Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Baliktad na Kaharian: Isang 8-Araw na Pag-aaral sa Mga Mapapalad (Beatitudes)Halimbawa

The Upside Down Kingdom: An 8 Day Study Through the Beatitudes

ARAW 8 NG 8

Gayunpaman, Magalak

“Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit. Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan nang dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.” Mateo 5:10–12

SIMULAN NATIN

Si Celio Secondo Curione ay inaresto noong 1523 dahil sa pagtalakay ng mga aral ng Biblia. Isang Italianong humanista na ang puso ay pinukaw ng mga isinulat ni Martin Luther, si Curione ay agad na ikinulong sa isang kumbento, kung saan pinayuhan siya ng mga awtoridad ng simbahan na isaalang-alang ang heretikal na kalikasan ng kanyang mga ideya. Sa halip, patuloy niyang binasa ang mga aral ng mga Repormador, at ibinahagi ang kanilang mensahe ng hindi karapat-dapat na biyaya sa sinumang nais makinig.

Sa katunayan, nabigyang-buhay siya ng Banal na Kasulatan kaya’t sa kalaunan, tinanggal niya ang mga buto mula sa isang relikaryo ng santo at pinalitan ito ng kopya ng Biblia at isinulat ang ganitong paliwanag: “Ito ang kaban ng tipan kung saan matatagpuan natin ang tunay na orakulo ng Diyos; ito ang mga tunay na banal na alaala.”

Ang kuwentong ito ay nagpapakita ng puso ng huling talatang makikita sa Mga Mapapalad ni Jesus. Nabuhay sa kapangyarihan ng kaligtasan ng ebanghelyo, masayang tiniis ni Curione ang pag-uusig at paghihiganti sa kanya, dahil sa napagtanto niya na ang katotohanan ng kaharian ni Cristo ay higit na mahalaga kaysa sa personal na kaligtasan o pagsang-ayon ng iba.

DEBOSYONAL NA PANANAW

Bagaman ang pangako ng Biblia patungkol sa kapayapaan ay isang pamana sa bawat mananampalataya kay Jesus, kaakibat nito ang pangangailangan na tayo, tulad Niya, ay magpasan din ng krus.

MGA OBSERVASYON

Ang ikawalo at ikasiyam na mga talata patungkol sa Mga Mapapalad ay nagpapakita ng dalawang dahilan kung bakit mapalad ang mga inuusig: kapag ito ay dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos (Mateo 5:10), o kapag ang isang tao ay nilalait at inuusig dahil sa pangalan ni Jesus (Mateo 5:11). Ang huli ay isang muling pagpapahayag at pagpapaliwanag ng una, sapagkat ang ating pampublikong saksi sa katuwiran ay nakasalalay sa ating pagkakakilanlan kay Jesus.

Nakalulungkot na sa kasalukuyang kultura, napakaraming paraan kung paano nagdudulot ng paghihirap ang mga Cristiano sa kanilang mga sarili. Ang mga naglalabas ng poot o walang hangganang mga teorya ng sabwatan ay nag-aanyaya ng pangungutya o pagkansela sa social media. Ang mga nagtatanggol sa pangit o makasalanang asal ng kanilang mga paboritong politiko (mula sa alinmang panig ng pulitika) ay tinatawag na mga hipokrito. Ang mga nagbibigay ng katuwiran sa mga paglabag sa integridad sa pamamagitan ng pagsasabing mas masama ang ginagawa ng kabilang panig ay pinaparatangan bilang mga duwag na tagasunod ng “bakit-sila.”

Gayunpaman, hindi natin maaaring itanggi na ang mga Cristiano ngayon, kahit sa mga tinatawag na mapagparayang bansa sa Kanluran, ay inuusig dahil sa pagiging matuwid. Ang mga tumatangging makibahagi sa aktibong pagtanggap ng mga hindi biblikal na pamumuhay sa negosyo at sa akademya ay pinaaalis, dinadala sa korte o nawawalan ng trabaho. Sa labas ng Kanluran, ang mga Cristiano ay maaaring makatagpo ng iba't ibang mga panganib dahil sa pagtangging ikaila ang kanilang pananampalataya—o dahil sa kasalanang magpahayag bilang mga tagasunod ni Cristo.

Ang mas "malalim" na kabuluhan ng mabuting balita na ito ay kinikilala na ang maging "na kay Cristo" ang siyang tumutukoy sa kabuuan natin—sa bawat ambisyon, mga gawain, layunin, at mga relasyon—isang pagkakilanlan at pagkatawag na siguradong makasasakit sa mga damdamin ng mundo.

APLIKASYON

Paanong ang pag-uusig ay magandang balita, at nagdudulot pa nga ito ng kagalakan? Sa simpleng salita, isang pribilehiyo ang mamuhay para kay Cristo. Ito ang kagalakan ng pagyakap sa pamamagitan ng pananampalataya sa sakdal na gantimpalang ipinangako sa kaharian ng langit. Ang mga alagad ni Cristo, tulad ni Abraham, ay tumitingin sa lungsod na may mga pundasyon, na ang tagadisenyo at tagapagtayo ay ang Diyos (Mga Hebreo 11:10). Nakalulungkot nga lang, ito ay isang kagalakan na nananatiling banyaga sa mundo, na naghahanap ng ibang kaharian.

Nabubuhay ka ba ng isang buhay na nagdudulot ng mga tanong o pagkamangha mula sa iyong mga kapitbahay? Pag-uusig? Gaano kalaki ang kagalakan at kasiyahan na nasa iyo habang ikaw ay nabubuhay para kay Cristo? Handa ka bang magdusa upang maranasan ang kakaibang kagalakan ng kaharian? Ano ang maaaring pumipigil sa iyo sa buong pusong pagsunod sa Panginoon?

Upang magbasa pa tungkol sa Mga Mapapalad, tingnan ang The Upside Down Kingdom: Wisdom for Life from the Beatitudes mula sa Crossway, dito: https://www.crossway.org/books/the-upside-down-kingdom-tpb/

Banal na Kasulatan

Araw 7

Tungkol sa Gabay na ito

The Upside Down Kingdom: An 8 Day Study Through the Beatitudes

Sa mga talata tungkol sa Ang mga Mapapalad (Mateo 5:2–12), hinihikayat tayo ni Jesus na ihiwalay ang ating sarili sa mundo at mamuhay na hindi umaayon sa kultura at may bagong pagkakakilanlan na nakaugat sa Kanya. Sinusuri ng Upside Down Kingdom ang hindi kapani-paniwalang karunungang ito at tinutuklas ang kahalagahan nito sa kasalukuyan.

More

Nais naming pasalamatan ang Crossway sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaring bumisita sa: https://www.crossway.org/