Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa KabanalanHalimbawa

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa Kabanalan

ARAW 6 NG 7

1 Pedro 3:13–16

Sino ang gagawa ng masama sa inyo kung laging mabuti ang ginagawa n’yo? Pero kung usigin kayo dahil sa kabutihang ginagawa n’yo, mapalad kayo. Huwag kayong matakot o mag-alala sa ano mang gawin nila sa inyo. Alalahanin n’yo na si Cristo ang dapat ninyong parangalan at sundin. Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo. At maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagsagot. Tiyakin ninyong laging malinis ang inyong konsensya, para mapahiya ang mga taong minamasama ang mabubuti ninyong gawa bilang mga tagasunod ni Cristo.

Hinikayat ni Pedro ang kanyang mga mambabasa na patuloy na panghawakan ang kanilang pananampalataya sa gitna ng pambabatikos at pang-uusig. Sinabihan niya silang huwag magpadala sa mga kulturang nakapaligid sa kanila, at panatilihin ang pusong nagbibigay luwalhati kay Cristo bilang Panginoon. Kapansin-pansin na sinabi niyang maaaring magamit sa kabutihan ang mga pagsubok na pinagdadaanan nila at maging dahilan para makalapit ang mga tao kay Cristo. Kapag may nagtanong tungkol sa kanilang pananampalatayang hindi natitinag, kailangang maging handa silang ibahagi ang mensahe ng kaligtasan nang mahinahon, may paggalang, at malinaw.

Ang pangako nating magpakabanal ay isang debosyon na nagmumula sa ating kalooban at nagbubunga ng panlabas na pagpapahayag. Habang lumalapit tayo sa Diyos at hinahayaan natin ang Kanyang Espiritung baguhin tayo mula sa loob patungo sa labas, pinupuspos Niya ang ating puso’t isipan ng Kanyang karunungan, kalakasan, at pagmamahal. Binibigyan Niya tayo ng kakayahang kumilos sa gitna ng mga pagsubok at ipaglaban ang ating paniniwala nang may kahinahunan at paggalang.

Kapag may dumarating na oposisyon sa iyong landas, ano ang nagiging reaksyon mo? Malamang ay mahirap ipagsawalang-bahala ang kahihiyan o kabiguang dala nito. Ngunit sa lahat ng bagay, may layunin ang Diyos. Ang mga oposisyong ito ay maaaring magdala ng mga pagkakataon para maibahagi natin ang ating pananampalataya.

Sa kabila ng mga panggigipit na hinaharap natin mula sa mundo, ang mga sandali ng pambabatikos o pang-uusig ang tumutulong sa ating maging saksi para sa Diyos. Kung magiging masigasig tayo sa pagiging banal, makikita Siya ng mundo sa pamamagitan ng paraan natin ng pamumuhay at maaari itong magbukas ng pagkakataon upang maipangaral ang ebanghelyo.

Ang pangakong maging banal ay naipapahayag ng ating kilos, katangian, at kalooban. Ito ay isang dedikasyon na parangalan ang Diyos at maging patotoo ng pag-asang mayroon tayo sa Kanya. Nawa’y patuloy tayong maging tapat sa tawag na mamuhay nang naiiba, nagbibigay papuri sa ating Panginoon, at umaakay sa mga tao palapit sa Kanya.

Alalahanin n’yo na si Cristo ang dapat ninyong parangalan at sundin. Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo. At maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagsagot. . . .

Pag-isipan: Ano ang mga naging reaksyon mo noong may mga bumatikos o umusisa sa iyong pananampalataya?

Pag-isipan: Hilingin sa Diyos na puspusin ka ng karunungan, kahinahunan, at paggalang upang lagi kang maging “handang magpaliwanag” sa mga taong magtatanong tungkol sa iyong pananampalataya.

Faith Step

Pag-isipan kung sino sa mga kakilala mo ang maaaring tumutol sa iyong pananampalataya o patotoo. Ipanalangin sila, at ipanalangin na bigyan ka ng Diyos ng pagkakataon upang buong tapang mong maipahayag sa kanila ang iyong pananampalataya.

Panalangin

Panginoon, maraming salamat sa ebanghelyo; hindi ko ito ikinakahiya, dahil ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa ikaliligtas ng lahat nang sumasampalataya. Nagpapasakop ako sa Iyo at nagtitiwala akong kasama Kita. Bigyan Mo ako ng kakayahang maging mabuti sa lahat at matiyagang tiisin ang kasamaan, at tulungan Mo rin akong makita ang mga oposisyon bilang mga pagkakataon para maipahayag ang Iyong mabuting balita. Salamat, Jesus, sa pagiging mabuting halimbawa nito. Karapat-dapat Mong matanggap ang aking dedikasyon at debosyon. Puspusin Mo ako ng Iyong pagkahabag at biyaya para sa iba. Amen.

Araw 5Araw 7

Tungkol sa Gabay na ito

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa Kabanalan

Sa simula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Sa panahong ito, tingnan natin kung paano tayo tinawag ng Diyos na tanggapin ang Kanyang biyaya upang tayo ay maging banal at mamuhay para kay Cristo.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/