maging tanglaw ng pag-asa ang bawat lokal na iglesya dahil sa ginawa ng Diyos sa atin. Kapag nagsasama-sama ang mga mananampalataya upang sumamba at manalangin, asahan nating makakakita tayo ng pagbabago sa mga pamilya, lungsod, at bansa sa pamamagitan ng ebanghelyo.

Pinili ng Diyos ang Kanyang Iglesya, na maging isang maharlikang pari at banal na bayan. Binukod tayo ng Diyos para sa Kanyang banal na layunin. Ang tungkulin natin ay ipahayag ang Kanyang kabutihan sa mundong sabik sa layunin at pag-asa. Sa pamamagitan ng mga buhay natin na binago Niya, tayo ay nagiging buhay na patotoo ng kapangyarihan at kabutihan ng Diyos.

Ngunit kayo’y mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Diyos. Pinili kayo ng Diyos na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahangahanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan.

Pag-isipan: Isipin ang mga mananampalataya na naging mahalagang bahagi ng pamumuhay mo kay Cristo. Maglaan ng panahon upang pasalamatan ang Diyos sa paglagay sa kanila sa iyong buhay.

Pag-isipan: Paano mo magagamit ang mga kaloob at talentong ibinigay ng Diyos upang mapaglingkuran mo ang iyong lokal na iglesya?

Faith Step

Isulat ang ilang paraan kung paano ka aktibong makikibahagi sa iyong lokal na iglesya.

Panalangin

Ama sa Langit, salamat dahil pinili Mo kami at ibinukod para sa Iyong mga layunin. Salamat sa pribilehiyong maging bahagi ng Iyong Iglesya. Tulungan Mo kaming pahalagahan ang natatanging tungkulin ng bawat miyembro at sama-samang kumilos nang may pagkakaisa. Kumilos Ka sa aming mga puso upang patuloy kaming magsama-sama at patuloy naming hikayatin ang isa’t isa sa pagmamahalan at kabutihan. Gamitin Mo kami upang magdala ng pag-asa, kagalingan, at pagbabago sa mundo. Pinadala Mo kami bilang liwanag sa kadiliman; nawa’y patuloy kaming magpahayag ng papuri at umakay ng mga tao tungo sa Iyo. Sa pangalan ni Jesus, amen.

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa Kabanalan

Sa simula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Sa panahong ito, tingnan natin kung paano tayo tinawag ng Diyos na tanggapin ang Kanyang biyaya upang tayo ay maging banal at mamuhay para kay Cristo.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/