Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa KabanalanHalimbawa
1 Pedro 1:13–16
Kaya lagi kayong maging handa na gawin ang kalooban ng Diyos. Magpakatatag kayo at lubos na umasa na matatanggap n’yo ang mga pagpapalang ibibigay sa inyo kapag dumating na si Jesu-Cristo. Bilang masunuring mga anak ng Diyos, huwag kayong padadala sa masasamang hilig ninyo noong hindi pa kayo nakakakilala sa Diyos. Banal ang Diyos na tumawag sa inyo, kaya dapat magpakabanal din kayo sa lahat ng ginagawa ninyo. Sapagkat sinasabi ng Diyos sa Kasulatan, “Magpakabanal kayo dahil banal ako.”
Karagdagang Babasahin: Leviticus 11:45, 20:26; Mga Bilang 15:37–41; Deuteronomio 6:4-9; Isaias 6:1–7; Mateo 22:34–40
Banal ang Diyos sa lahat ng Kanyang pamamaraan, ibang-iba ang Kanyang esensiya at katangian. Ano ang ibig sabihin para sa atin ng pagiging banal? Bilang mga mambabasa sa ika-dalawampu’t isang siglo, madali para sa atin ang sabihin na ang salitang “banal” ay ang pagkakaroon ng mga pag-uugaling inaasahan ng Diyos na mabubuo natin. Ngunit ang salitang Hebreo para sa banal ay “qadosh,” na ang ibig sabihin ay itinalaga, pinabanal, inihandog, inilaan, at ihiniwalay mula sa mundo.
Ang tawag ng Diyos tungo sa kabanalan ay higit pa sa pagbabago ng ating kilos o isang pamantayan na dapat maabot: isa itong tawag na umasa sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus upang lubusan tayong magbago at mamuhay nang natatangi.
Sa kanyang liham, sumulat si Pedro para sa mga Kristiyanong dumaraan sa pag-uusig. Para sa maraming tao noon, mapanganib ang mga Kristiyano dahil hindi sila sumusunod sa mga karaniwang pag-uugali sa mundo at namumuhay sila nang salungat sa kultura sa kanilang paligid. Sa kabila ng mga nangyayari sa kanila at sa paligid nila, hinikayat sila ni Pedro na maging banal, panghawakan ang kanilang pananampalataya, at patuloy na mamuhay sa paraang naiiba.
Sa ika-14 na talata, ipinaalala niya sa kanila na sila rin ay minsang nabuhay sa kadiliman, pero tinubos sila ni Cristo at binago Niya ang kanilang pagkakakilanlan. Ginawa silang natatangi, tinawag na maging banal at mamuhay para kay Cristo. Tunay na binabago ni Jesus ang pagkakakilanlan natin at tinutulungan Niya tayong mamuhay nang banal.
Dapat nating hangaring maging banal. Gayunpaman, hindi lamang ito isang bagay na hinahangad. Makakamit natin ito kapag umasa tayo kay Cristo. Sa pamamagitan lamang ni Jesus mababago ang ating pagkakakilanlan, at sa pamamagitan lamang Niya tayo makakapamuhay nang naiiba sa mundong nakapaligid sa atin. Hindi madali ang tawag na maging banal, pero kinakailangan ito. Ito ay isang tawag ng pagtanggap sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus at pagpapahintulot sa Kanya na baguhin tayo. Ang kabanalan ay hindi lamang isang bagay na dapat nating makamit. Ito ay likas na aspeto ng ating pagkakakilanlan bilang mga mananampalataya. Tinawag tayo para maibukod.
Banal ang Diyos na tumawag sa inyo, kaya dapat magpakabanal din kayo sa lahat ng ginagawa ninyo. Sapagkat sinasabi ng Diyos sa Kasulatan, “Magpakabanal kayo dahil banal ako.”
Pag-isipan: Pag-isipan ang isang pagkakataon kung kailan mo unang nalaman ang biyaya ng Diyos at una mong tinanggap si Jesus bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas.
Pag-isipan: May mga bahagi ba ng buhay mo kung saan nahihirapan kang mamuhay nang “naiiba” sa mundo?
Faith Step
Maglaan ng panahon sa pananalangin para pasalamatan ang Diyos sa biyaya Niya at sa tawag Niyang maging banal.
Panalangin
Ama sa Langit, karapat-dapat Kang tumanggap ng aking papuri’t pagsamba. Kung gaano kalayo ang langit sa lupa, ganoon din kalayo ang Iyong pamamaraan at pag-iisip kaysa sa akin. Itinatalaga ko ang aking sarili sa Iyo, nasa isipan ko ang mga gawa ng Inyong kamay at ang kagandahan ng ebanghelyo. Salamat at ihiniwalay Mo ako at itinuring na sa Iyo at sa pagtawag sa akin na maging banal. Panginoon, tulungan Mo ang puso kong luwalhatiin Ka para masalamin ko ang Iyong kaluwalhatian sa mga tao sa aking paligid. Sa ngalan ni Jesus, amen.
Tungkol sa Gabay na ito
Sa simula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Sa panahong ito, tingnan natin kung paano tayo tinawag ng Diyos na tanggapin ang Kanyang biyaya upang tayo ay maging banal at mamuhay para kay Cristo.
More
Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/