Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa KabanalanHalimbawa

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa Kabanalan

ARAW 4 NG 7

1 Pedro 2:10–12

Dati’y hindi kayo mga taong sakop ng Diyos, pero ngayon, mga sakop na niya kayo. Noon, hindi kayo kinaawaan ng Diyos, pero ngayon, kinaawaan na niya kayo. Mga minamahal, mga dayuhan kayong nakikitira lang sa mundong ito. Kaya nakikiusap ako sa inyong talikuran na ninyo ang masasamang pagnanasa ng inyong katawan na nakikipaglaban sa inyong espiritu. Sa lahat ng oras, ipakita n’yo sa mga taong hindi kumikilala sa Diyos ang matuwid ninyong pamumuhay. Kahit pinararatangan nila kayo ngayon ng masama, sa bandang huli ay makikita nila ang mga kabutihang ginagawa n’yo at luluwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng pagdating niya.

Karagdagang Babasahin: Micas 6:8; Mateo 5:14–16; Mga Taga-Roma 12:1–2; 2 Corinto 9:13; Mga Taga-Galacia 5:16–24; Mga Taga-Efeso 4:1–3; Tito 2:7–8

Sinabi ni Pedro sa kanyang mga mambabasa na habang tinatalikuran nila ang mga panandalian nilang kinahihiligan, kailangan din nilang pagsikapang gumawa ng mabubuting bagay. May mga bagay na hindi dapat gawin at mayroon ding mga bagay na dapat gawin. Sinabihan niya silang mamuhay nang kagalang-galang, kahit sa pananaw ng mga hindi mananampalataya. At kapag nakita nila ang mga mamamayan ng Diyos na gumagawa ng mabubuting gawa, maaari silang maakay at sumamba rin sa Diyos.

Ngunit ano ba ang larawan ng mabuting ugaling nakasentro sa ebanghelyo? Maaari ring gumawa ng “mabubuting” bagay ang mga taong hindi sumusunod kay Cristo. Ang kaibahan sa pag-uugali ng mga mananampalataya at mga hindi mananampalataya ay ang banal na halimbawa ni Cristo. Dapat tayong tumingin kay Cristo, ang modelo kung paano maipapamuhay ang kabanalan sa pamamagitan ng ating ugali. Ang mga halimbawa at katuruan Niya ay maaaring magamit sa anumang kultura at sa anumang panahon. Bakit? Dahil hindi pabago-bago ang katangian ng Diyos—hindi Siya kailanman nagbabago.

Bukod pa rito, ipinapakita ni Cristo sa atin na ang banal na pag-uugali ay hindi lamang tumutukoy sa paminsan-minsang paggawa ng kabutihan. Tumutukoy ito sa isang paraan ng pamumuhay kung saan pareho ang ipinapakita sa mga pampubliko at pribadong lugar. Itinuturo ni Jesus sa Kanyang mga disipulo kung paano tratuhin ang ibang tao, humawak ng salapi, mamuhay nang mahabagin, magpakita ng respeto sa kinauukulan, at magpasakop sa Diyos. Ipinakita Niya kung paano natin dapat makita ang mundo gamit ang mga matang may kabanalan at kung paano tayo makakasagot sa paraang sumasalamin sa hindi nagbabago at banal na katangian ng Diyos.

Habang sinisikap nating mamuhay nang banal, dapat nating balikan ang krus. Ang kaloob na kaligtasan at ang kaalaman tungkol sa kabanalan ng Diyos ang dahilan kung bakit tayo nakakagawa ng mabubuting bagay. Hindi kailanman magiging kabayaran ng kasalanan ang mabubuti nating gawa. Sa halip, nanggagaling ang ating gawa sa kaalaman tungkol sa kabutihan at kabanalan ng Diyos. Mayroon tayong pagkakataong ipamuhay ang kaisipang misyonal sa pamamagitan ng ating kilos, pag-uugali, kalooban, pananalita, at pag-iisip. Dapat maging katangi-tangi ang ating pag-uugali kung ihahambing sa mundo dahil napalaya at naibukod tayo ng kabanalan ni Cristo.

Sa lahat ng oras, ipakita n’yo sa mga taong hindi kumikilala sa Diyos ang matuwid ninyong pamumuhay. Kahit pinararatangan nila kayo ngayon ng masama, sa bandang huli ay makikita nila ang mga kabutihang ginagawa n’yo at luluwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng pagdating niya.

Pag-isipan: Paano nakapagbibigay ng karangalan sa Diyos ang paraan mo ng pamumuhay sa mga pampubliko at pribadong lugar?

Pag-isipan: Paano ipinapakita ng pag-uugali mo ang kabanalan ng Diyos sa mga taong nakapaligid sa iyo?

Faith Step

Maglaan ng panahon upang pag-isipan ang ebanghelyo at tanungin ang Diyos kung paano mo maipapamuhay ang banal na pag-uugali sa iyong komunidad. Isulat kung ano ang sinasabi sa iyo ng Diyos, at kausapin ang kasama mo sa pananalangin tungkol sa mga susunod na hakbang na gagawin mo.

Panalangin

Jesus, salamat sa pagiging perpektong ehemplo ng banal na pag-uugali. Tulungan Mo akong alamin kung paano maging matuwid at banal sa aking pagkilos, pananalita, at pag-iisip. Bigyan Mo ako ng kakayahang gumawa ng mabuti na nagmumula sa isang tapat na puso. Aking Diyos, tulungan Mo ako kung paano mamuhay para makita ng iba ang mabuti kong gawa at papurihan Ka. Binago ako ng Iyong ebanghelyo mula sa loob palabas; tulungan Mo akong maging mas katulad ni Cristo upang makilala Ka rin ng iba. Nawa’y makapagbigay sa akin ng kalakasan ang Iyong kaligayahan habang pinag-iisipan ko ang Iyong kabutihan dito sa lupa. Idinadalangin ko ito sa Iyong pangalan, amen.

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Set Apart | Isang Biblikal na Pananaw sa Kabanalan

Sa simula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Sa panahong ito, tingnan natin kung paano tayo tinawag ng Diyos na tanggapin ang Kanyang biyaya upang tayo ay maging banal at mamuhay para kay Cristo.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: https://www.everynation.org.ph/