Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ruth: Isang Kuwento ng Mapagtubos na Pag-ibig ng DiyosHalimbawa

Ruth: A Story of God’s Redeeming Love

ARAW 2 NG 7

Sa Ruth 1, ipinapakita ng Diyos ang Kanyang katapatan sa atin:

·Matapat ang Diyos kahit tayo ay hindi

·Matapat ang Diyos kahit tayo ay nawawalan ng pag-asa

·Matapat ang Diyos kahit tayo ay nakakalimot sa Kanyang mga pangako.

Si Elimelec, ang kanyang asawa na si Naomi, at ang kanilang dalawang anak na lalaki ay nabuhay noong panahong dumaranas ng taggutom ang Betlehem. Kadalasan, ang mga taggutom ay sanhi ng malaking pagsuway ng Israel sa Diyos. Noong mga panahong iyon, pinahintulutan ng Diyos ang Kanyang bayan na magdusa sa pamamagitan ng taggutom upang hikayatin silang magsisi sa kanilang mga kasalanan. Sa halip na magbalik-loob sa Diyos, tinalikuran ni Elimelec ang Panginoon at dinala ang kanyang pamilya sa Moab. Sinubukan nilang takasan ang parusa ng Diyos sa halip na magsisi. Tila bang sinabi ni Elimelec, “Kung hindi ipagkakaloob ng Diyos ang para sa akin at sa aking pamilya, kailangan kong kunin ang mga ito sa sarili kong mga kamay at ako mismo ang gagawa nito.” Ngunit kinasusuklaman ng Diyos ang Moab at ang kanilang pagsamba sa huwad na diyos, si Chemosh. Tahasang sinabi Niya sa Kanyang bayan na huwag magkaroon ng anumang kinalaman sa Moab. Pinili ni Elimelec ang maligtas kaysa pagsunod. Ang pag-aalaga sa kanyang pamilya ay hindi katuwiran upang lumabag sa mga utos ng Diyos. Ngunit hindi susuklian ng Diyos ang ating kawalan ng pananampalataya ng gayon din (Mga Taga-Roma 3:3-4). Makikita natin na ang Diyos ay mananatiling tapat kahit na sila ay hindi.

Habang nasa Moab, namatay si Elimelec at ang kanyang mga anak at naulila si Naomi kasama ang kanyang dalawang manugang na babae, sina Orpa at Ruth. Naiisip mo ba ang nararanasan ni Naomi? Habang nakatayo sa harap ng ikatlong libingan ng mahal sa buhay, si Naomi ay tila sinakluban ng langit at lupa. Nawalan siya ng pag-asa. At ang pagkawala ng kanyang asawa at mga anak ay hindi lamang sa kanyang pamilya. Tatlo silang naghihikahos na mga balo sa isang magulong lupain na walang pantustos sa kanilang mga sarili.

Ang paghihirap ay madalas na nagreresulta sa pagdududa sa Diyos. Si Naomi ay bulag sa mas dakilang plano ng Diyos ngunit hindi nag-alinlangan sa pag-iiral ng Diyos; nag-alinlangan siya sa Kanyang pagmamahal at pag-aalaga. Gayunpaman, kapag ang mga bagay ay tila pinakamadilim para sa bayan ng Diyos, kadalasan ay may paparating na araw ng awa ng Diyos. Kasama natin ang Diyos sa ating mga paghihirap. Dapat nating tandaan na ang Diyos ay mananatiling tapat kahit na nawalan na tayo ng pag-asa.

Nang batiin ng galak na galak na mga taong-bayan si Naomi, sinabi niya sa kanila na tawagin siyang Mara. Nadama ni Naomi na siya ang naging puntirya ng poot ng Diyos dahil siya ay “pinabayaang magdusa ng Makapangyarihang Diyos.” Dahil dito, pinalitan niya ang kanyang pangalang kaloob ng Diyos (Naomi, na nangangahulugang “kaaya-aya”) ng isang pangalan batay sa kanyang mga kalagayan at damdamin (Mara, na nangangahulugang “mapait”). Hindi na nakikita ni Naomi na ang Diyos ay may “kaaya-aya” na mga bagay na nakalaan para sa kanya. Binago niya ang kanyang pang-unawa sa katotohanan, at kasama nito, binago niya ang kanyang konsepto tungkol sa Diyos. Hindi na nakita ni Naomi ang Diyos bilang tapat at mapagmahal sa kanya. Ni hindi niya "makita" ang katauhan ni Ruth na nakatayo sa tabi niya. Si Ruth, na nagpahayag ng walang hanggang pagmamahal at debosyon kay Naomi, ay maaaring naisip na, “Narito ako!” Nakalimutan ni Naomi ang mga pangako ng Diyos (Deuteronomio 31:8). Nakalimutan ni Naomi na ipinangako ng Diyos na sasamahan Niya siya at hinding-hindi siya iiwan o pababayaan. Subalit, ang Diyos ay tapat, kahit na nakakalimutan natin ang Kanyang mga pangako.

Sa buong Kasulatan, ipinapaalala sa atin ang matatag na pag-ibig ng Diyos. Sa iba't ibang sitwasyon sa buhay ni Naomi, hindi nagbabago ang pagmamahal ng Diyos sa kanya. Nang talikuran ni Elimelec at Naomi ang Diyos, nanatili Siyang tapat. Nanatiling tapat ang Diyos nang mawalan ng pag-asa si Naomi dahil sa pagkamatay ng kanyang asawa at dalawang anak na lalaki. Nang makalimutan niya ang mga pangako ng Diyos, naalala pa rin ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Anuman ang kalagayan natin, maaasahan din natin ang Diyos na maging tapat sa atin. Hindi Niya pababayaan ang Kanyang mga anak.

Nakaranas ka na ba ng kapaitan ng buhay o kawalan ng pag-asa tulad ni Naomi? Nasayang mo na ba ang mga pagpapala sa paligid mo dahil nakatutok ka sa iyong pighati? Lahat tayo ay may posibilidad na kalimutan ang mga pangako ng Diyos sa atin at mamuhay na parang mga ulila sa halip na mga tagapagmana ng Kanyang kaharian. Ano ang ilang bagay na maaari mong gawin upang ipaalala sa iyong sarili ang katapatan ng Diyos?

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Ruth: A Story of God’s Redeeming Love

Marahil isa sa pinakakahanga-kahangang maikling kuwento sa lahat ng panahon, ang aklat ng Ruth ay isang salaysay ng tumutubos na pag-ibig ng Diyos. Ang aklat ng Ruth ay isang kamangha-manghang kuwento kung paano ginagamit ng Diyos ang buhay ng mga ordinaryong tao upang matupad ang Kanyang soberanyang kalooban. Sa pamamagitan ng magagandang mga alegorya ng pag-ibig at sakripisyo ni Cristo para sa Kanyang mga tao, ipinapakita sa atin kung gaano kalaki ang ginagawa ng Diyos upang matubos ang Kanyang mga anak.

More

Nais naming pasalamatan ang Armchair Theology Publishing para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://www.timothymulder.com/