Ruth: Isang Kuwento ng Mapagtubos na Pag-ibig ng DiyosHalimbawa
Habang binabasa mo ang aklat ni Ruth, malamang na naniniwala ka na si Ruth ang siyang tinubos. Bagama't walang alinlangan na totoo iyon, may isa pang tinubos na higit pa kay Ruth: si Naomi. Parehong nakaranas ng kahanga-hangang pagbabago sina Ruth at Naomi, ngunit ang pagbabago ni Naomi ay isa sa mga tampok ng aklat. Ang pagtubos sa kanya ay naglalarawan ng pagtubos sa lahat ng nagtitiwala sa Panginoon.
Sa kabuuan ng kanyang kuwento, si Ruth ay nagkaroon ng kumpiyansa at nakaranas ng pag-angat sa lipunan. Sinimulan ni Ruth ang kuwento bilang isang Moabita, isang paganong dayuhan sa isang kakaibang lupain, isang mahirap na balo. Nang makilala niya si Boaz, nakilala niya ang kanyang sarili bilang “mas mababa kaysa sa isang lingkod.” Pagkatapos niyang mamulot sa kanyang lupain sa loob ng ilang buwan, nagkaroon ng matatag na ugnayan si Ruth kay Boaz, at inalagaan niya ito. Kinilala niya ang kanyang sarili bilang lingkod ni Boaz nang hilingin niyang pakasalan siya nito (iyan ang ginawa niya kung sakaling nakaligtaan mo ito). Ang pagiging asawa ni Boaz ay nagpataas ng kanyang katayuan sa lipunan bilang asawa ng isang mayamang may-ari ng lupa at isang lalaking inilarawan bilang “karapat-dapat.” Gayunpaman, hindi roon nagtapos ang pagbabago ni Ruth. Siya ay naging mas mataas pa sa isang iginagalang na asawa at miyembro ng komunidad. Siya ay ibinilang magpakailanman sa mga pinarangalan na tao sa talaangkanan ng Panginoon. Subalit ang aklat ni Ruth ay tungkol din sa pagtubos kay Naomi.
Ang kasukdulan ng pagtubos ng Diyos kay Naomi ay nagbibigay-diin sa katapatan at pangangalaga ng Diyos anuman ang nakaraan ni Naomi. Sa pagtatapos ng Kabanata 1, bumalik si Naomi sa Bethlehem bilang isang nagsilikas na walang salapi. Siya ay hungkag sa espirituwal, pisikal, at emosyonal. Sinabi niya na "pinakitunguhan siya ng Panginoon nang may kapaitan." Sa pagtatapos ng aklat, si Naomi ay puspos sa espirituwal, pisikal, at emosyonal. Hindi kinalimutan ng Diyos si Naomi. Pinatunayan ito ng sanggol na lalaki na nasa kanyang kandungan. Si Naomi, na labis na nagdalamhati dahil sa kawalan ng tagapagmana, ngayon ay may hawak-hawak sa kanyang mga bisig. Ibinalik ng Diyos ang kanyang pinansiyal na seguridad at katayuan sa komunidad. Siya ay bumalik sa kanyang pinanggalingan: mula Mara pabalik sa Naomi, mula sa kapaitan pabalik sa kaaya-aya, mula sa hungkag patungo sa ganap, mula sa mahirap na alibugha patungo sa lola sa tuhod ng isang hari - ang pinakadakilang hari sa kasaysayan ng Israel. Siya ay nagmula sa isang matandang walang anak na tagapagmana patungo sa isang ninuno ng Emmanuel, ang Diyos na kasama natin, si Jesu-Cristo.
Sa huli, ang mensahe ni Ruth ay ang maibiging-kabaitan ng Diyos, na humahantong sa pagpapanumbalik at pagpapala – pisikal at espirituwal. Ito ang ginagawa ng Diyos; ipinanunumbalik Niya ang winasak ng kasalanan at paghihimagsik. Matututunan natin sa pagbabago ni Naomi na alam ng ating Diyos ang ating mga pangangailangan at lubhang nagmamalasakit sa ating kapakanan. Inuna ng kamatayan ni Cristo sa krus ang kapakanan ng mga mananampalataya kaysa sa Kanyang sarili.
Ang kahanga-hangang pagpapanumbalik ni Naomi ay ang uri ng pagbabagong ginagawa ng Diyos sa buhay ng lahat ng nagtitiwala sa Kanya bilang kanilang Panginoon at Tagapagligtas. Lahat tayo ay nagkakaroon ng parehong pagbabago: mula sa kapaitan patungo sa kaaya-aya, sa hungkag patungo sa ganap, pagiging nasa labas ng pamilya ng Diyos tungo sa pagiging mga anak ng Makapangyarihan, mga kasamang tagapagmana ni Cristo. Wala nang mas pambihirang pagbabago. Sa Faithful God: An Exposition on the Book of Ruth, sinabi ni Sinclair Ferguson, “Ito ang paraan ng Diyos. Kinukuha Niya ang mahihinang bagay ng mundong ito at sa pamamagitan nito ay hinihiya Niya ang mga bagay na makapangyarihan; sa pamamagitan ng mga bagay na mababa at hinahamak, Kanyang ipinapahiya ang malakas; at sa pamamagitan ng mga bagay na wala, Hinihiya Niya ang mga bagay na mayroon.”
Sa palagay mo, mas malaki ba ang pagtubos ni Naomi kaysa kay Ruth? Mayroon bang mga tao sa iyong buhay na makikinabang sa pagdinig tungkol sa iyong pagbabago?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Marahil isa sa pinakakahanga-kahangang maikling kuwento sa lahat ng panahon, ang aklat ng Ruth ay isang salaysay ng tumutubos na pag-ibig ng Diyos. Ang aklat ng Ruth ay isang kamangha-manghang kuwento kung paano ginagamit ng Diyos ang buhay ng mga ordinaryong tao upang matupad ang Kanyang soberanyang kalooban. Sa pamamagitan ng magagandang mga alegorya ng pag-ibig at sakripisyo ni Cristo para sa Kanyang mga tao, ipinapakita sa atin kung gaano kalaki ang ginagawa ng Diyos upang matubos ang Kanyang mga anak.
More