Ruth: Isang Kuwento ng Mapagtubos na Pag-ibig ng DiyosHalimbawa
Maraming magagandang kuwento ang nagtatapos sa, "At namuhay silang maligaya magpakailanman." Hindi ang Ruth. Ang kuwentong ito ay humigit pa sa “maligaya magpakailanman” patungo sa angkan ni Cristo. Ang huling anim na talata ng Ruth ay ang pinakamahalaga sa aklat dahil ipinapakita nito sa atin, muli, kung paano gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya. (Mga Taga-Roma 8:28) Sa buong aklat ng Ruth, makikita natin kung paano ginamit ng Diyos ang tapiserya ng buhay ng tao upang maisakatuparan ang Kanyang mga plano. Ang pangwakas na mga talata ay nagpapakita na ang perpektong kalooban ng Diyos ay nakakamit sa kabila ng ating di-gaanong perpektong mga desisyon at pagkatisod sa buhay.
Kasama tayo sa perpektong kalooban ng Diyos ngunit hindi nakasentro sa atin. Sa kanyang libro na Faithful God: An Exposition on the Book of Ruth, sinabi ni Sinclair Ferguson, "Ang mas malalim na kahalagahan ng ginagawa ng Diyos ay higit pa sa buhay ng mga pangunahing tauhan nito." Ang lahat ng mananampalataya ay may mas malaking layunin kaysa sa kung ano ang nangyayari sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ito ay pinatutunayan ng katotohanan na ang tatlong pangunahing tauhan ng aklat ay nawala sa memorya sa huling anim na bersikulo, dahil ang sa kanila ay hindi ang pangunahing kuwento. Gayunpaman, ang mga tauhan ay may mahalagang papel sa kuwento ng kaligtasan. Ang wagas na pag-ibig na ipinakita nina Ruth at Boaz ang nagpakilos sa kaligtasan na umabot sa buong daigdig.
Malinaw mula sa huling ilang talatang ito ng Ruth na ang sukdulang dahilan ng Diyos sa lahat ng nasa kuwentong ito ay nangyari upang maisakatuparan ang isang tiyak na layunin: ang pagsilang ni Jesu-Cristo. Kabilang dito ang paglipat ni Naomi sa Moab, ang kabaugan sa simula ni Ruth, ang pagkamatay ng asawa at mga anak ni Naomi, ang pananatili ni Ruth sa tabi niya, ang pamumulot ni Ruth sa bukid ni Boaz, ang mapanganib na pakana ni Naomi (na nagtagumpay), ang pagtanggi ng isa pang manunubos na kamag-anak, at ang pagsilang ni Obed kay Boaz at Ruth.
Ang Genesis 3:15 ay kilala bilang ang protoevangelium dahil ito ang unang (proto) pagpapahayag ng ebanghelyo (euangelion). Nangako ang Diyos na magdudulot Siya ng isang mortal na dagok kay Satanas sa pamamagitan ng supling ni Eva. Nang tinukoy ng Diyos ang supling ni Eva, ang ibig Niyang sabihin ay si Jesu-Cristo, ang Kanyang kaisa-isang Anak, na nagbigay ng huling dagok kay Satanas nang Siya ay namatay sa krus. Tatlong kabanata pa lamang sa Biblia, ang talatang ito ang nagpakilos sa kuwento ni Jesus, na nagpatuloy hanggang kay Ruth at sa iba pang bahagi ng Kasulatan. Ang pangako ng Genesis 3:15 ay natupad dahil sa soberanong paglalaan ng Diyos sa isang maliit, waring hindi gaanong mahalagang pamilya sa Bethlehem.
Itinaas ng mga talaangkanang ito ang kuwento ni Ruth mula sa isang usap-usapan sa isang maliit na bayan tungo sa isang pambansa at walang hanggang kahalagahan. Sa madilim na mga panahon ng mga hukom, inilatag ang pundasyon para sa linyang magbubunga ng Tagapagligtas, ang Mesiyas, at ang Manunubos ng isang naliligaw at naghihikahos na sangkatauhan. Ang binhi ng babae ay ihahayag sa pamamagitan nina Boaz at Ruth, David at Batsheba, at Jose at Maria. Sa Mga Awit 132:12, nangako ang Diyos na isa sa mga anak ni David, isang mas dakila pa kay David, ang maghahari magpakailanman. Tunay nga, pinagsama-sama ng Diyos ang lahat sa loob ng daan-daang taon para sa sukdulang kabutihan na inilaan Niya para sa mga nagtitiwala sa Kanya.
Sa kaibuturan ng kuwento ni Ruth ay namamalagi ang apat na mahahalagang mga teolohikong katotohanan:
1. Ang paglalaan ng Diyos ay isang bagay kung saan tayo makakaasa. Maaaring hindi natin laging nakikita o nauunawaan ang mga pagkilos ng Diyos, ngunit makatitiyak tayong Siya ang may kontrol at hindi pababayaan ang Kanyang mga anak.
2. Dapat tayong magpakita ng pagmamahal sa iba tulad ng ipinakita ng Diyos sa atin.
3. Sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ng Kanyang mamamayan, at ang Kanyang mga pagpapala ay umaabot mula sa limitadong pananaw ng ating buhay hanggang sa mga susunod na henerasyon.
4. Kailangan natin ng isang Manunubos na labis na nagmamahal sa atin kaya Siya ay namatay upang ibalik tayo sa Diyos. Walang sinuman ang nasa labas ng biyaya ng Diyos, at ang “pinakamaliit sa mga ito” – mga makasalanan, mga Gentil, at mga patapon ng lipunan – ay tinutubos pa rin.
Tungkol sa Gabay na ito
Marahil isa sa pinakakahanga-kahangang maikling kuwento sa lahat ng panahon, ang aklat ng Ruth ay isang salaysay ng tumutubos na pag-ibig ng Diyos. Ang aklat ng Ruth ay isang kamangha-manghang kuwento kung paano ginagamit ng Diyos ang buhay ng mga ordinaryong tao upang matupad ang Kanyang soberanyang kalooban. Sa pamamagitan ng magagandang mga alegorya ng pag-ibig at sakripisyo ni Cristo para sa Kanyang mga tao, ipinapakita sa atin kung gaano kalaki ang ginagawa ng Diyos upang matubos ang Kanyang mga anak.
More